Mabilis Magpalit ng Nobya ang Lalaki, Di Niya Naman Akalaing Sa Mahal Niyang Kapatid Babalik ang Karma

“Wow Kuya, thank you!” masayang sabi ng kapatid ni Dick, si Mabelle. Dalawampu’t pitong taong gulang na ang binata habang dalawampu’t isa naman ang kanyang kapatid. Siya na halos ang nagpalaki rito dahil ang mga magulang nila ay maagang pumanaw.

Buti nalang ay matalino siya kaya nakakuha ng scholarship, habang nag-aaral noon ay nagtatrabaho rin siya. Hanggang mapagtapos niya rin ang kapatid at heto sila, wala nang mahihiling pa dahil nakapagpagawa na rin ng sariling bahay.

“Mahal yan ha, pinag-ipunan ko! Malakas ka sa’kin eh!” nakangiting sabi niya habang minamasdan ang kapatid na kalikutin ang bagong bili niyang cellphone para rito. Maya-maya pa ay tumayo siya dahil nag-ring ang kanyang cellphone.

“Hello? Wala ako sa bahay. Ah, nasa trabaho pa. In the middle of a meeting. Mamaya ka na lang tawag pwede? No no no, hindi kita iniiwasan. Why would I do that? Sige na, andito na boss ko. Hello? Hello? Di kita marinig!” arte niya pa bago ibinaba ang tawag. Napangiwi pa siya nang sa wakas ay tumahimik na ang babae sa kabilang linya.

Si Angel iyon, girlfriend-ay mali, dati niyang girlfriend. Di niya alam kung bakit ganoon nalang kung maghabol ito gayong isang Linggo lang naman ang pinagsamahan nila. Nakilala niya lang ito sa isang club, nagkagustuhan ng kaunti tapos ayun, nobya niya na! Ganoon lang kadaling nagsimula kaya ganoon lang rin kadaling natapos. Nang maramdaman niyang nagiging demanding na ang babae ay kumalas na siya.

Kung ano kasing bait niya bilang kuya, sobrang sama niya naman bilang nobyo. Wala siyang tinagalang girlfriend dahil lahat ito ay iniiwan niya na matapos makuha ang kanyang gusto. Syempre walang iba kundi katawan nila.

“Grabe ka talaga pare, pati si Chesca nadali mo!” tawa nang tawang sabi ng barkada ni Dick, umiinom sila ngayon sa isang bar.

“Of course. Ang malupit pa, nanghihingi ng kasal. What am I, stupid? I won’t be tamed!” mayabang na sabi niya. Idinetalye niya pa kung paano niya nakuha ang babae, walang pakialam na masira ito sa iba.

Advertisement

Inisa-isa niya ang lahat ng babaeng naikama, palibhasa ay gwapo siya kaya marami iyon.

“Ni minsan ba, wala kang minahal sa mga iyan?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya.

“Wala! Ano ako, hilo? Babae lang yan pare, madaling palitan yan lalo pag nalaspag mo na.” medyo nakainom nang sabi niya. Napapailing nalang ang mga binatang kaharap, kahit kailan ay di pa rin talaga nagbabago si Dick. Utak pa rin sa ibaba ang pinaiiral.

Namutla ang binata nang sikuhin siya ng isang kaibigan, dahan-dahan siyang tumingin sa direksyong inginuso nito.

“Pare si Angel.” bulong nito.

“I-Itago mo ako, ayoko na dyan eh. Ilang beses ko nang tinataguan yan. My God, di pa rin siya sumusuko-” patayo palang siya nang patakbong hinawakan siya ng babae sa braso. Di niya akalain na gagawin nito iyon.

“Parang awa mo na, ano ba ang maling nagawa ko? I love you, you know that! I can’t be happy without you, let us try again parang awa mo na Dick.. let’s work this out..” nakaluhod na sabi nito.

Napalingon siya sa mga kaibigan at pasimpleng ngumiti, parang nais sabihin, Ang pogi ko no? Niluluhuran ng chicks!

Advertisement

Bumuntong hininga siya at hinawakan sa dalawang balikat ang babae, “I hate na kailangan ko itong gawin sa harap ng maraming tao pero this is my only chance. I’m sorry Angel, I can’t be with you anymore. I realized I’m not ready for commitment. Sorry.” sabi niya at tinalikuran na ito- iyak nang iyak at sobra ang pagkapahiya dahil pinagtinginan ng mga tao.

Mabilis lumipas ang mga araw, medyo nag-alala si Dick dahil napapansin niyang tulala at walang kibo ang kapatid niyang si Mabelle.

“Little sis, something wrong?” sabi niya nang masalubong ito sa kusina.

“I-Im sorry kuya.” sabi lang nito, tapos ay tumakbo na sa kwarto.

“Mabelle! Pwede mo namang sabihin sa akin kung may dinaramdam-” hindi niya na natapos ang sasabihin dahil tumunog ang kanyang cellphone.

Barkada niya iyon, nag-send ng video.

Yo dude check this out. Viral yan eh, tingnan mo yung chicks pinagtabuyan ng ex-bf niya. Naalala lng kita kasi gnyan gnawa mo kay Angel e 😀 message pa nito.

Pinindot niya ang video upang i-play, medyo malabo dahil gabi iyon. Naroon ang isang babaeng nakaluhod sa gitna ng kalsada, yakap-yakap sa hita ang isang lalaking pilit sinisipa ito palayo. Napapalibutan ng tao ang mga ito at medyo maingay ang paligid.

Advertisement

Parang dinurog ang puso niya nang magsalita ang babae.

“P-Parang awa mo na Mike, panagutan mo ako. Baby natin ito, alam mong ikaw lang!” sabi nito at sinundan ng paghagulgol, umaapaw ang sobrang sakit.

Hindi sumagot ang lalaki sa video, sa halip ay buong pwersa tinanggal ang pagkakayakap ng babae at padabog na itinulak ito sa kalsada.

Gigil na gigil siya at halos madurog ang cellphone, sobra ang piga niya sa hawak katulad nalang ng sobrang pinipiga rin ang puso niya ngayon.

Hindi siya maaaring magkamali, kilalang kilala niya ang boses ng babae sa video.

Si Mabelle, ang nag-iisa niyang kapatid. Ang minamahal niyang bunso, ang iningatan at pinalaki niyang prinsesa. Itinatratong basura.

Umakyat siya sa itaas at pabagsak na binuksan ang pinto ng kwarto nito. Naroon ang dalaga, umiiyak at nangangatog.

Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin. Basta nakatitig lang siya at pinipigil ang luha. Sobra ang hapding nararamdaman niya ngayon.

Advertisement

“K-Kuya alam mo na siguro. Patawarin mo ako, isa akong kahihiyan. Na-disappoint kita. Buntis ako kuya.. at ayaw akong panagutan ni Mike. Itinatanggi niyang kanya ang baby, at h-hindi raw siya handa sa commitment. Ano ba raw siya, hilo para magpatali?

B-Babae lang raw ako. Pinahiya niya ako kuya, iniwang nakaluhod doon.”

Patakbo niyang niyakap ang kapatid. Nais niyang basagin ang mukha ng Mike na iyon pero alam niyang siya ang may kasalanan. Ang lahat ng ito ay isang malaking karma sa kanya.

Kung ano ang ginawa niya sa ibang babae ay bumabalik lamang sa kapatid niya ngayon, mas matindi pa. Umiyak si Dick at taimtim na humingi ng tawad sa Diyos, nagsisi siya at sumumpang magpapakatino na.

Humingi rin siya ng tawad sa lahat ng babaeng nasaktan. Siniguro niya kay Mabelle na pagtutulungan nilang dalawang itaguyod ang baby. Di nagtagal ay natagpuan rin ni Dick ang babaeng para sa kanya, sa unang tingin palang ay tinamaan agad siya ng pagkatindi-tindi kay Michelle. Tatlong buwan palang silang magkasintahan ay niyaya niya na agad itong magpakasal na tinanggap rin naman ng babae.

Lahat tayo ay may karapatang pumili at magdesisyon. Ano man ang ating gawin ay nakikita ng Diyos at ibabalik sa atin, kaya sana ay palagi nating piliing maging mabuti sa kapwa.