Tinatakot Palagi ng Ina ang Anak Upang Matulog Ito ng Maaga, Nanigas Siya nang Makita ang Isang Nilalang na Nawiling Bumisita Dito

Limang taong gulang na ang anak na lalaki ng mag-asawang sina Leo at Mercy. Dahil sapat lamang ang kinikita ni Leo sa kanyang trabaho, hindi nila magawang kumuha ng tigapag-alaga upang makabalik sa trabaho si Mercy. Kaya naman napagdesisyunan na lamang nilang tumigil muna sa trabaho si Mercy upang matutukan ang pag-aalaga sa kanilang anak na si Jacob.

Nakasanayan na ni Mercy pagkamulat ng mata, agad na siyang babangon upang asikasuhin ang agahan ng kanyang mag-ama. Pagkatapos noon ay buong araw na siyang maglalaba, maghuhugas ng pinggan, maglilinis ng buong bahay, at mamamalantsa. Ihahatid pa niya at susunduin ang anak sa eskwela. Kaya naman pagdating ng gabi, pagod na pagod na ang masipag na ina.

“Mama! Laro pa tayo,” paglalambing ni Jacob sa kanyang ina.

“Anak naman. Alas otso na ng gabi. May pasok ka pa bukas. Matulog ka na, anak.” sagot ng pagod nang ina.

“Eh, mama! Hindi pa po ako inaantok e. Kwentuhan niyo na lang po ako,” patuloy na pakikiusap ng bata.

Dahil gusto pa sana ni Mercy na magkaroon ng oras para sa sarili, nakaisip siya ng paraan upang makatulog agad ang bata.

“O, sige. Kukwentuhan kita. Tara, anak. Mahiga ka na.”

“Yehey! Thank you, mama,” malambing na pasasalamat ni Jacob.

Advertisement

“Isang gabi, mayroong isang bata na palaging nagpupuyat. Hindi niya iniintindi ang pakiusap ng kanyang ina na matulog na siya. Kaya naman isang nilalang ang nakapansin sa kanya…” pananakot ni Mercy sa bata. Hindi pa ito nakuntento at nagpakita pa ng mga nakakatakot na larawan mula sa kanyang cell phone.

“Mama! Tama na po, nakakatakot!” umiiyak na paki-usap ng takot na bata.

“O ‘di ba? Kaya naman matulog ka na. Baka ikaw na ang dalawin ng nakakatakot na nilalang!” patuloy na pananakot ng ina.

Maya-maya pa ay nakita niyang epektibo ang ginawang pananakot. Tulog na si Jacob ilang minuto pa lamang matapos ang kanyang kwento.

Tuwang-tuwa si Mercy. Agad siyang lumabas ng kwarto upang makapagliwaliw. Nanood ng tv, kumain ng mga gusto niya, at nakipaglambingan kasama ng asawa niya.

Inaraw-araw na ni Mercy ang ganitong gawa sa anak. Araw-araw na rin itong maagang natutulog at nagigising. Nang isang araw ay mapansin ni Leo ang malaking pagbabago sa ugali ng anak. Kung dati ay masigla at masiyahing bata si Jacob, ngayon ay tahimik na ito at hindi namamansin.

“Mercy? Alam mo ba kung ano ang nangyari sa anak natin?” tanong ni Leo sa kanyang misis.

“Bakit? Pakiramdam ko naman ay pagod lang siya sa eskwela.” paliwanag ni Mercy.

Advertisement

“Hindi e. Iba. Ramdam ko. Hindi na siya kagaya ng dati. Kakausapin ko.” sagot ni Leo.

Maya-maya pa ay pinuntahan na nga niya ang anak. Naabutan niya itong nakatulala habang nakahiga sa sarili nitong kama.

“Anak?”

Napabalikwas si Jacob. Gulat na gulat nang biglang nagsalita ang ama.

“O, bakit? Ano bang nangyayari sa iyo? Palagi kang nerbyoso at tahimik. Hindi ka na nga nakikipaglaro sa akin,” sambit ng nag-aalalang ama.

“Papa, may iba na kasi akong kalaro. Nagagalit siya sa’kin kapag nakikipaglaro ako sa inyo. Saka maaga rin po niya akong pinapatulog para maaga rin po kaming makapag-kita.”

“Ha? Sino ‘yan? Nakikipagkita ka sa kung sino tuwing umaga?!”

“Kilala po siya ni mama. Si mama po ang nagkwento sa akin tungkol sa kanya. Mula po nang ikinuwento siya sa akin ni mama, gabi-gabi na po kaming magkasama. Hala papa! Alis na po kayo. Baka pabalik na po siya. Magagalit po ‘yon!”

Advertisement

Nataranta ng lubos si Leo. Agad niyang pinuntahan ang asawa at tinanong tungkol sa sinasabi ng anak. Pinaliwanag naman ni Mercy na gawa-gawa lamang niya ito para maagang matulog si Jacob.

Nang puntahan nila ang bata sa silid nito, nakita nilang nakapatay ang lahat ng mga ilaw. Tahimik na bumubulong ang bata. Nagtaka naman agad ang dalawa kung sino ang kausap ng kanilang anak. Bubuksan na sana ni Mercy ang ilaw nang biglang may isang anino ang tumakbo ng napakabilis papalapit sa kanilang mag-asawa.

Nangilabot ng lubos ang dalawa. Tatakbo na sana silang dalawa palabas ng kanilang bahay nang maalala ang kanilang anak.

“Si Jacob!!!”

“AKIN NA ANG ANAK NINYO! AKIN!” wika ng nakakakilabot na boses ng anino.

Halos mabaliw na sa takot ang mag-asawa. Hindi nila akalaing totoo pala ang mga ganoong pangyayari. Ngunit alam nilang kailangan nilang maging matapang para sa kapakanan ng kanilang anak.

Nagmadali si Mercy at kinuha ang rosaryo na pamana pa sa kanya ng kanyang ina. Tumakbo siya pabalik sa silid ng anak at nanalangin.

“O Diyos ko, iligtas po ninyo ang anak ko. Ipinapangako ko na hinding-hindi ko na uulitin ang mga ginawa kong pananakot sa aking anak.”

Advertisement

Matapos manalangin ay tinapatan niya ng krus na kinuha niya sa kanilang kusina.

“Layuan mo ang anak ko! Umalis ka sa pamamahay namin!”

Sumigaw ng napakalakas ang anino. Sabay pang nagdasal ang mag-asawa, at unti-unting nawala ang masamang espirito.

Tumakbo ang dalawa patungo sa kanilang anak. Agad nitong niyakap si Jacob at tumakbo palabas ng bahay. Nagpatawag sila ng pari upang padasalan ang kanilang bahay. Napag-alaman nila na isang masamang espirito pala ang namamahay sa kanilang bahay. At nang magsimulang magkwento si Mercy sa anak ng kathang isip ay nagkaroon ito ng tapang na magpakita sa bata.

Matapos dasalan ng pari ay naging mapayapa na ang kanilang pamamahay. Hindi na muling nagpakita pa sa bata ang nakakatakot na anino.

Natutunan ni Mercy na hindi dapat takutin ang anak para lamang maaga itong makatulog. Nakaisip sila ng ibang paraan upang maagang makapagpahinga ang anak. Pinainom na lamang nila ito ng gatas at palaging tinatabihan sa pagtulog. Tinuruan din ni Mercy si Jacob na magdasal palagi bago matulog. Magmula noon ay namuhay ng masaya ang kanilang maliit na pamilya.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!