Hindi Naniniwala sa Pag-ibig ang Babaeng Pilay Hanggang sa Isang Binata ang Nagparamdam sa Kanya Nito

Teenager pa lamang si Lorna nang isang malagim na aksidente ang naganap sa kanyang buhay, nabangga ang sinasakyan nilang bus para sa field trip. Tandang-tanda niya, labing limang taon pa lamang siya noon, isa siya sa mga swerteng nabuhay, kaya lang ay nabugbog masyado ang kanyang mga binti, at naging sanhi iyon ng kanyang pansamantalang pagkapilay. Habang ang katabi niya naman, ang kanyang bestfriend ay hindi sinuwerteng nakaligtas.

Kaya naman ganoon na lang ang trauma ng dalaga na hanggang ngayon ay di na siya sumasakay pa sa mga bus. Isang malaking pilat rin ang nasa kanyang puso sa pagkawala ng kaibigan, tila ba natakot na siyang magtiwala at mapalapit sa ibang tao dahil sa agam-agam na mawawala rin ang mga ito sa kanya balang araw.

Lalong sarado ang isip niya sa pakikipagrelasyon. Kahit pa nasa tamang edad na siya, 26, ay hindi pa rin siya nagpapaligaw. Paano kasi, sino naman ang seseryoso sa tulad niya? Sino’ng lalaki ang handang pumulot ng batong ipupukpok nito sa sariling ulo? WALA.

Kaysa masaktan at umasa, hindi na lang siya sumusubok. Tama na itong mag isa siya, nariyan naman ang mommy niya at kapatid.

Isang araw ay nasa ospital siya para sa kanyang therapy, kasama niya ang kanyang ina.

“Mommy, di ba sinabi ko na po sa inyo, wala nang pag-asa itong mga binti ko. Diyos ko naman, tignan mo nga kung ilang taon na ang nakalipas o? 11 years na. Nauubos lang ang pera natin kaka-therapy!” iritableng sabi niya.

“Basta para sa iyo anak. Ano ka ba? Diba dati ay wala kang maramdaman sa mga binti mo, sabi mo ngayon kahit papaano ay mayroon na. Progress yun! Magandang magandang progress yun,” sabi nito habang itinutulak ang kanyang wheelchair. Nasa hardin sila ngayon sa labas ng ospital, hinihintay ang kanyang therapist.

“Mommy kayo lang naman po ang iniisip ko, naaawa ako sa inyo kasi umaasa kayo sa isang bagay na imposible nang mangyari,” matabang na komento niya.

Advertisement

“Kahit pa maubos ang pera natin dito, wala akong pakialam. At hindi naman habangbuhay ay narito ako para sayo. Paano ka nalang kapag nawala na ako? Hindi na ako bumabata anak. Buti sana kung may special someone ka na mag aaruga sayo..” naging mahina ang boses nito sa huling sinabi.

“Mommy, walang magkakagusto sa akin. At kung mayroon man, hindi ko yun sasagutin, pwera na lang kung pareho kaming pilay. ” sabi niya, sabay tawa. Totoo naman iyon, atleast kung pilay sila pareho edi mas malaki ang tsansa na hindi siya iiwan ng lalaking mamahalin sa bandang huli.

Lingid sa kanilang kaalaman ay kanina pa nakamasid si Nico, narinig din nito ang usapan ng mag ina. Naroon siya sa ospital dahil sinamahan niyang magpacheck up ang kanyang ina, habang nasa loob ito para sa laboratory ay naisipan niyang magpahangin muna sa labas. Nabighani siya nang makita ang naka-wheelchair na dalaga.

Nakaisip tuloy siya ng isang plano.

“Okay you can do it, hold my right hand..okay. I’ll slowly release you okay, pero andito lang ang kamay ko. Just tell me kapag tutumba ka.. but you can do it. Come on, doing great. Ayos lang yan!” sabi ng therapist nang napaupo si Lorna, tinutulungan kasi nito ang dalaga na tumayo at damahin muli ang binti.

“Break muna,” sabi niya muli dahil tila napagod ang dalaga.

Napasandal naman si Lorna sa kanyang wheel chair, masyadong nakakapagod ang mga ipinagawa ng kanyang therapist. May pagkainis din siyang nararamdaman, paano kasi ay wala namang pupuntahan ito.

“Ang galing mo naman,” sabi ng isang boses.

Advertisement

Napalingon si Lorna at nagulat pa siya nang makita ang isang gwapong lalaki, naka-wheelchair din ito.

“Sino sila?” nakataas ang kilay na sabi niya.

“Nico, nagpapa-therapy rin ako rito.” nakangiting sabi ng lalaki.

                                                                                                                                                                                                                                                                                    

“Hindi ako nakikipag usap sa hindi ko kilala, tsaka session ko ito.” mataray na sabi niya.

“Nagpakilala na ako, at saka hindi ko naman inaagaw ang session mo. Sayong-sayo miss,” pilosopong sagot nito.

Napangiti naman si Lorna dahil mabilis makasagot ang lalaki, tila nakahanap siya ng katapat. Mula noon ay palagi na niya itong nakikita kapag may session siya ng therapy.

Kinikilig naman ang mga nurse at ang kanyang therapist pag nakikita sila. Maging ang kanyang ina ay hindi mapigil ang ngiti. Di nagtagal ay nagpaalam si Nico na aakyat ng ligaw, pinuntahan siya nito sa kanilang bahay.

Advertisement

Di na nakatanggi si Lorna, ewan nya ba. Nag-tyaga si Nico sa loob ng isang taon, sinagot na rin ito ni Lorna.

Hindi siya iniwan ni Nico, kasama nila ito ng kanyang nanay tuwing may therapy siya at nakikisabay na rin ito. Di nagtagal, siguro ay dahil inspired ang dalaga ay nakakatayo na siyang mag isa. Isang taon pa ang lumipas ay nakakahakbang na siya, unti unti hanggang masanay na.

Nagse-celebrate sila ng anniversary ni Nico, si Lorna na ang nagtutulak ng wheelchair ng lalaki nang pakiusapan siya nitong humarap dito.

“Hindi pa ako makakaluhod sa ngayon, pero..”

Inilabas nito ang isang kahong pula, naroon ang napakagandang singsing.

Nanlaki ang mata ni Lorna, at naisipan niyang biruin ang nobyo kahit pa gustong gusto niya nang isigaw na OO!

“Oops, bago ka magtanong.. paano naman ako nakakasigurong mahal mo nga ako?” nakataas ang kilay pero nakangiti si Lorna nang itanong iyon.

“Ah, una ay nagtyaga akong ligawan ka kahit ubod ka ng sungit. Pangalawa, nariyan ako palagi para sayo, pangatlo..”

Advertisement

Ganoon na lang ang pagkagulat ni Lorna nang biglang tumayo ang nobyo!

“Huy! Paanong?!” di niya maituloy ang sasabihin.

“Hindi talaga ako pilay, wag kang magalit please. Ginawa ko lang naman ito para makalapit ako sayo at isipin mong bagay tayo kasi narinig ko ang usapan ninyo ng mommy mo noon sa-“

                                                                                                                                                                                                                                          

Hindi na natapos pa ng lalaki ang sasabihin dahil hinalikan na ito ni Lorna. Ah, ang swerte swerte nya!

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.