Pinaghinalaan ng Lalaki na Kasabwat ng mga Magnanakaw ang Batang Nanghihingi ng Kaning Baboy; Bumuhos ang Kanyang Luha ng Minsang Sundan Ito Pag-uwi

Huling araw na ng klase noon bago magtapos ang semestre. Napagpasyahan ng propesor na ituro ang huling aral na kanyang maibabahagi sa mga estudyante.

“Ngayon, ang aral na ituturo ko sa inyo ay hindi ninyo mahahanap o makukuha sa mga libro, bagkus tanging sa akin niyo lamang ito maririnig,” saad niya habang nasa harapan ng klase.

“Ano pong ibig niyong sabihin, sir?” tanong ng estudyanteng babae.

“Ang huling aral na ibabahagi ko ay isang kwento, nawa’y itago ninyo sa inyong puso ang aral sa kwentong ito.”

Umupo ang propesor sa harap habang nakapatong ang mga kamay sa lamesa.

“Ang kwentong ito ay tungkol sa isang mayamang lalaki, at batang mahirap na nangongolekta ng kaning baboy,” pagsisimula ng propesor.

Ang batang si Fidel ay palaging dumadaan sa bahay ng mayamang lalaki araw-araw upang manghingi ng kaning baboy. Ginagawa niya ito tuwing umaga bago pa man tuluyang sumikat ang araw.

Maluwag naman siyang binibigyan ng mga katiwala doon, dahil wala naman na din silang paggagamitan pa ng mga nasayang at natirang pagkain.

Advertisement

“Maraming salamat po,” wika ni Fidel sa matandang babae na nagbibigay sa kanya ng kaning baboy.

“Walang anuman, siguro ay malulusog na ang mga baboy ninyo sa dami ng nakukuha mo araw-araw,” sagot naman ng matanda.

Ngumiti na lang si Fidel at saka binuhat ang mabigat na timba na may lamang kaning baboy. Kinabukasan ay bumalik siya doon upang muling kumuha ng kaning baboy ngunit ang naabutan niya ay ang mayamang lalaki.

Nakatayo ito at masama ang tingin sa kanya. Ngumiti lamang ang bata at nagpaalam na kukuha ng kaning baboy.

“Maganda umaga po, kukuha lang po sana ako ng kaning baboy,” magalang na pagbati ng bata.

“Nakikita kita dito araw-araw na kumukuha ng kaning baboy, baka naman kasabwat ka ng mga akyat bahay at nagmamanman ka lamang dito sa amin,” galit na saad ng lalaki.

“Naku hindi po, sadyang marami lang po kasi kaming mga baboy na inaalagaan kaya nangangailangan po ako laging mangolekta. Pasensiya na po kayo,” pagtanggi naman ng bata.

“Siguraduhin mo lang dahil pag nalaman ko na kasabwat ka nila, ako mismo ang magkukulong sa’yo,” sigaw ng lalaki at saka ito tumalikod.

Advertisement

Kumuha lamang ng kaning baboy ang bata at saka umalis din. Ilang-araw pa ang lumipas at ganoon pa rin ang naging gawi ng bata. Hanggang sa napagdesisyunan ng mayamang lalaki na sundan ang bata kung saan ito nagpupunta matapos kumuha ng kaning baboy.

Hindi naniniwala ang lalaki sa sinasabi ng bata at malaki ang pagdududa niya rito. Dahan-dahan niyang sinundan ang batang bigat na bigat na sa dala-dalang timba. Medyo may kalayuan rin ang nilalakad ng bata.

Napadpad sila sa isang lote na may maliit at tagpi-tagping bahay na gawa sa maninipis na kahoy, malalaking plastik at yero na pinagdikit-dikit lamang. Lumingon-lingon ang mayamang lalaki ngunit wala siyang nakitang babuyan.

Walang mga baboy sa paligid at napakaimposible na sa loob ng maliit na tagpi-tagping bahay ay makapaglagay pa ng mga alagain. Galit na galit na ngayon ang lalaki kaya nagmadali siyang lumapit sa bata.

“Hoy bata, sinasabi ko na nga ba, isa kang sinungaling eh!” sigaw ng lalaki.

Laking gulat naman ng bata na makita ang lalaki na galit na galit sa kanya.

“Pasensya na ho kayo,” sagot ng bata.

“Sabi ko na eh, kasabwat ka siguro talaga ng mga kawatan kaya umaaligid ka sa bahay ko, tignan mo, nasaan ang mga baboy na sinasabi mo?”

Advertisement

“Wala po kaming alagang baboy, at opo nag sinungaling po ako sa inyo, pero hindi ho totoo na kasabwat ako ng masasamang loob,” pagtanggi pa ng bata.

“Eh kung ganoon, anong ginagawa mo sa mga kaning baboy na kinukuha mo araw-araw ha? Wag ka nang magkaila pa, huling-huli na ang modus mo, tatawag ako ng mga pulis ngayon din,” galit na galit na ang mayamang lalaki.

“Huwag po, magsasabi na po ako ng totoo sa inyo,” nangingilid na ang mga luha ng bata.

“O sige, anong paliwanag mo ngayon para sa pagkuha mo ng mga kaning baboy kahit na wala naman kayong mga alaga?” tanong ng lalaki.

“Ang totoo po niyan, pagkakuha ko po ng kaning baboy, ay aking hinuhugasan po ang mga ito, at saka ko po inilulutong muli para aming pagsaluhan ng nanay ko,” umiiyak na sagot ng bata.

Hindi naman makakibo at tila ba natigilan ang lalaki sa narinig.

“Kinakain ninyong muli ang mga tirang pagkain?” tanong muli ng lalaki.

“Opo. Wala na po akong tatay at ang nanay ko po ay mayroong malalang karamdaman kaya ako po ang gumagawa ng paraan upang kami ay makakain.

Advertisement

Kaya laking pasasalamat ko po sa inyo sa araw-araw na binibigay ninyong kaning baboy, dahil sa inyo ay mayroon kaming nakakain ng nanay ko,” paliwanag pa ng bata.

Nangilid din ang luha ng lalaki at naistatwa na lamang sa kanitatayuan.

“H-hindi ko na alam,” iyan lamang ang tanging nasambit ng lalaki.

“Ngayon po ay isasangag ko itong ibinigay ninyong kaning baboy upang kainin po namin ng nanay ko sa maghapon,” dagdag pa ng bata habang nakatingin sa timba na hawak.

Napaluhod lamang ang mayamang lalaki at saka napaiyak sa harap ng bata. Hindi niya inaasahan na ganoon pala ang sitwasyon ng batang pinag-iisipan niya ng masama.

Tinulungan ng lalaki ang bata na maipagamot ang nanay nito, at pinag-aral niya ang bata hanggang sa makatapos ito ng kolehiyo.

Ngayon ay tumingin ang propesor sa mga estudyanteng nakikinig sa kanya. Mga naluluha na rin ito sa kwentong kanyang ibinahagi.

“Alam ninyo ba kung nasaan na ang batang si Fidel ngayon?” tanong ng propesor.

Advertisement

“Nasaan po sir?” tanong ng mga estudyante.

“Ako ang batang si Fidel sa kuwento. Ako ang batang nangongolekta ng kaning baboy noon at dahil sa lalaking tumulong sa akin noon, ako ay naging isang propesor na.”

Lalo namang nag-iyakan ang mga estudyante dahil hindi sila makapaniwala sa naririnig.

“Ang gusto kong baunin ninyo sa pagtatapos ng klase natin ay ang aral ng pagiging mababa ang loob. Huwag tayong basta-basta nanghuhusga sa mga pinagdadaanan ng iba. Lagi ninyo bubuksan ang inyong puso at isipan para tumulong sa ibang tao.

Sa simple at malalaking bagay na inyong ginagawa ay may buhay kayong nababago. Ang buhay natin ay isang malaking pagsubok, kaya ugaliing magkaroon ng bukas at mabuting puso para sa ibang tao,” wika ng propesor.

Lumabas ang mga estudyante na may mga luha sa mata at ngiti sa mga labi. Habang buhay na tatanawin na malaking utang na loob ng propesor ang pagtulong na ginawa sa kanya ng mayamang lalaki noon.

Kung anong meron siya, at kung sino siya ngayon ay produkto ng isang mabuting puso na handang tumulong, at handa siyang gawin ang parehong bagay para sa mga nangangailangan.

Kaya’t bawat estudyanteng dumadaan sa kamay niya ay tinataniman niya ng magandang aral sa buhay na dadalhin nila hanggang sa kanilang pagtanda.