Binalewala ng Magkasintahan ang mga Pangitain Bago ang Kanilang Kasal, Isang Trahedya ang Gumimbal sa Kanila

“Babe, ayos na ba ang mga invitation para sa kasal natin?” tanong ni Kara.

“Huwag ka na mag-alala, babe. Ako na ang bahala dun!” sagot naman ni Philip.

“Gusto ko kasi ay walang maging problema pa.”

“Relax, magiging okay ang lahat. Maikakasal tayo ayon sa mga plano natin!”

Dalawang linggo na lang bago ang kanilang kasal kaya inaasikaso na nila ang mga dapat asikasuhin. Si Kara pa naman ang pinakaaligaga sa kanilang dalawa ng nobyo kaya gusto niya ay maayos ang lahat.

Isang araw, habang abala si Kara na nag-aayos ng plano para sa entourage ng kanyang kasal ay may narinig siyang kumatok sa pinto ng kanyang kuwarto. Nang buksan niya ito ay wala namang tao kaya bumalik siya sa kanyang ginagawa. Maya-maya ay may kumatok na naman sa pinto at agad na naman niya iyong binuksan.

“Aba, may nanloloko ba sa akin?” inis niyang tanong sa sarili.

Padabog na siyang umupo sa kinauupuan at ipinagpatuloy ang ginagawa nang umulit ang pagkatok sa pinto sa ikatlong beses. Mabilis niyang binuksan ang pinto para mahuli kung sino ang nanloloko sa kanya ngunit wala siyang nakita kaya lumabas siya ng kuwarto at pumunta sa kusina. Nakita niya roon ang kapatid na si Zap.

Advertisement

“Hoy, Zap, ikaw ba hindi mo ako titigilan sa kalokohan mo? Kita mong may ginagawa ako sa kuwarto, e!” bulyaw niya sa kapatid.

Nagtaka naman ito sa bintang sa kanya ng kapatid.

“Teka, ate, anong sinasabi mo? E kakagising ko nga lang!” anito.

Napakunot ang noo ni Kara sa sinabi nito. “Ibig mong sabihin, hindi ikaw iyong tatlong beses na kumatok sa pinto ng kuwarto ko?”

“Paano ko naman kakatukin iyon, kababangon ko pa nga lang sa kama. Naku, ate imagination mo lang iyon na kunwari ay may kumakatok pero wala naman!”

Sa isip ni Kara ay hindi siya maaaring magkamali. Gising na gising ang kanyang diwa nang marinig niya ang mga pagkatok.

Kinagabihan ay masaya namang nakikipag-usap si Kara sa kanyang nobyo.

“Babe, pagkatapos ng kasal natin may naisip ka na ba kung saan tayo pwedeng mag-honeymoon?” tanong niya rito.

Advertisement

“Tinatanong pa ba iyan, babe? Siyempre the best pa rin ang kuwarto natin para sa honeymoon,” tatawa-tawang sabi ng lalaki.

“Seryosohin mo naman ako! Importante rin sa akin na sa magandang lugar gawin ang honeymoon natin!”

“Ito naman, hindi na mabiro! Don’t worry, nakaplano na rin iyan, babe, kaya huwag mo na iyang intindihin!”

Habang kausap ang nobyo ay may napansin si Kara na itim na paru-paro na pumasok sa bintana ng kanyang kuwarto at dumapo sa kanya. Napasigaw siya at pinaghahampas ang paruparo.

“Anong nangyayari sa iyo, babe?” nag-aalalang tanong ng lalaki sa kabilang linya.

“Wala, may dumapo lang sa akin na itim na paruparo!” sagot niya sa kausap.

Nang sumunod na araw habang naglalakad sa mall si Philip ay bigla siyang nagulat nang may makasalubong siyang pamilyar na mukha.

“Dyusko, totoo ba ang nakita ko?” taka niyang tanong sa sarili.

Advertisement

Hindi kasi maaaring magkamali ang lalaki dahil ang nakasalubong niya ay kamukhang-kamukha niya. Napansin niya na magkapareho rin sila ng suot nitong damit. Sinubukan niyang sundan iyon ngunit bigla na lamang nawala. Agad niyang sinabi kay Kara ang nakita.

“Totoo, babe. Maniwala ka! Kitaang-kita ko na magkamukha kami nung nakasalubong kong lalaki sa mall. Pareho pa nga kami ng suot na t-shirt, e!”

“Ano, baka naman talagang magkamukha lang kayo? Hindi iyon imposible, babe, dahil may napanood na akong ganyan sa TV na magkamukhang-magkamukha pero hindi naman pala magkaano-ano,” sabi ni Kara.

Hindi na lamang pinansin ni Kara ang ikinuwento ng nobyo sa halip ay itinuon ang sarili sa preparasyon ng kanilang kasal.

Kinahapunan, naglalalakd ang ina ni Kara na si Aling Sepa pauwi ng kanilang bahay ng makita niyang parating ang isang motorsiklo. Kilalang-kilala niya ang may-ari niyon, natitiyak ng babae na motorsiklo iyon ni Philip na nobyo ng kanyang anak. Nang makalapit na siya sa hinintuan ng motorsiklo ay nagimbal sa nakita niya si Aling Sepa.

“Diyos na mahabagin! Walang ulo ang mamanugangin ko!”

Nahintakutan si Aling Sepa nang makita si Philip na naglalakad ng walang ulo papasok sa kanilang bahay. Agad niyang sinabi sa magkasintahan ang kanyang nakita.

“Ho, hanggang ngayon po ba ay naniniwala pa rin kayo sa ganyan inay?” natatawang wika ni Kara.

Advertisement

“Tama po si Kara. Pamahiin lang po iyan at walang katotohahan,” gatol pa ng lalaki.

“Aba’y wala namang masama kung maniwala tayo. Kaya ikaw, Philip mag-iingat ka hijo!” paalala ng babae.

Dumating na ang pinakahihintay na araw ni Kara, araw na ng kanilang kasal ni Philip. Abala siyang nag-aayos ng kanyang traje de boda nang may tumawag sa kanyang cell phone. Nang sinagot niya iyon ay halos hindi siya nakakilos sa kinatatayuan.

“Kara, si Donna ito kapatid ni Philip. Huwag ka sanang mabibigla. Wala na si Kuya! Napagtripan siya ng mga ad*k na nakasalubong niya sa daan at walang awa siyang pinagsasaksak hanggang…” hindi na tinapos ng babae sa kabilang linya ang sasabihin dahil napahagulgol na ito.

Nabitawan ni Kara ang hawak na cell phone at napahagulgol na rin ng iyak sa masamang balita ng kapatid ng nobyo.

“A-akala ko ba walang iwanan?” paulit-ulit na bigkas ni Kara habang patuloy ang daloy ng luha.

Nakita ni Aling Sepa ang paghagulgol ng anak.

“Bakit, anak anong problema?” nag-alalalang tanong ng ina.

Advertisement

“S-si Philip po, wala na si Philip, inay!”

“Diyos ko, sinabi ko na nga ba! Hindi kayo nakinig sa akin nang makita ko ang nobyo mo na walang ulo. Dapat kasi hindi niyo isinawalang bahala ang pangitain.”

Nang biglang maalala ni Kara ang mga kakatwang nangyari sa kanya.

“I-inay, naalala ko po na may kumatok ng tatlong beses sa kuwarto ko, tapos ay may itim na paruparo na dumapo sa akin. Nakita rin ni Philip na may kamukha siya sa mall… inay ibig bang sabihin na…”

“Mga signos iyon ng kamat*yan, anak. Kapag may kumatok ng tatlong beses sa pinto ay mayroong taong papanaw, gayun din kapag nakakita ka ng itim na paruparo at taong walang ulo. Ang sinasabi mong nakita ng iyong nobyo na mayroon siyang kamukha, iyon ay tinatawag na doppelganger. Kapag ang nakakita nito ay ang mismong tao ay signos na iyon ng kanyang pagpanaw,” paliwanag ng ina.

Labis ang pagsisisi ni Kara na hindi siya naniwala at binalewala lang ang sinabi ng ina at mga senyales na naranasan nila ni Philip. Naagapan sana ang pagkawala ng kanyang nobyo. Ang nakakalungkot ay sa mismong kasal pa ito binawian ng buhay at sa marahas pang paraan. Ang matagal nilang pinagplanuhang kasal ni Philip ay biglang nawalan ng saysay.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!