Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Kamao Para sa Kabit - Inday Trending

Kamao Para sa Kabit

Sa lahat ng kabit ay si Marga na yata ang pinakamatapang at pinakapalaban. Wala siyang uurungan kahit pa makaharap niya ang totoong asawa ng kanyang kalaguyo na si Franco.

“Marga, nakita mo na ba sa personal ang number one ni Franco?” tanong ng kaibigan niyang si Claudia.

“Nakita ko lang sa litrato pero sa personal, hindi pa. Gustong-gusto ko na nga siyang makaharap, e. Para harap-harapan kong sabihin sa kanya na mas nag-e-enjoy sa akin ang mister niya,” matapang na sagot ng babae.

“Grabe ka, Marga! Hindi ka ba natatakot na babae ka? Totoo at legal na asawa ang kinakabangga mo, anong laban mo dun?” anito.

“Teka, kaibigan ba talaga kita o kaaway? Parang pinagtatanggol mo pa ang babaeng iyon , e!” inis na wika ni Marga.

“Hindi naman sa ganoon friend, ang sa akin lang ay mahirap kalaban ang legal na asawa. Nasa kanya pa rin ang lahat ng karapatan dahil kasal sila ni Franco. Ikaw, isa ka lang dakilang kabit kaya kahit saan mo tingnan ay talo ka pa rin,” hirit pa ng kaibigan.

“Alam mo, sa papel lang naman iyon. Sa akin pa rin palaging umuuwi si Franco at ako ang mas mahal niya!” matigas niyang sabi.

Mayamaya ay naputol ang kanilang pag-uusap nang biglang tumunog ang cell phone ni Marga. Nakita niya na ang tumatawag ay si Franco.

“Hello, darling! Napatawag ka? Sa bahay ka ba matutulog mamaya?” tanong niya sa lalaki.

“Sorry, darling hindi ako makakapunta sa iyo dahil kaarawan ng bunso kong anak. Hindi ako maaaring umalis sa bahay. Gusto kong makasama ang anak ko sa espesyal na araw niya,” anito sa kabilang linya.

Biglang kumunot ang noo ni Marga sa sinabing iyon ng kanyang kalaguyo.

“Darling naman, nangako ka sa akin di ba na sa bahay ka matutulog ngayong gabi? Bakit nabago ang iskedyul?”

“Tuloy naman ang pagpunta ko sa bahay mo, kaso hindi ngayon o mamayang gabi, baka bukas na o sa susunod na araw. Gusto ko na ma-solo ang bunso ko at nangako rin ako sa pamilya ko na ang lahat ng oras ko ay ibibigay ko sa kanila.”

Ikinuyom ni Marga ang kanyang palad sa sobrang sama ng loob sa lalaki. Hindi na niya nagawa pang sagutin ito at agad na niyang ibinaba ang cell phone.

“Buwiset talaga! Sigurado ako sinulsulan na naman siya ng asawa niya kaya hindi siya makaalis sa bahay nila,” galit na wika ng babae.

“Bakit, Marga tumawag si Franco at hindi siya makakapunta sa bahay mo?” pag-uusisa ni Claudia.

“Oo. Kaarawan daw ng anak niya at hindi siya makakaalis sa kanila. Hindi ako naniniwala, malakas ang kutob ko na pinagbawalan siya ng bruha niyang misis para hindi makaalis sa bahay nila.”

“E, ano naman kung pagbawalan si Franco? May karapatan ang babae dahil asawa siya,” anito.

“Humanda siya sa akin, pagsisisihan niya ang hindi pagsipot sa akin. Kokomprontahin ko na ang asawa niya,” aniya.

“Hoy, friend huwag ka nga padalus-dalos. Malaking gulo kapag hinarap mo ang misis ni Franco,” nag-aalalang sabi ng kaibigan.

“Wala akong pakialam! Ipapamukha ko sa babaeng iyon na ako ang mas importante kay Franco,” matigas niyang sabi.

Kinagabihan ay nagpadala siya ng mensahe sa facebook account ng babae. Gamit ang chat ay sinabi niya rito na siya ang kabit ng asawa nito at nais niyang makipagkita rito.

“Ikaw ba si Amanda, ako ang kabit ng mister mo! Nagulat ka ba? Hindi mo ba inasahan na may kabit ang pinakamamahal mong asawa? sabi niya sa kanyang mensahe.

Mayamaya ay sumagot ang asawa ni Franco at ikinagulat niya ang sagot nito.

“Matagal ko ng alam na may kinakalantari ang asawa ko pero nanahimik lang ako, kasi hindi naman ako iskandalosang tao,” wika ng kausap.

“Wow, ang galing mo naman pala! Hindi ka pala gaya ng iniisip ko na boba at tatanga-tangang asawa. Ngayon na alam mo na kung sino ako, gusto kong magkita tayo. Gusto kong makilala ang ‘the legal wife’,” aniya.

“Gusto mo talaga ako makita? Sure! Saan ba tayo magkikita? Excited akong makilala ang matapang na kabit ng asawa ko,” sagot nito.

Sinabi niya kung saan at kailan sila magkikita ng babae. Nang sumunod na araw ay maagang pumunta si Marga sa napagkasunduan nilang lugar. Di nagtagal ay dumating na ang kanyang hinihintay. Nagkita sila sa isang coffee shop.

“Ikaw ba si Marga, ang kabit ng asawa ko?” tanong ng babae.

Tiningnan niya muna mula ulo hanggang paa ang asawa ng kanyang kalaguyo. Napansin niya na kay laking ganda naman niya kaysa rito.

“Sandali ikaw na iyon?” Sigurado ka ba na ikaw ang misis ni Franco?” balik niyang tanong,

“At sino pa ba ang inaantay mo? Baka naman may iba ka pang inaasahan sabihin mo lang para hindi naaaksaya ang oras ko,” anito.

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa. Gusto ko lang sabihin sa iyo na ikaw ang may kasalanan kung bakit hindi sa akin natulog si Franco kagabi, dahil sa pangungunsinti mo sa mga anak ninyo na huwag siyang paalisin sa bahay niyo buong magdamag,” wika niya sa mataray na boses.

“Puwede ba, huwag mong idadamay ang mga anak ko, kung gusto mo ma-solo ang asawa ko, hintayin mo siya na kusang puntahan ka at hindi iyong nanggagalaiti ka riyan na akala mo kung sino ka. Tandaan mo, ako pa rin ang tunay na asawa,” matapang nitong sagot.

“At bakit hindi ko idadamay ang mga mukhang abnormal mong anak, sila ang dahilan kung bakit palaging wala ng oras kung umuwi sa bahay si Franco at isa ka…”

Hindi na natapos ni Marga ang sinasabi dahil isang malakas na suntok na ang dumapo sa kanyang mukha na pinakawalan naman ng babae.

Dahil sa lakas ng pagkakasuntok ay humandusay si Marga sa semento.

“Lahat ng panglalait ay sabihin mo na sa akin, huwag na huwag mo lang babastusin ang mga anak ko,” bulong ng babae sa sarili.

Nang makaalis ang babae ay saka lamang tinulungan ng mga taong naroon ang walang malay pa ring si Marga. Magang-maga ang mukha nito sa lakas ng suntok ng ‘legal wife’ ni Franco.

Ang hindi alam ni Marga ay dating boksingera ang misis ng kanyang kalaguyo kaya sanay na sanay itong bumasag ng mukha ng mga nakakalaban. Laking malas lang niya na siya ang nabiktima ng kamao nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.