Sawa na sa Buhay Niya ang Mister, ang Laki ng Pagsisisi Niya Matapos Mangyari ang Matinding Hiwaga sa Birthday ng Kanyang Anak

“Hon, dalian mo na. Naroon na ang mga bisita,” nagmamadaling sabi ni Scarlett, ang asawa ni Paulo. Siyam na taon na silang nagsasama at ngayon ang selebrasyon ng ika-pitong kaarawan ng kanilang panganay na anak, si Gabriel.

“Kasi naman, lalaki naman si Gab bakit may ganito pa.” irita niyang sabi. Ini-start niya na ang kotse at nagsimulang magmaneho, tiningnan naman siya ni Scarlett at parang ipinapaalalang nasa likod lang ang kanilang anak.

Tumahimik nalang si Paulo. Ang totoo kasi niyan, nitong mga nakaraang buwan ay tila ba siya nawawalan na ng gana. Mahal niya naman ang kanyang asawa at dalawang anak pero nagsisimula na niyang kwestyunin ang kanyang mga naging desisyon. Tama ba na pinili niya si Scarlett?

Tandang-tanda niya noon, napansin niya lang ang babae sa gilid ng kalsada na umiiyak. Nang lapitan niya, na-holdap pala ito. Sinamahan niya ito sa presinto at inihatid pa pauwi, binalewala niya ang malahagang meeting na magpapayaman sana sa kanya.

Akala niya dati, tama ang kanyang pinili dahil maligaya naman siya sa piling ng babae na naging misis pa nga niya.

Pero heto siya ngayon, isa pa ring empleyado. Ano kaya ang naging buhay niya, kung umattend nalang siya sa meeting at pinabayaan nalang si Scarlett? Siguro masaya.

“We’re here daddy, come on!” yaya ng anak niyang si Sam, ang kanilang bunso.

Walang gana siyang bumaba ng sasakyan. Sinalubong ang mga tao, pare-parehong mukha. Paulit-ulit nalang ang nangyayari sa buhay niya.

Advertisement

“Daddy! I want ice cream!” sabi ni Sam.

“Later anak, hindi pa nagsisimula ang party ni Kuya mo,”

“Daddy can you fix my neck tie please?” sabi naman ni Gabriel.

Sunod-sunod ang pagkausap sa kanya ng mga tao, naririndi na si Paulo.

“Honey, huy, kanina ka pa tinatawag ng host. Ano raw ang wish mo para kay Gab-“

“Ayoko na! Ayoko na sa buhay ko! Pinagsisisihan ko na lahat!”

Napatulala ang mga bisita niya, maging ang misis niyang si Scarlett ay hindi nakapagsalita. Sumikip ang dibdib ni Paulo, at unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.

Pagdilat ng lalaki, isang hindi kilalang mukha ang sumalubong sa kanya.

Advertisement

“Sir? How are you feeling?” sabi ng dalaga.

“Nasaan ako?” tanong niya rito, medyo masakit pa ang ulo niya. Siguro, nurse ang babae. Nakakapagtaka lang dahil pang-opisina ang suot nito.

“Sir, siguro ay super pagod nyo lang po. I am your secretary,” natatawang sabi nito. Secretary? At kailan pa nagkaroon ng sariling secretary ang teller sa bangko?

Hindi niya magawang sumagot, “C-Can you please explain everything to me miss. Hindi ko maintindihan kung nauntog ako, pero wala talaga akong alam sa sinasabi mong secretary kita,”

Nakakaunawa namang tumango ang babae, “10 years ago, naging successful po ang business proposal ninyo sa Tyler Corporation. Naging partners po kayo at executive director po kayo ngayon ng kumpanya. Ako po ang secretary ninyo,”

Wait, naguguluhan siya. Ibig sabihin..natuloy ang meeting?

Napangiti ng malaki si Paulo. Kung ano mang mahika ito, salamat! Binigyan siya ng Diyos ng pagkakataon na balikan muli ang kanyang buhay. Sigurado siyang tama ang naging desisyon niya, na hindi pansinin si Scarlett!

Paglabas niya ng ospital ay todo enjoy ang lalaki. Ninamnam niyang mabuti ang kapangyarihan.

Advertisement

“Thank you Lord, sabi ko na nga ba. Ito ang buhay ko dapat, mali ako ng desisyon noon.”

Nabili niya lahat ng gustong bilhin, walang naglilimita . Walang kailangang tawagan, walang magagalit.

Naging malaya siya.

Isang araw na namamasyal siya sa mall ay napatigil siya nang makita ang palabas sa isang tindahan ng TV. Parang tumigil ang tibok ng puso niya nang makita kung sino ang naroon.

Si Scarlett, katabi nito ang isang lalaki.

“So misis, paano po kayo nagkakilala ng mister ninyo?” tanong ng host.

“Iniligtas nya po ako sa holdaper, 10 years ago. Utang ko sa kanya ang buhay ko,” nakangiting sabi nito.

Ibig sabihin, dahil hindi siya tumigil para kausapin si Scarlett, ibang lalaki ang sumagip rito.

Advertisement

Napuno ng panibugho at pangungulila ang puso ni Paulo. Mabilis siyang naglakad palayo roon, pero parang lalong dinurog ang pagkatao niya nang mapatapat siya sa tindahan ng mga laruan.

“Gabriel, Sam. Babies ko..”

Lumuluhang nahawakan niya ang dibdib, sobrang sakit. Noon niya na-realize na ipinagpalit niya ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya. Wala ang mga kayamanang ito, kung mag-isa naman siya.

“Diyos ko, pinagsisisihan kona. Ibalik mo na ako. Parang awa Mo na po, nagkamali ako.”

Humihikbi si Paulo, nakaramdam siya ng ilang tapik sa kanyang mukha.

Pagmulat niya ay naroon si Scarlett, titig na titig sa kanya.

“Honey, okay ka lang ba? Pagod ka yata sa trabaho. Nahimatay ka bigla sa party ni Gabriel, pasensya kana-” hindi na naituloy ng babae ang sasabihin, niyakap niya ito bigla.

“I’m sorry. I am so sorry, gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita. At kahit mahirap ang buhay ayos lang sa akin basta katuwang kita. Basta nandiyan ka lang, na naghihintay sa aking umuwi. Na nagmamahal sa akin at sa mga bata. Mahal ko kayo. Kayo ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko, at ulit-ulitin man ang panahon, pipiliin pa rin kita Scar.”

Advertisement

Napangiti naman ang misis, hindi niya alam bakit biglang naging ma-drama si Paulo gayong ang sungit nito kanina.

Ang laking luwag sa dibdib ni Paulo. Salamat sa Diyos, panaginip lang ang lahat.