Siopao Lang ang Kaya Ko

Ano ba ang basehan ng pag-ibig sa karamihan? Dapat ba mayaman? Dapat ba may malaking bahay ka? Dapat ba mataba ang laman ng bulsa mo? Ano ba dapat?

Walang pakialam si Jose sa mga bagay na iyon kahit na ang mga kasabayan niya sa panliligaw kay Ashley ay mga big time, mga lalaking may magagarang kotse at may kaya sa buhay. Madalas pa nga ay out of place siya palagi kapag nagkakasabay-sabay sila sa pagbisita sa dalaga dahil siya lamang ang bukod tanging dala ay siopao habang ang iba ay animo may pa-fiesta kung magdala ng pagkain kaya madalas tuloy ay tinatawanan lang siya ng mga karibal niya.

“Hi, Jose,” masayang wika Ashley nang makita siya.

“Hello, Ashley. Itong siopao nga pala pasalubong ko sa’yo,” ani ng lalaki sabay abot ng bitbit.

“Salamat,” ani ng babae.

“Nandito na naman pala ang mga manliligaw mo,” nahihiya niyang wika.

“Oo nga, e. Hayaan mo na. Halika, Jose, pumasok ka,” ani ni Ashley.

Kung pera ang pag-uusapan ay wala siyang binatbat sa ibang lalaking nanliligaw kay Ashley pero kung puso ang usapan ay wala namang binatbat sa kaniya ang kaniyang mga karibal.

Advertisement

Tatlo silang kinakausap ni Ashley. Maganda ito at mabait kaya hindi katakatakang maraming manliligaw ang babae. Madalas ay hindi na nito nakakausap ng maayos ang isa sa kanila lalung-lalo na si Jose na hindi hinahayaang makasingit ng mga karibal niyang matataas ang tingin sa sarili. Ngunit kapag titingin si Jose sa mukha ni Ashley at ngingitian siya nito ng matamis ay nawawala ang pagkadismaya ng lalaki.

Nag-alisan na ang dalawang manliligaw ni Ashley at tanging si Jose na lang ang naiwan dahil tinulungan niya pa ang babae para iligpit ang mga kalat.

“Ayos ka lang ba, Jose?” tanong ni Ashley. “Oo naman. Ako pa ba?” pangiti-ngiti wika ng lalaki. “Ikaw nga ang dapat kong tanungin kung ayos ka lang ba? Hindi ka ba napagod? Tatlo kaming kinakausap mo kanina.”

“Napagod pero ayos lang,” matipid nitong sagot.

“Nga pala, Jose. Pasensya ka na kung hindi kita masyadong nakakausap kanina, ah.”

“Ayos lang iyon, Ashley. Makita lang kita ay kuntento na ako. Sa totoo lang alam ko naman na malabo akong pumasa sa’yo kasi wala akong kayang ibigay kung ‘di siopao lang. Wala din akong naipaparadang sports car sa garahe niyo. Hindi ako mayaman. Pamasahe nga lang ang lagi dala ko kapag pumupunta ako dito. Talagang pagmamahal lang ang kaya kong ialay sa’yo,” nakangiti wika ng lalaki.

“Alam mo ba, Jose, may sekreto akong sasabihin sa’yo,” wika niya ni Ashley.

“Ano iyon?” Tanong ni Jose. “Sa kanilang tatlo ay ikaw ang mas kilala ko kasi ikaw ang kasama ko sa trabaho. Mas komportable din ako sa’yo. Ang sabi nila maswerte ka daw kapag nagkaroon ka ng asawang mayaman. Pero para sa’kin mas maswerte pa din kapag magkasundo kayo ng asawa mo. Hindi naman mahalaga ang materyal na bagay para sa’kin. Ang gusto ko ay iyong mahal ako ng lalaking mamahalin ko. Kahit hindi mayaman ay ayos lang sa akin. Ang mahalaga sa’kin ay nagpapakatotoo ka. Ngayon alam mo na ba ang sekreto?”

Advertisement

Naguluhan ang lalaki sa sinabi ni Ashley.

“Ano doon ang sekreto?” Tanong ulit ni Jose. “Ang sekreto doon ay ikaw ang mas lamang sa kanila. Sa’yo ko kasi nakita ang lahat ng iyon. Nakita ko sa’yo na tunay ang intensyon mo sa’kin. Tunay din naman sila pero mas mabigat ka kaya huwag mong sabihin na hindi ka magiging ka-level nila dahil mahirap ka lang. Hindi ka man mayaman sa pera mayaman ka naman sa sipag, tiyaga at pagmamahal,” sagot ng babae

“Ang ibig bang sabihin ay sinasagot mo na ko?” ani ng lalaki na agad namang tinanguan ng babae.

Sa sobrang saya ay niyakap ni Jose ng mahigpit si Ashley.

“Salamat, Ashley. Hayaan mo. Aalagaan kita at gagawin ko ang lahat para hindi tayo maging mahirap habang buhay.”

“Magtutulungan tayo, Jose,” nakangiting wika ni Ashley.

Mula nga noong sinagot ni Ashley si Jose ay pinagbawalan na ni Ashley ang dalawa pa niyang manliligaw na suyuin pa siya. Habang si Jose naman ay hindi kinakaligtaan ang pag-aalaga kay Ashley. Pinapatunayan niyang walang dapat pagsisihan ang babae sa pagsagot nito sa kaniya. Nang makaipon si Jose ay agad niya iyong ipinuhunan sa negosyo na sa awa ng Diyos ay lumago naman at nagkaroon pa ng sampung branches. Kapag nakapag-ipon na ng sapat na pera si Jose ay magpapakasal na sila ni Ashley at bubuo na ng sariling pamilya. Papatunayan niya sa lahat na hindi nagkamali ang babae sa pagpili sa nito kaniya.

Mahirap man si Jose ay taglay naman niya ang diskarte, sipag at tiyaga kaya alam niyang maiaahon niya ang sarili sa kinalakihang kahirapan. Walang pinagsisihan si Jose na kinapalan niya ang mukha niyang ligawan si Ashley kahit na alam naman niyang alanganin ang katayuan niya sa dalawa pa niyang karibal. Sa buhay laging tatandaan na hindi kasalanan ang kahirapan. Ang kasalanan ay iyong wala kang ginawa upang iangat ang iyong sarili. Higit sa lahat ay huwag nating gawing pamantayan ang kayaman pagdating sa pag-ibig dahil ang mas mahalaga ay ikaw ang nilalaman ng kaniyang puso kaysa sa daming ng pera sa kaniyang bulsa.