Bobo Kung Tawagin ng Isang Guro ang Pitong Estudyante, Hindi Niya Inakalang Ito Pa Pala ang Makakatulong sa Kanya sa Huli

“Ano ba naman kayo? Ang tatanga niyo! Last semester na, binagsak niyo pa ang mga exams ko! Ang bobo niyo, sa totoo lang,” nanggigigil na wika ni Mrs. Anna Reyes sa grupo ng kanyang mga estudyante sa ikalawang baitang ng kolehiyo.

Noon pa man din ay mainit na ang kanyang dugo sa pitong estudyante na ito na nagsama-sama pa. Kung tawagin niya ang mga ito ay “The Seven Morons” dahil sa sobrang kahihinang mag-isip ng mga ito.

Ang Seven Morons ay kinabibilangan ng limang babaeng estudyante at dalawang bading pa. Palaging magkakasama ang mga ito na tila ba hindi na mapaghiwalay sa isa’t isa.

“Puro kasi make up ang inaatupag niyo. Mano ba’y imbes na pagdo-drawing sa mukha ang atupagin niyo ay asikasuhin niyo naman ang pag-aaral niyo?!” inis na patuloy niyang turan sa pitong estudyanteng nakayuko sa harap niya.

Imbes na tutukan niya ang mga estudyante at ituro ang tamang direksyon ay pamamahiya at panenermon ang lagging napapala ng mga ito sa kanya.

“Ang pinakamataas nyo na ‘atang score sa exams ko na up to 100 ay 17?!” halos sigaw niya na sa mga ito. Dahilan upang magtinginan pa ang ibang estudyante at pasimpleng magtawanan.

Kagagawan niya rin kung bakit pinagtatawanan na sa halos buong campus ang pitong ito. Siya sa nagpasikat sa tawag na “The Seven Morons” at dahil doon ay tila gumagaya rin ang ibang estudyante sa pagtawag sa mga ito ng ganoong bansag.

Wala namang pakialam doon si Mrs. Reyes. Ang sa kanya ay matuto ang mga ito at magkaroon ng inspirasyon mag-aral kahit papaano. Siya rin kasi ang napapahiya at napapagalitan ng principal nila kapag bumabagsak nang todo ang pitong ito.

Advertisement

“Sorry po, Ma’am…” mapagkumbabang wika ng mga ito.

Napabuntong-hininga siya, “Sa susunod, hindi na sana sorry ang marinig ko mula sa inyo. Mga bwisit kayo, panira sa record ko! Oh siya, magsilayas na kayo. Imbes na make ups niyo ang hawakan niyo eh matuto naman kayong maghawak ng book of accounting.”

Accounting kasi ang main subject na tinuturo ni Mrs. Reyes. At doon yata pinakamahihina ang pito kung kaya napakamalas niya dahil siya palagi ang namomroblema sa pagbagsak ng mga ito. Ika-tatlong ulit na yata ng pitong estudyante ang unit niya. At hanggang ngayon ay hindi pa rin nakukuha ang tamang pamamaraan ng pag-aaral ng asignaturang accounting.

Kahit siya ay malapit nang magsawa sa pagtuturo sa pito. Kung pwede nga lang na ipasa nalang nang walang kahirap hirap ang mga ito ay ginawa niya na. Nang sa gayon ay hindi na rin siya mabwisit sa presensya ng mga estudyanteng mahihina ang ulo. Iyon pa naman ang pinakaayaw niya sa lahat. Ang hindi makaintindi at pinapaulit ulit pa sa kanya ang eksplanasyon.

Ngunit, isang araw, sa kasamaang palad ay nasira ang record ng perfect attendance ni Mrs. Reyes. Lumindol kasi nang malakas at kasama ang bahay niya sa mga nadamay sa malakas na lindol. Halos buong bahay niyang kakapagawa niya lang ay nagiba dahil sa lakas ng impact ng lindol. Hindi pala maayos at matibay ang pagsesemento dito.

Kung kaya naman humingi siya ng isang linggong leave sa eskwela upang matutukan ang pagpapaayos muli ng kanyang tahanan. Nalulungkot nga lang siya dahil tila hindi na magkakasya ang pera niya pampa-renovate nang buo sa kanyang bahay.

“Mukhang kukulangin ka sa mga hollow blocks at semento, Ma’am.”

Napayuko siya sa sinabi ng isang manggagawa niya sa bahay. Halos wala siyang maisagot dito dahil zero balance na talaga siya. Nasaid na sa pagbili ng mga materyales sa pagbuo muli ng kanyang bahay.

Advertisement

“Paano na ito, Ma’am?” tanong nitong muli sa kanya.

Hindi niya malaman ang isasagot hanggang isang tinig ng mga kabataan ang sumagot sa manggagawa, “Kasya na po ba ito, manong?”

Napalingon siya sa pinanggalingan ng boses, “Anong… anong ginagawa niyo dito?”

Nakangiting nakatingin sa kanya ang pitong estudyanteng palagi niyang pinag-iinitan sa eskwela, “Paano niyo nalaman ang bahay ko? At saan niyo nabalitaan ito?”

“Kay principal po Ma’am, nagdesisyon po kaming mangolekta sa buong eskwela para po makatulong sa inyo,” wika ni Viviana, ang isa sa dalawang bading sa grupo.

“Aside from that, Ma’am nag-charity work din po kami. Nag-make up kami sa ibang mga estudyante na may bayad para po pandagdag sa tulong namin sa inyo,” hindi naman nagpahuli sa pag-eexplain si Antonieta, ang ikalawang bading sa grupo.

Ngumiti si Miriam, ang babaeng leader ng grupo, “Sana po Ma’am makatulong po ito sa muli niyong pagsasagawa sa bahay niyo. Sana po maging sapat ang tulong na hatid naming ito upang muli kayong makabangon sa unos na dinanas niyo.”

Walang ibang masabi si Mrs. Reyes. Maluha luha niyang niyakap ang pitong estudyanteng nasa harapan niya. Hindi niya lubos maisip na ang inaapi api niya lamang sa eskwela ay sila pa palang makakatulong nang malaki sa kanya sa oras ng kanyang pangangailangan.