Grabe Kung Ipagyabang ng Babae ang Donation na Naibigay Niya sa Dating Eskwelahan, Napahiya Siya nang Malaman na May Kaklaseng Mas Malaki ang Naiambag Kaysa sa Kanya

Taas noong bumaba sa kotse si Geline. Ngayon ang araw na magkikita kita sila ng mga dating kaklase sa eskwelahan kung saan sila gumraduate ng highschool 20 taon na ang nakakalipas. Magandang pagkakataon ito para maipakita sa mga kaklase niya kung ano na ang narating niya.

Ang asawa niya ay isang seaman habang siya naman ay nagtatrabaho sa isang opisina sa Quezon City. Mayroon silang dalawang anak. Dire-diretsong naglakad si Geline sa opisina ng kanilang dating guro na ngayon ay principal na.

Bago niya buksan ang pinto ay minasdan niya muna ito at napangisi siya, siya kasi ang nagpapintura ng mga pinto rito, ipinasulat niya pa ang pangalan niya sa gilid noon.

Donated by: Angeline G. Felizardo.

Pagpasok niya sa loob nadatnan niya na roon ang mga dating kaklase, at my God, di man lang nag ayos ang mga ito, mga nakapambahay. Napasulyap siya sa babaeng nasa dulo, si Dara. Ang simple lang ng suot nitong dress at di man lang nag make up.

“Nasaan si Ma’am?” hanap niya sa guro.

“Ah nag CR, grabe ka bigla ka nalang pumasok sa pinto nagulat kami.” sagot ng isa sa mga kaklase niyang nakangiti.

“Speaking of pinto, alam niyo bang ako ang nagpapintura niyan. Lahat ng pinto. Ang laki nga ng nagastos ko dito eh pero okay lang naman, di naman malaking kabawasan sa amin ni mister.” nakangising sabi niya, nagsimula na siyang magyabang.

Advertisement

“Ayos, salamat sa malasakit sa school natin Geline.” sabi ni Dara.

Palihim naman siyang napairap. “Ganoon talaga, kapag nagkakapera ka dapat ishe-share mo. Tulad ko na lang diba. Biruin mo magkano rin yang nagastos ko sa pagpapapintura. ” tuloy pa rin siya, nakatingin lang naman ang ibang kaklase at nakangiti.

Maya maya pa dumating na ang guro nila, may edad na ito.

“Ma’am kumusta?” sabi niya rito.

“Okay na okay ako Geline. Masaya ako na nagkaroon ako ng mga estudyanteng tulad niyo na hindi nakakalimot dito sa school. Salamat sa pagpapapintura mo.” sabi nito. Napangiti naman siya, taas noo.

“Salamat din sayo Dara. Grabe kang bata ka, tahimik iyan pero napakalaki ng naitulong niyan.” sabi ulit ng matandang guro.

Napatingin naman ang lahat lalo na si Geline. “Ma’am di mo na po kailangang sabihin pa iyon.” sabi ni Dara.

“Hindi ah, para nalalaman nila kung gaano ka ka-buti. Alam ninyo bang si Dara ang nagpagawa ng mga sirang classroom, siya rin ang bumili ng mga bagong gamit rito. Wala kang maririnig na kahit na ano sa batang yan pero napakabuti niya.” proud na sabi ng guro.

Advertisement

Napahiya naman si Geline at hindi na nagsalita, tiyak na napakalaki ng nagastos nito pero walang bahid ng kayabangan na tulad niya. Buong hapon siyang hindi na kumibo. Nagsilbing aral iyon kay Geline na ang pagtulong ay dapat bukal sa loob at hindi lang para ipagmalaki sa iba. Simula noon ay nagbago na siya, itinuloy niya ang pagdo-donate sa eskwelahan pero hindi niya na ipinalalagay ang pangalan niya, naging totoong kaibigan na rin siya kay Dara.