Takang-Taka ang Lalaki Dahil Puro Foreigner ang Hilig na Boyfriend ng Kanyang Bestfriend, Di Niya Alam na May Lihim na Pagtingin Pala sa Kanya ang Babae

“Naku, pag ako talaga kinuha na ni Martin sa Australia, who you ka sa akin. Sobrang yabang nito, akala mo naman gwapo siya,” mataray na sabi ni Chen kay Daniel, ang kanyang bestfriend, inaalaska na naman kasi siya ng lalaki na ‘trying hard’ daw magka-boyfriend ng foreigner.

“Gwapo naman talaga! Pa-Kano kano ka pa kasi, ayaw mong mahalin ang sariling atin, ikaw tong feeling maganda eh.” sagot naman ng lalaki na tinaasan pa siya ng kilay.

“Hay mister, maganda naman po talaga ako!” sabi naman niya at namaywang pa. Sumeryoso naman ang mukha ng lalaki.

“Pero bakit nga ba? Bakit puro foreigner ang nagiging boyfriend mo? Ayaw mo ba ng pinoy, I mean diba. Pag Pilipino syempre pareho ng kultura, paniniwala, at hindi ka pa maninibago kapag pinakisamahan mo ang pamilya.” tanong nito sa kanya.

Eh kasi ikaw lang ang Pinoy na gusto ko, ayaw mo naman sa akin.Muntik nang masabi ni Chen pero pinigilan niya ang sarili, alam naman niya kasing walang patutunguhan ang piping damdamin niya. Imposible siyang magustuhan ni Daniel, puro pang-model ang mga nagiging girlfriends nito.

Tipong matatangkad, tisay at napakaganda ng mukha. Kabaligtaran niya dahil bukod sa morena siya ay hindi rin siya matangkad, siguro ay hanggang balikat lang siya ng lalaki. Pero hello, maganda rin naman siya no! Hanggang kaibigan na lang siguro talaga ang tingin nito sa kanya, kausap kapag malungkot ito, karamay pag nasasaktan ito, katuwaan sa mga pang aalaska nito.

“Ano’ng pakialam mo,at hindi ko pa naman boyfriend si Martin, nanliligaw palang sa akin yun. Tignan mo, ang bait nya. Kahit di uso ang ligaw sa kanila ay ginagawa niya dahil doon ako sanay. At kung kagaya mo rin lang ang Pinoy na jojowain ko rito, wag na! No thank you,” pang aasar niya rito, medyo nagsisi siya sa sinabi dahil nakita niyang tila nasaktan ito sa sinabi niya pero agad nitong binago ang ekspresyon ng mukha at pinalitan ng malaking ngiti.

Lumipas ang ilang linggo, masayang nagmemeryenda ang dalawa. Nagkukwento si Daniel tungkol sa mga nangyari sa opisina, ang laki ng ngiti ng lalaki habang nakaakbay pa sa kanya. Ganoon sila ka-komportable sa isa’t isa.

Advertisement

Hay, para tayong mag asawa.Sa isip isip ni Chen.

“Yun nga, nagustuhan ng boss ko yung presentation ko kanina. Nag-prepare daw ako mabuti, alam mo dapat nga ite-text kita eh, para kasing gusto kitang i-libre, mini celebration ba. Kasi successful yung- huy!” napatigil ito sa pagkukwento nang mapansin na nakangiti siya sa kawalan.

“H-ha?” tila nagising na sabi niya.

“Nginingiti-ngiti mo dyan?” sabi nito na tila pinipigil ang ngiti, kinurot pa ang tungki ng kanyang ilong.

Nataranta naman si Chen, ano nga ba ang idadahilan niya? Baka isipin nitong pinagpapantasyahan niya ito! Nakakahiyang aminin na iyon ang totoo.

“Ah, wala naalala ko lang si Martin, uuwi kasi siya dito next week para bisitahin ako. Baka sagutin ko na rin siya.” dire-diretsong sabi ng babae, totoong uuwi ang manliligaw pero di naman iyon ang iniisip niya. Nai-dahilan niya lang para wag siyang mabuking.

Nag iba bigla ang mukha ni Daniel, nawala ang malaking ngiti. Napalitan ng pag aalinlangan at….sakit?

“Sasagutin mo na siya?” tanong nito.

Advertisement

Akmang magsasalita pa lang si Chen, pero nagsalita na ulit si Daniel.

“Hindi.” sabi ng lalaki.

“Ano’ng hindi? Nababaliw kana?” sabi niya sa kaibigan, paano kasi ay nagtatanong ito tapos ay ito rin ang sasagot sa sarili.

“Hindi mo siya sasagutin. Chen, bigyan mo ako ng chance..” pabulong na sabi nito.

“Hala, n-nanliligaw ka sa akin?” gulat na tanong ng babae.

“Hindi ah,” biglang bawi naman ni Daniel.

“Ay bahala ka. Ang gulo gulo mo,” inis na sabi niya at akmang aalis na pero nagsalita muli si Daniel.

“Hindi mo naman kasi alam eh, ang dali daling manligaw sa ibang babae pero bakit sayo na kaibigan ko pa hirap na hirap akong magtapat na mahal kita, noon pa. Puro ka naman kasi foreigner, ayaw mong subukan sa akin. Ikaw kasi-” hindi na natapos ang sasabihin ni Daniel dahil hinalikan na niya ito.

Advertisement

“Sa nakikita ko rito sa ultrasound, malaki ang chance na it’s gonna be a boy!” sabi ng doctor, narito sila ngayon sa isang ospital at nagpapa-check up. Anim na buwan na ang tiyan ni Chen, ikinasal sila isang taon na ang nakakalipas.

“Yes! Daniel Jr., Daniel Jr ang ipapangalan natin, ha mahal?” masuyong sabi ni Daniel kay Chen, hinimas pa nito ang ulo ng misis bago masuyong hinalikan ang babae.

“Hay nako, dalawang Daniel na ang makulit sa buhay ko. Dalawang Daniel na mahal na mahal ko..”

Mula nang magtapat sila ng pag ibig sa isa’t isa noong gabing iyon ay di na mapaghiwalay pa ang dalawa. Ipinagtapat ni Chen ang totoo sa manliligaw niyang Australian at maayos namang tinanggap ng lalaki ang lahat, alam naman daw nito na noon pa lang ay may pagtingin na si Chen sa bestfriend kahit di pa sabihin ng babae.

Naging magnobyo sila sa loob ng dalawang taon at noon nga lang isang taon ay nagpasya nang magpakasal. Matibay ang kanilang relasyon na binubuo ng tiwala, respeto, pagmamahal at higit sa lahat, pagkakaibigan.

Ang Inday Trending ay isangwebsite na ang layunin ay magbigay ng aral. inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.