Pinagpanggap ng Babae na May Gusto ang Nobyo sa Kapatid Niya Dahil sa Utang na Loob, May Pasabog pala Ito na Ikinagulat Nila

Noon pa man ay magkaramay na ang magkapatid na Arriane at Aiza. Mula nang maulila sila sa mga magulang ay ang dalawa na ang magkasamang humarap sa hamon ng buhay.

“O, Aiza may baon ka pa ba sa eskwela, kung wala ay kumuha ka sa pitaka ko ng pera pambaon mo!” sigaw ni Arriane.

“Mayroon pa naman akong baon, ate. Itabi mo na lang iyan para sa pamasahe mo,” sabi ni Aiza sa kapatid.

“Naku, hindi! Kunin mo na ang dalawang daan at may pamasahe pa naman ako,” wika pa nito

Di nagtagal ay nakapagtapos siya ng pag-aaral sa high school hanggang sa kolehiyo sa tulong ng kanyang Ate Arriane. Malaki ang utang na loob niya sa kapatid dahil iginapang nito ang kanyang pag-aaral. Isinakripisyo ng kapatid ang pag-aaral nito at sariling pangarap na maging doktor. Huminto kasi ito sa pag-aaral at maagang nagtrabaho para makatapos lang siya.

Nang makapagtrabaho si Aiza sa isang malaking kumpanya ay nakilala naman niya si Ian. Isang binata na hindi niya akalaing mahuhulog din ang loob niya rito. Nagkaroon sila ng relasyon ng katrabaho ngunit hindi pa niya iyon ipinaalam sa kanyang kapatid.

“Tatlong buwan na tayong magkasintahan, Aiza. Alam mong mahal kita at alam kong mahal mo rin ako. Kailan mo ba ako ipapakilala sa kapatid mo?” tanong ng lalaki.

“Mahal kita, Ian, kumukuha lang ako ng tiyempo para sabihin kay Ate Arriane ang tungkol sa atin,” aniya.

Advertisement

“Bakit kasi hindi mo pa ako ipakilala sa kapatid mo?”

Pumikit sumandali ang dalaga at nag-isip.

“Si-sige, ipapakilala na kita sa kanya sa Linggo,” napilitang sabi ni Aiza.

Dumating ang araw ng pagpapakilala ni Aiza kay Ian sa kanyang kapatid. Unang kita pa lang ni Arriane sa lalaki ay labis na agad ang paghanga at pagkagiliw niya rito. Guwapo kasi at malakas ang dating nito kaya di sinasadyang tumibok ang puso ng babae sa nobyo ng kapatid. Bubuwelo na sana si Aiza para sabihin ang tungkol sa kanila ni Ian nang tapatin siya ni Arriane.

“Sis, sa kauna-unahang pagkakataon ay tinamaan yata ako sa isang lalaki,” anito.

“Ano ang ibig mong sabihin, ate?” naguguluhang tanong ng kapatid.

“Gusto ko siya, Aiza! Type ko ang ka-opisina mo!” bunyag nito.

Hindi nakakibo si Aiza sa ipinagtapat ng kapatid. Hindi siya makapaniwala na may pagtingin ito sa kanyang nobyo.

Advertisement

“Gawan mo naman ng paraan para magkalapit kami!”

“A,e ate kasi…”

“Naku, sis! Ngayon lang ako nakiusap sa iyo. Pagbigyan mo naman ako!” pakiusap nito habang hawak-hawak ang kamay niya.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Aiza sa pakiusap na iyon ng kapatid.

“T-titignan ko, ate…” maikli niyang sagot.

“Sinabi mo iyan, ha!” Tuwang-tuwang wika ni Arriane.

Nang ihatid niya sa labas ng bahay ang nobyo ay nagtanong na naman ito.

“Akala ko ipapakilala mo ako sa ate mo?”

Advertisement

“Ian, gusto ka ni Ate Arriane.”

“Ows, gusto niya ako para sa iyo?”

“Gusto ka niya. May pagtingin sa iyo ang kapatid ko,” sabi niya sa nobyo.

Nagulat ang lalaki sa sinabi ni Aiza.

“Ano? Bakit hindi mo sinabi ang tungkol sa atin, na may nobya na ako at ikaw iyon, Aiza!”

“Hindi ko magawa. Malaki ang utang na loob ko kay Ate Arriane at gusto ko siyang maging masaya. Kaya pagbigyan mo ang hilig ko, Ian na magpanggap na gusto mo rin si Ate. Ligawan mo siya.”

Napaatras sa kinatatatayuan si Ian. Napapailing sa gustong mangyari ng dalaga.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Aiza? Para mo na ring niloko ang kapatid mo!” galit na tono ng nobyo.

Advertisement

“Hindi mo ako naiintindihan, hindi ko mararating kung ano ang mayroon ako ngayon. Magandang trabaho, malaking bahay, mariwasang buhay kundi dahil sa mga sakripisyo ni Ate Arriane. Gusto kong pagbigyan ang gusto niya kaya pakiusap, kahit magpanggap ka na lang muna na gusto mo rin siya habang wala pa akong naiisip na ibang paraan.”

Walang nagawa si Ian. Dahil mahal na mahal ang nobya ay pinagbigyan niya ang hiling nito. Nagpanggap ang lalaki na natipuhan din nito ang babae at kunwaring liligawan.

Nang sumunod na araw ay isinakatuparan ng dalawa ang kanilang balak.

“Ate, si Ian iyong kasamahan ko sa opisina na isinama ko dito ng nakaraang gabi,” aniya sa malungkot na boses.

“H-hi, k-kumusta ka?” pilit na sabi ng lalaki na may dalang bulaklak.

“Hello, Ian. I’m Arriane! Ang magandang kapatid ni Aiza,” pakilala ng babae sa sarili.

Niligawan nga ng lalaki ang kapatid ng nobya at di nagtagal ay nagkaroon ang dalawa ng relasyon. Kahit masakit sa parte ni Aiza ang isakripisyo ang lalaking minamahal para sa kapatid ay tiniis niya makita lang itong maligaya. Kahit sa ganoong paraan man lang ay mabayaran niya ang lahat ng nagawa nito sa kanya.

Nang minsang dumalaw si Ian sa bahay nila Aiza ay naabutan niya roon si Arriane. Nagulat ang lalaki nang subukan siyang akitin ng babae. Niyakap siya nito at pinaghahalikan sa labi.

Advertisement

“Teka, teka sandali ano ‘tong ginagawa mo?” nabigla nitong tanong.

“Ano pa, e paliligayahin kita! Di ba girlfriend mo na ako, so ano pa ang hinihintay mo? Pagkakataon na natin habang wala ang kapatid ko,” malanding sabi ni Arriane at ipinagpatuloy ang pagyakap at paghalik sa lalaki.

“B-bitiwan mo ako! H-hindi ko na ‘to kaya!” malakas na wika ni Ian habang inaalis ang pagkakayakap ng babae sa kanya.

Nang biglang dumating si Aiza at naabutan ang pagtatalo ng nobyo at ng kapatid.

“Anong nangyayari, may problema ba?” aniya.

“Hindi ko na kaya, Aiza! Hindi ko kayang gawin ang gusto ng kapatid mo dahil mahal kita. Ikaw lang ang gusto ko!”

Laking gulat ng magkapatid sa sinabing iyon ni Ian. Hindi na nito napigilan pa ang nararamdaman.

“Ian, anong sinasabi mo? Tumahimik ka na!”

Advertisement

“Puwede ba, magpakatotoo ka na sa sarili mo, Aiza. Sabihin mo sa kapatid mo ang totoo!”

Walang nagawa si Aiza kundi ang umiyak sa eksenang iyon. Hiyang-hiya siya sa nobyo at sa kanyang Ate Arriane sa ginawa niyang panloloko.

“Sorry, Ate! Kasalanan kong lahat ‘to! Pinagpanggap ko si Ian na gusto ka rin niya, plinano ko ang lahat. Hindi ko sinasadya, gusto ko lang naman na maging masaya ka, ate. Iyon lang ang naisip kong paraan para magantihan ang utang na loob ko sa iyo nang pagtapusin mo ako ng pag-aaral.” sabi niya sa kapatid.

Natawa ito sa sinabi niya. Ipinagtaka nina Aiza at Ian ang naging reaksyon ng babae.

“E, di umamin ka rin!”anito sa natatawang boses.

“A-no, m-may alam ka, Ate?”

“Noon pa man ay may hinala na ako na mayroon kang nobyo at tama nga ang hinala ko nang una mo siyang ipakilala sa akin. Kaya gumawa ako ng paraan para malaman kung gaano ka kamahal ng lalaking iyan at kung kaya ka niyang paninindigan, kaya nagpanggap ako na nagkagusto ako sa kanya. Inasahan ko na rin na gagawin mo na pagpanggapin siya na may nararamdaman din sa akin. Nagtagumpay ako, mahal kong kapatid. Nagtagumpay akong malaman kung tapat nga siya sa iyo nang subukan kong akitin siya. Napatunayan ko na ikaw talaga ang mahal niya. Naipasa niya ang pagsubok ko,” bunyag ni Arriane.

Lalong napahagulgol si Aiza sa ipinagtapat ng kapatid na sinubok lang pala nito kung gaano siya kamahal ng nobyo. Laking pagsisisi rin niya nang lokohin ang kanyang ate.

Advertisement

“I’m so sorry, ate! Alam mo kung gaano kita kamahal, gagawin ko lahat para sa iyo!”

“Hindi mo kailangang ibalik sa akin ang lahat ng naitulong ko sa iyo dahil ako ang may gusto nun, dahil responsibilidad ko iyon bilang ate mo. Alam mong gagawin ko rin ang lahat-lahat para sa iyo. Kaya pumapayag na ako sa relasyon niyo ni Ian.”

“Thank you, Ate Arriane. Napakabuti mo!”

“Salamat, huwag kang ma-alala. Hinding-hindi ko pababayaan ang iyong kapatid,” sabi ni Ian sabay yakap sa nobya.

Matapos ang mga nangyari ay muling nagkabalikan sina Aiza at Ian at di naglaon ay ikinasal ang dalawa at si Arriane ang tumayong maid of honor nila.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!