Sinisi ng Lalaki ang Dalagitang Kasambahay sa Pagdukot sa Mayamang Asawa, Siya Pala ang Responsable sa Pagkawala Nito

Pumasok na kasambahay ang magkakapatid na sina Divina, Cecilia at Crizelda sa bahay ng mayamang negosyanteng si Madam Agueda at asawa nitong si Dr. Carolino.

Isang araw ay iniwan ni Divina ang mga kapatid para umuwi ng probinsiya. Nabalitaan niya kasi na may karamdaman ang kanilang ina. Gusto man niyang isama ang mga kapatid ay hindi maaari dahil walang maiiwang magtatrabaho sa bahay.

Pero nang gabing iyon na umalis siya ay nilooban ng mga masasamang loob ang bahay ng mag-asawa.

“Sino kayo? anong ginagawa niyo rito?” takot na tanong ni Madam Agueda.

“Huwag ka nang magtanong! Kailangan mong sumama sa amin!” sagot ng isang lalaking naka-maskara.

Maliban sa nilimas ng mga ito ang mga pera, alahas at mamahaling gadgets ng mag-asawa ay tinangay din ng mga ito si Madam Agueda.

“Huwaag! Saan niyo ako dadalhin? Tulong, tulungan niyo akoo!” sigaw ng negosyante.

Walang saksi sa nangyaring panloloob maliban sa bunsong kapatid niyang si Crizelda. Ayon sa dalagita, nasa sala si Madam Agueda nang lumabas ng kuwarto ang asawa nitong si Dr. Carolino. Naglakad daw ito at dumiretso sa pinto ng bahay. Binuksan daw nito ang pinto. Nagulat na lang daw si Madam Agueda nang pumasok ang tatlong lalaking nakatakip ang mukha at may mga dalang baril. Sapilitang tinangay ng mga lalaki si Madam Agueda. Buti na lamang at nakapagtago ang kapatid sa ilalim ng mesa kaya hindi ito nakita. Matapos ang lahat, para raw bulang nawala si Dr. Carolino.

Advertisement

“Kinuha po nila si Madam Agueda, si Dr. Carolino, siya po ang nagbukas ng pinto tapos ay pumasok ang mga lalaking naka maskara!” pahayag ng dalagita.

Kinontra naman ng doktor ang testimonya ng kapatid ni Divina.

“Hindi totoo ang sinasabi ng batang iyan! Ang totoong nangyari ay ang kapatid nilang si Cecilia ang nagbukas ng pinto kaya nakapasok ang mga kumidnap sa asawa ko!” sabi ng lalaki.

“Hindi iyan magagawa ng kapatid ko!” sigaw naman ni Divina.

“Hindi ako maaaring magkamali, kitang-kita ko kung paano buksan ni Cecilia ang pinto. Pati ako ay balak kunin ng mga lalaking iyon, buti na lang at nagpanggap akong nawalan ng malay kaya hindi nila ako nakuha.”

Napaiyak si Cecilia sa paratang ni Dr. Carolino.

“Nagkakamali po kayo, hinding-hindi ko po magagawa ang mga ibinibintang niyo sa akin. Inosente po ako!” pagtatanggol ng dalagita sa sarili.

Nagsampa ng reklamo ang doktor sa dalagita na pinaniniwalaan nitong may kinalaman sa pangingidnap sa kanyang asawa.

Advertisement

Humingi naman ng tulong ang magkakapatid sa kilalang sikat na abogado ng mga mahihirap na si Atty. Ella Castro. Pumayag naman ito na hawakan ang kaso laban sa doktor.

“Mahihirapan kang ipanalo ang kaso, Ella! Maimpluwensiya at mapanganib na tao si Dr. Carolino! Hindi matibay na saksi ang bunsong kapatid ni Divina na si Crizelda dahil lumabas sa pagsusuri na mayroon palang parasomnia o sleep disorder si Dr. Carolino. Ibig sabihin, naglalakad ito ng tulog! Ang taong may ganoong sakit ay hindi alam ang ginagawa dahil nga tulog ito. Iyon ang nakita ni Crizelda na ginagawa ng doktor. At mas malakas naman ang pruweba ni Dr. Carolino kay Cecilia dahil ang dalawang magkapatid lang naman ang nasa salas nang mangyari ang pagkuha kay Madam Agueda. Bitawan mo na ang kaso!” ilang beses na iginiit ni Georgia, kaibigan ni Ella.

Nang biglang dumating ang isa pa nilang kaibigan na si Dondi at mayroon itong ibinalita.

“Ella, may bago raw testigo, si Mang Yani ang hardinero nina Madam Agueda. Nakita rin daw nito na si Dr. Carolino ang nagbukas ng pinto!”

Nagpasama si Ella kay Georgia sa bahay ng matandang hardinero. Balak niyang personal na kausapin si Mang Yani ngunit pagdating nila sa kinaroroonan nito ay nabalitaan nilang binawian ng buhay ang hardinero.

Nanlumo ang dalaga lalo pa at agaran din daw na ipinalibing si Mang Yani ng asawa nito. Pagkatapos daw ng libing ay umalis agad sa lugar na iyon ang matandang babae at walang nakapagsabi kung saan ito nagpunta. May hinala naman siya na may kinalaman si Dr. Carolino sa pagkamatay ni Mang Yani. Agad siyang kumilos at isinailalim niya sa witness protection program ang magkakapatid nang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.

“Kinausap ko ulit si Crizelda, wala pa ring pagbabago sa kanyang testimonya. Ibig sabihin, iyon talaga ang aktuwal na nangyari nang gabing kidnapin si Madam Agueda. Base kasi sa nabasa ko, ang taong naglalakad ng tulog ay nakadilat nga ang mga mata ngunit hindi nakaunat ang mga kamay. Naang tanungin ko si Crizelda kung iyon ang ginawa ni Dr. Carolino ay umiling ito at sinabing nakaunat ang mga kamay ng doktor. Ibig sabihin, nagkukunwari lang tulog ang lalaking iyon!” giit ni Ella.

Napailing si Georgia sa sinabing iyon ng kaibigan.

Advertisement

“Sabihin na nating totoo ang sinabi ni Crizelda… Ngunit paano mo matitiyak na hindi magbabago ang testimonya niya kung tadtarin na ng tanong ng tusong abogado ni Dr. Carolino?” anito.

“Nangako ako na ipapanalo ko ang kasong ito. Patutunayan kong walang kinalaman si Cecilia sa pagkawala ni Madam Agueda,” aniya.

Nangyari ang kinatatakutan ni Ella. Nagtagumpay ang abogado ni Dr. Carolino na mademoralisa si Cecilia dahil sa matapang at pasigaw na pagtatanong nito. Hindi na nakapagsalita pa ng tuwid ang dalagita. Pabago-bago na ang testimonya nito. Nanlumo si Ella. Malinaw na matatalo sila sa kaso.

Ang panlulumo ng dalaga ay napalitan ng pagkagimbal nang mula sa pinto ng korte ay pumasok ang isang may edad nang babae. Pamilyar siya sa mukha nito at hindi nga siya nagkamali. Ang babaeng pumasok ay si Madam Agueda.

Nakaturo ang isang kamay kay Dr. Carolino.

Natigilan at natulala ang lahat ng naroroon.

“Ikaw, ikaw ang may kasalanan!” sigaw ni Madam Agueda.

“Patay ka na! Ipinapatay na kita!” Dumagundong sa loob ng korte ang sigaw na nanghihilakbot ni Dr. Carolino.

Advertisement

Ang hindi alam ng doktor ay masuwerteng nakatakas si Madam Agueda sa mga nagtangka sa buhay nito. Napag-alaman din nito na may ibang babae ang kanyang asawa at dahil gusto ng dalawang mawala siya sa landas ng mga ito ay nagplano si Dr. Carolino na ipapapaslang siya para maibahay ang kabit nito.

Sinadya rin ng babae na magpakita sa mismong araw ng pagdinig para isakatuparan ang planong mapaamin ang taksil na asawa. Natuklasan din ang ginawa nitong pagpaslang sa hardinerong si Mang Yani para hindi ito tumestigo.

Dahil sa hayagang pag-amin ay nakulong ang doktor sa salang kidnapping, pagpatay sa hardinero at tangkang pagpatay sa mayamang negosyante at naabuswelto sa kaso si Cecilia.

“Maraming salamat, Atty. Ella. Sa wakas napatunayan na wala talagang kasalanan ang kapatid ko!” masayang wika ni Divina.

“Walang anuman! Tungkulin kong ipaglaban kung ano ang totoo at tama.”

Napatunayan ni Ella na tama ang kasabihang “Laging nahuhuli ang isda sa sariling bibig.” Gaya ng nangyari kay Dr. Carolino, sa mismong bibig nito nanggaling ang kasamaang ginawa kaya ang resulta, pinagdudusahan nito ang kasalanan sa loob ng masikip at mainit na selda.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.