Lasenggo at Walang Modo ang Mister; Nang Mapagod si Misis sa Ugali Nito ay Ito ang Naging Ganti ng Babae

Tatlong taon palang na nagsasama ang mag-asawang Joshua at Yana, pero kung awayin ng lalaki ang misis ay parang ang tagal na nila. Grabe kung hiyain niya ito, wala siyang pakundangan kahit may nakaharap na ibang tao.

Dahil labis naman ang pagmamahal ni Yana sa mister ay pinagtyatyagaan niyang hindi ito iwan. Lahat ay tinitiis niya dahil umaasa siyang isang araw ay magigising ito sa mga kamalian at babalik ang Joshua na minahal niya.

“Pare, bakit parang ang kunat ng karne?” tanong ni Don, isa sa mga kaibigan ni Joshua na kasalukuyang nag-iinom sa bahay nila.

“Talaga? Teka, t*ng inang babae to. Kusina na nga lang tatanga-tanga pa. Yana!” inis na sigaw ni Joshua. Lumabas naman ang misis, pawisan dahil kanina pa abala sa pag-aasikaso sa kanila.

Medyo masakit rin ang ulo ng babae dahil katatapos lamang nitong magtrabaho, isa itong online teacher. Sa bahay lang ang kinuha nitong trabaho dahil magagalit si Joshua kapag lumabas siya at walang nag-asikaso sa tahanan nila.

Samantalang ang mister naman ay walang hanapbuhay, matapos bayaran ni Yana ang kuryente, tubig at internet ay kukunin na nito ang matitira at lulustayin sa bisyo.

“B-Bakit?”

“T*ngna kang gaga ka. Lalasunin mo yata kami eh! Tingnan mo itong karne, ang kunat!” sabi ni Joshua, dumampot ng dalawang pirasong karne at ibinato sa mukha ng misis.

Advertisement

“Akin na. Gagawan ko nalang ng paraan-“

“Hindi, sabi ko tikman mo muna! Pulutin mo yan! Tatamaan ka sa’kin,” hindi pa ito nakuntento sa pagsigaw sigaw at tuluyan talagang nais na ibaba ang dignidad ng babae.

Napako naman si Yana sa kinatatayuan, hindi malaman kung ano ang gagawin. Sinulyapan niya isa-isa ang mga kaibigan ni Joshua, umaasang may isang sasaway sa kanyang mister. Pero nakangisi lang na nakamasid ang mga ito, tulad rin ng asawa niyang walang modo.

Lumuhod ang babae at dinampot ang karne.

“O ngayon tikman mo,”

Muling tumingin ang babae kay Joshua, nagtatanong ang mga mata.

“Sabi ko, tikman mo!” dumagundong ang boses ng lalaki at sa takot ni Yana ay naisubo niya ang karne.

Kasunod naman noon ay umugong ang tawanan sa salas nila. Pumapalakpak pa ang mga hayop na para bang nakakatuwa ang nasaksihan.

Advertisement

Nakangising nagsalita si Joshua, taas ang noo at tinapik ang sariling dibdib, “Pare, yan ang misis ko.. parang aso!”

Lalong natawa ang magkakaibigan habang si Yana ay bumalik na sa kusina, pinipigil ang luha.

Isang hapon ay nakaramdam ng pagkahilo ang babae, dumaloy ang kaba sa kanyang dibdib nang maalala niyang isang Linggo nang lagpas ang petsa kung kailan dapat siya daratnan ng regla.

Nanginginig na bumili siya ng pregnancy test kit sa botika, at nang gamitin iyon ay ganoon nalang ang pag-iyak niya nang makita ang dalawang linya. Positive.

Buntis siya.

Tulala siya maghapon, hindi malaman kung paano sasabihin sa mister. May kaunting pag-asa na nagniningning sa kanyang puso. Malay niya ba, baka pag may anak na sila ay magbago na si Joshua. Baka gustuhin nito na maging mabuting halimbawa sa anak, ‘diba?

Napapitlag siya nang mag-ring ang telepono,”H-Hello?”

“Hello? Mare? Naaksidente kami ni Pareng Josh! T*ngina sabi ko kasi mag-taxi nalang, nagpilit mag-drive!” sabi ni Don sa kabilang linya.

Advertisement

Pagpunta ni Yana sa ospital ay napag-alaman niya sa doktor na pansamantalang hindi makakalakad ang kanyang mister.

Gigil na nasuntok ni Joshua ang mesa sa gilid niya, “Letse! Letseng buhay ‘to!” sabi ng lalaki nang malaman ang balita.

Makalipas ang ilang araw ay naiuwi na sa bahay si Joshua, hindi pa rin siya nakakalakad at kailangan raw i-therapy.

“Ano ang tinatanga mo diyan?” galit na sabi niya kay Yana, nakatitig lang sa kanya ang babae.

“B-Buntis ako,”

Hindi man lang nagulat si Joshua, o nakaramdam ng tuwa. Sa halip ay nadagdagan ang inis niya.

“Gago talaga, puro kamalasan.” sabi niya.

“Ano?” gulat na tanong ni Yana.

Advertisement

“Sabi ko, puro kamalasan! T*ng ina, teka tatawagan ko si pareng Rodney. May alam iyon na nag-aabort ng bata-“

“Ano’ng sinabi mo?!”

“Sabi ko ipalaglag mo! Tanga ka pala eh, kailangan mong dumoble ng kayod dahil magbabayad pa tayo sa nadisgrasya kong kotse ni pareng Don! Tapos ito pang pampa-therapy ko, gusto ko nang makalakad! Paano ka makakapagtrabaho kung buntis ka?

Sagabal ang bata, may kaartehan pang vitamins at hilo-hilo, paglabas niyan palalamunin mo pa, paaaralin mo pa, gets mo? Tama na ang drama ha, tatawag ako sa tropa. At ikaw, ikuha mo na ako ng hapunan. Bilis!” bulyaw niya sa misis.

Tahimik na tumalima ang babae. Tinawagan niya ang kaibigan at sinabi ang balak. Nang maibaba niya na ang linya ay nasa harap niya na rin ang mainit na sabaw ng tinola na inihanda ni Yana.

“Tunganga na naman? Subuan mo’ko gaga,”

Hindi kumibo ang babae, dinampot ang kutsara, sinubuan siya ng kanin na may sabaw.

Ang sarap, sunod-sunod ang nguya niya. Si Yana naman ay nakakailang na dahil nakatitig lang sa kanya.

Advertisement

“Ano ang tinatanga mo diyan?” di nakatiis na tanong niya.

“I-enjoy mo na, huling kain mo na yan.” nakangising sabi nito.

Namutla si Joshua, ano ang ibig nitong sabihin? Napahawak siya sa dibdib, tapos ay ibinuka ang bibig at tinusok ang lalamunan. Pinipilit niyang masuka.

Umiling-iling si Yana, “Nakakaawa ka.”

“Ano ang sinasabi mo? Nilagyan mo ng lason ang pagkain ko?!” takot na takot na sabi ni Joshua.

“Kung tutuusin, pwede kong gawin iyon dahil wala ka namang magagawa. Nakapako ka diyan sa kama mo. Pero hindi ako ikaw, na lalasunin ang anak. Na lalasunin ang taong walang laban.

Akala ko mahal kita pero natunaw lahat iyon sa mga sinabi mo kanina. Wala kang kwenta. Sayang ang buhay ko sa’yo, huling kain mo na yan ng luto ko dahil hinding hindi na ako magpapakita sa’yo,” sabi ni Yana. Itinapon pa nito ang natirang sabaw sa dibdib niya bago tuluyang umalis.

Naiwan si Joshua na walang magawa, ni hindi siya makatayo. Tinawagan niya ang mga kaibigan pero walang sumasagot sa kanya.

Advertisement

Makalipas ang maraming taon ay nagsisisi pa rin ang lalaki, nakalakad siyang muli at nakapagtrabaho pero di na niya nakita pang muli si Yana. Isang araw ay nakatanggap siya ng sulat mula sa Amerika, hinihiling na pirmahan niya ang annulment papers na padala ni Yana.

Wala na siyang nagawa kundi pirmahan iyon, alam niyang siya ang may kasalanan kung bakit nawala ang kanyang mag-ina. Magsisi man siya, huli na.