Hindi Malaman ng Seaman kung Bakit Kada Uuwi Niya Mula sa Barko ay Lubog sa Utang ang Asawa, Isang Kalokohan ang Nabisto Niyang Ginagawa Nito

“Ano ka ba naman, Carmela bawat uwi ko nalang tadtad ka ng utang. Wala ka ngang ipon, puro utang pa ang aabutan ko pag-uwi,” reklamo ni Primo sa kanyang asawa.

Nagtatrabaho bilang seaman si Primo samantalang ang asawa niya naman ay isang housewife. Noon pa man ay problemado na si Primo sa asawa. Hindi niya kasi malaman kung bakit palaging kulang ang pinapadala niya dito. Samantalang dalawa lang naman ang anak nila at sarili naman nila ang kanilang bahay na tinitirhan. Kung tutuusin ay sobra-sobra pa ng kung susumahin ang pinapadala niya sa asawa.

“Anong gagawin ko, ang lalakas lumamon at gumastos ng mga anak mo,” paninisi na naman ni Carmela sa dalawang anak nila.

Kung titignan niya mga anak ay parehong payat ang mga ito na tila napapabayaan ng kanyang misis.

Kaya naman isang araw matapos niyang bayaran muli ang napakalaking utang ng asawa sa mga amiga nito ay nakaisip ng paraan si Primo upang mahuli kung ano ang kinahuhumalingan ng babae. Nagkunwari siyang paakyat na ng barko kahit ang katotohanan nito ay magtutungo lamang siya sa kanyang kaibigan upang doon makituloy.

Dahil alam ng asawa niya na anim na buwan at mahigit siyang mawawala ay binabalak niyang obserbahan ang mga gagawin nito sa mga susunod na araw.

“Ano pare? Gusto mong sundan ko ang asawa mo nang palihim?!” gulat na tanong ni Jonard, kaibigan ni Primo.

Tumango siya sa kaibigan, “Oo pare, matagal na kasi akong nagtataka kung bakit baon sa utang ang asawa ko palagi. Tapos yung mga anak pa namin parang palaging napapabayaan. Ang papayat!”

Advertisement

Matapos ang ilang oras na kumbinsihan ay napapayag rin sa wakas ni Primo ang kaibigang si Jonard. Nagdesisyon itong mag-disguise ng kasuotan upang hindi ito makilala ng kumare. At habang sinusundan ang babae ay panay naman ang update niya sa kaibigan sa pamamagitan ng pagti-text.

Hanggang sa nagulat na lamang ang lalaki nang isang malaking casino hotel ang pinasukan ng misis ng kaibigan. Huminga muna siya nang malalim bago nagdesisyong sundan pa ang babae, “Baka naman napadaan lang si Kumare.”

Ngunit ang isiping iyon ay agad na nasalungat nang sa pagpasok niya sa loob ay nakita niya na agad ang babaeng nakapwesto sa sugalan sa casino. Tuwang-tuwa itong tumataya at panay pa ang sigaw kapag nananalo.

Sa isip-isip niya’y panay hirap ang dinaranas nilang magkumpare sa barko habang nagtatrabaho, samantalang ang misis nito ay lango sa sugal. Tinawagan niya ang kumpare upang papuntahin sa lugar kung saan naroon ang asawa.

Ilang saglit lang ay nandoon na rin si Primo sa casino hotel. Kitang-kita niya agad ang asawa na libo-libo ang nilulustay na pera. Hindi siya makapaniwala na ganitong klase ng babae ang asawa niya. Hindi niya muna ito hinarap doon, bagama’t umuwi siya ng bahay upang silipin ang kanyang mga anak.

Doon ay nakita niya kung paano nag-aabang sa bintana ang magkapatid habang hinihintay ang nanay nila. Gulat ang mga ito nang makita siya.

“Kumain na ba kayo mga anak?”

Malungkot na umiling ang magkapatid, “Papa, bakit po bumalik ka? Sabi ni Mama nasa barko ka na daw?”

Advertisement

Napaluhang hinaplos ni Primo ang payat na pisngi ng kanyang bunsong anak, “Naramdaman kasi ni Papa na nagugutom ang prinsesa’t prinsipe ko kaya ito bumili ako ng paborito niyong fried chicken.”

“Wow! Friend chicken!” tuwang-tuwa at gutom na gutom na kinain ng dalawa ang dala niyang pagkain.

Kasabay noon ay nagngingitngit rin ang kanyang kalooban sa asawang pinabayaan ang dalawang anak na magutom samantalang aliw na aliw ito sa pagsusugal. Hinintay niya lang matapos ang mga anak niyang kumain. Doon ay pinagbihis niya ang mga ito at nag-iwan ng sulat para sa asawa.

Carmela, Hindi ko akalaing ganyan pala ang tinatago mong baho. Hindi ka pa pwedeng maging ulirang asawa, lalo na’t maging isang ina. Sa ngayon ay kukunin ko muna ang mga anak natin at babalikan ka nalang namin kapag handa ka nang iwan ang bisyo mo.

Samantala, sa bahay ay walang taong naabutan si Carmela. Tanging ang sulat lang ng asawa niya ang nakita. Hinanap niya ang mga anak sa pag-aakalang nagbibiro lang ang mga ito. Hindi malaman ni Carmela ang gagawin nang mapagtantong wala na nga ang mga ito, wala na ang kanyang pamilya. Nag-iisa na nga lang siya. At ito ay dahil sa masamang pagkalulong niya sa sugal.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.