Ipinagpalit Ako sa Indiana

Isang malakas na tunog ng telepono ang nagpalingon kay Kris sa kinalalagyan nito. Napangiti siya nang maisip ang kanyang asawang si Tristan na kasalukuyang nagtatrabaho sa Riyadh. Mabilis ang hakbang na tinungo niya iyon upang sagutin ang tumatawag sa kabilang linya.

“Hello,” masiglang sambit ni Kris.

“Kris ako ito, ang mama ni Tristan. Kakatawag lamang niya sa’kin kanina ang sabi ay huwag niyo na daw siyang tatawagan pa dahil nagpakasal na doon ang anak ko sa isang mayamang indian. Baka mapahamak pa siya kapag nalaman ng babae na may asawa’t-anak siyang iniwan sa Pinas, kaya pakiusap lang. Huwag niyo ng tatawagan pa si Tristan!” nagmamalaki nitong sambit kasunod ay ang pagbagsak naman nito ng telepono.

Naiwan siyang nakanganga sa lahat ng sinabi ng kanyang biyenan. Simula’t-sapul ay hindi na siya gusto nito para sa anak. Isa ito sa mga hadlang noon nang pakasalan siya ng lihim ni Tristan. Kaya laking tuwa siguro nito ngayon dahil ayon nga rito ay nagpakasal na ang kanyang asawa sa babaeng indian sa bansang pinagtatrabahuan nito.

Wala sa sariling nag-unahang umagos ang kanyang mga luha. Bakit? Anong naging kasalanan niya sa asawa at wala man lang itong sinabi sa kanya noong huli silang nag-usap? Bakit kailangang sa Mama pa nito manggaling ang lahat?

Lumipas ang maraming araw ay nagpatuloy si Kris sa kanyang buhay kahit wala na ang kanyang asawa. Triple ang ginagawa niyang kayod upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang apat na anak na ngayon ay isa ang kolehiyo, dalawa ang nasa highschool at isa naman ang nasa elementarya. Wala na siyang maasahan, tuluyan nang binitiwan ng mister ang obligasyon sa kanila.

Abala sa pagluluto si Kris sa kaniyang munting karinderya nang biglang may tumawag sa kanya.

“Hoy! Kris,” masayang tawag nito sa pangalan niya.

Advertisement

Agad naman siyang lumingon at nabungaran ang mukha ni Randy, ang matalik na kaibigan ni Tristan. Magkasama pa nga ang mga ito sa trabaho doon sa Riyadh “Hoy! Kumusta kana?”

“Ito ayos lang. Kakauwi ko lang pala galing Riyadh, Saudi. Kumusta? Alam mo na ba ang nangyari sa asawa mo?”

“Ha? O-oo nga e, hayaan mo na. Baka mas masaya nga siya doon at hindi na niya kami kailangan dito,” malungkot naman niyang sagot.

“Ano ba ang sinasabi mo mareng Kris?” salubong ang kilay na tanong nito.

Bahagya naman siyang nalito sa naging reaksiyon ni Randy. “Hindi ba nga, nagpakasal na si Tristan doon sa isang mayamang babae?”

“Ano!?” gulat na gulat na wika ni Randy. “Kanino mo naman nalaman ang maling balitang iyan Kris? Hindi nagpakasal si Pareng Tristan sa Saudi, na-comatose ang asawa mo. Nasa isang ospital siya ngayon doon sa Saudi at maraming nakakabit na life support, sa tingin ko ay iyon na lamang ang bumubuhay sa kanya. Ano ba naman iyang nasasagap mong balita, wala naman ‘yan sa katotohanan.”

Sa labis na pagkagulat at pagkalito sa balitang sinabi ni Randy ay agad niyang iniwan ang niluluto at dumiretso sa bahay upang kausapin ang kanyang biyenan na nagparating sa kanya ng maling balita.

Ilang ring lamang ay agad nang sinagot iyon sa kabilang linya.

Advertisement

“Hello, Mama? Ikaw na ba ito?” paninigurado niya. Pakiramdam niya’y nabibingi na siya sa lakas ng kalabog ng kanyang dibdib.

“Ako nga.”

“Mama, bakit naman kayo nagsinungaling sa’kin. Ang sabi niyo ay iniwan na kami ni Tristan at nagpakasal siya sa mayamang babaeng bumbay sa Saudi, pero bakit ngayon malaman-laman ko na nasa ospital pala ang asawa ko at nag-aagaw buhay.

Para pa akong tanga na namuhi sa kanya dahil sa ginawa niyang pang-iiwan sa’min tapos malaman-laman kong hindi naman pala totoo ang lahat. Gawa-gawa mo lang pala ito. Gan’on ba talaga kalaki ang galit niyo sa’kin dahil kailangan niyo pang itago ang sitwasyon ng asawa ko,” umiiyak niyang wika.

“Patawarin mo ako, Kris. Nagalit ako sa’yo noong nalaman ko ang nangyari kay Tristan. Ikaw ang sinisi ko, kayo ng mga anak mo. Hindi mangyayari ito sa anak ko kung hindi siya nagsakripisyo para sa inyo,” humahagulhol din ito sa kabilang linya.

“Pero hindi pa rin sapat na dahilan iyon, Mama. Dapat inamin niyo parin sa’kin ang katotohanan,” patuloy parin ang kanyang pag-iyak. “Ngayong alam ko na ang totoong nangyari ay hinding-hindi niyo na ako mapipigilan Mama. Mahal ko si Tristan, at ayokong mawala siya sa’kin. Aalagaan ko siya, kukunin ko siya doon upang maalagaan ko siya. Sana naisip niyong walang usok ang natatago.”

Iyon lamang at agad na niyang ibinaba ang telepono. Humingi siya ng tulong sa gobyerno para mapauwi lamang si Tristan, na siya namang nangyari sa awa ng Diyos.

Tila nagdahilan lang rin, at sila ng mga anak niya ang lunas na matagal na nitong hinihintay dahil makalipas ang isang buwan na inaalagaan nila ito ay muling nagkamalay ang lalaki.