Hagupit ng Langit

“Diyos ko po, ayan na!” malakas na sigaw ni Aling Lisa.

Mag-a-alas dose ng hatinggabi noon, nagising si Liberty sa nagngangalit ang hangin sa labas ng kanilang bahay. Napakalakas din ng buhos ng ulan na para bang wala ng bukas. Kubo lamang ang kanilang tinitirhang bahay na gawa sa kawayan at sawali. Napakarupok nito para salungahin ang isang malakas na bagyo.

“Nakupo, natuloy nga ang bagyo, paano kami ngayon?” nag-aalalang bulong ni Liberty sa sarili.

Bumangon siya sa pagkakahiga, nakita niya ang inang si Aling Lisa na nakaluhod sa isang sulok. Nanginginig ito sa takot. Naroon naman ang ama niya na si Mang Raul na pilit na pinalalakas ang loob ng kanyang ina.

“Lisa, pumanatag ka nga, walang mangyayaring masama. Basta manalig lang tayo. Hihinto rin ang bagyong iyan,” wika ng ama.

Nakaramdam ng takot at kaba si Liberty lalo na nang marinig niya ang naglalagutukang yero ng kanilang mga kapitbahay. Ang hangin ay parang sumisipol pagkatapos ay maririnig na ang lawiswis ng mga dahon at ang lagutok ng mga sanga ng mga puno sa labas. May maririnig din na biglang pagbagsak na tila nayayanig ang lupa. Sa tingin niya ay nangabubuwal na ang mga puno sa labas ng kanilang bahay.

“Diyos ko po, ayan na naman, baka mabuwal ang bahay natin. Pa….no na tayo?” nag-aalalang sabi ni Aling Lisa na nagsimula ng dumaloy ang luha sa mga mata..

Nataranta na rin si Liberty at hindi makakilos. Sa bawat paghagupit ng malakas na hangin ay nabubuksan ang kanilang mga bintana na tinutukuran lang kapag gumigusing sila sa umaga. Sa pagbukas nito ay umaanggi ang tubig- ulan kaya nabasa ang buong bahay. Mabuti na lamang na binalot nila sa malalaking supot ang kanilang mga damit at mga importanteng bagay na hindi dapat mabasa. Ayon sa balita, ang bagyo ay nasa signal number one pa lang, ngunit tila number four na ang lakas ng hangin at ulan sa labas.

Advertisement

Lalong namang natataranta si Liberty sa mga panaghoy ng kanyang ina, hindi naman niya ito masisi dahil sa lakas ng bagyo ay imposibleng may makaligtas kapag tinamaan nito. Lubha itong nakakatakot lalo pa at madilim ang buong paligid dahil pati suplay ng kuryente ay putol na rin.

“Mga anak, magsipag-dasal tayo!” wika ni Mang Raul na basag na rin ang boses, halatang pinipilit lamang na magpakatatag.

“Diyos ko, huwag niyo po kaming pababayaan!” usal ni Aling Lisa habag nakaluhod.

Kahit na hindi nakikita ni Liberty ang reaksyon ng mga kapatid ay alam niya na nanginginig na rin ang mga ito sa takot. Talagang kakaiba ang bagyong gumagambala sa kanila.

“Parang awa niyo na po, kayo na po ang bahala sa amin. Pakiusap, pahintuin niyo na po ang bagyong ito,” pagmamakaawa ni Liberty sa kanyang dalangin.

Naalala pa niya na bago pa sila natulog nang nagdaang gabi ay payapa naman ang lahat. May mga bituin pa nga sa kalangitan at tahimik ang paligid. Sinabi rin sa balita na signal number one lang ang kanilang lugar. Malakas pa ang loob nila dahil babae ang bagyo. Kasabihan na kapag babae ang bagyo kahit na malakas ito ay posibleng maging mahina habang dumadaan. Ang babae daw kasi ay pabago-bago ng isip. Gayunpaman ay nanalangin pa rin sila sa Diyos bago natulog. Isinupot na rin nila ang kanilang mga damit at iba pang gamit bilang paghahanda.

“Ilagay niyo sa supot ang mga mahahalagang gamit gaya ng damit, mga importang dokumento at iba pa. Mas mabuti na handa tayo sa posibleng mangyari dahil sa bagyo,” utos ng ama.

Mayamaya ay natigilan silang lahat. Naramdaman nila na may malakas na pagyanig.

Advertisement

“Diyos ko, baka magugunaw na ang mundo! Bakit may kasama pang lindol?!” palahaw ni Aling Lisa na humahagulgol na sa iyak.

“Mga anak, humanda kayo, kapag sinabi ko ang hudyat ay sabay-sabay tayong pupunta sa kapilya,” utos ni Mang Raul.

“Pero itay, sobrang lakas po ng hangin at ulan sa labas,” aniya.

“Mas nanganganib ang buhay natin dito, anak kaya kailangan nating lumikas,” anito.

Ang sinasabing kapilya ay mga labinlimang hakbang lang ang layo sa kanilang kubo.

Naghawak kamay ang tatlong magkakapatid para tunguhin ang kapilya. Nag-iiyak ang bunso niyang kapatid, paano na raw sila Inay at Itay? Sinabi naman ng mga magulang nila na susunod ang mga ito, ang mahalaga ay sila munang magkakapatid ang pumunta sa kapilya. Mahigpit ang kanilang hawak sa flashlight at nakahanda na silang lumabas ng pintuan. Nananalangin sila na wala sanang mabakli na sanga ng puno habang sila ay papunta sa kapilya.

Ngunit…

“Teka, ayaw mabuksan ng pintuan!” wika ni Liberty.

Advertisement

Hindi niya mabuksan ang pinto ng kanilang bahay Kahit anong gawin niya ay may nakaharang dito. Sinipat naman ni Mang Raul kung ano iyon kaya binuksan niya ng kaunti ang bintana at nakita na isang malaking sanga ng puno ang pumipigil upang mabuksan ang pintuan.

“Kaya pala, e may nakaharang. Paano kaya ito, paano tayo makakalabas?” sabi ni Mang Raul.

Hindi sila makaalis dahil lubhang malaki ang sanga ng puno. Ang pagyanig pala na naramdaman nila ay siyang dahilan kung bakit nabuwal ang puno ng mangga na malapit sa kanilang bahay. Hindi naman sila makadaan sa mga bintana dahil sa liit noon ay kahit batang paslit ay hindi kakasya.

Napausal na lamang sila ng pasasalamat sa Diyos dahil tumama ang malaking sanga ng puno sa kanilang bahay kundi ay siguradong wasak ito at pati sila ay maaaring nadisgrasya. Mabuti na lamang at nakahilis ito pakanan.

“Salamat po at hindi niyo kami pinabayaan,” patuloy na usal ni Mang Raul.

Umupo na lamang ang mag-anak. Napatunayan nila na hindi sila pinababayaan ng Maykapal. Kailangan lamang na lakasan nila ang kanilang loob at pananampalataya.

Ilang oras pa ang lumipas at tumigil na ang malakas na hangin, napalitan na lamang ito ng bahagyang ambon. Sa isip nila marahil ay wala na ang malakas na bagyo.

Kinaumagahan ay maganda na ang sikat ng araw. Nakita nila na napakaraming taong naglalakad sa kalsada, hinahanap ang mga nilipad na bubong ng mga ito. Narinig pa ni Liberty ang pinag-uusapan ng dalawa nilang kapitabahay.

Advertisement

“Napakasuwerte naman ng pamilyang iyan. Tingnan mo, hindi man lang nasira ang kubo nilang bahay? Samatalang ang bubong ng sementado naming bahay ay tinangay ng bagyo,” sabi ng isang matabang babae.

“Oo nga e. Tingnan mo rin iyong nabuwal na puno, kung dumiretso iyon sa bahay nila ay siguradong pisak silang lahat na naroon,” sabad ng isa pang babae.

Sa narinig ay ipinikit ni Liberty ang kanyang mga mata at taimtim na nanalangin. Ipinagpasalamat niya na sa kalagitnaan ng matinding hagupit ng kalikasan ay hindi sila pinabayaan. Napagtanto niya na sa bawat bagyo ng buhay ay palaging nariyan ang Diyos, nakamasid at handang gumabay anumang oras, kahit saan at kahit kailan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!