Ayaw ng mga Kaklase na Tumulong Siya sa Grupo Dahil sa Mabaho Siya, Siya Pala ang Magsasalba sa Kanila nung Nasira ang Proyektong Ipapasa Dapat Nila sa Kanilang Guro

Ipinakilala ni Ginang Castro ang bagong estudyante sa harap ng klase. “May bago tayong estudyante sa klase. Ang pangalan niya ay Joey. Makipagkaibigan kayo sa kaniya, ha. Ayokong aawayin niyo siya,” wika ng guro. “Umupo ka sa tabi ni Fredo sa likod,” utos ng ginang kay Joey.

Tahimik na naglakad papunta sa likod ang bagong estudyante bitbit ang dala niyang dalawang bag habang ang mga kaklaseng kaniyang nadadaanan ay hindi maiwasang magtakip ng kanilang mga ilong dahil sa mabahong amoy na umaalingasaw mula sa bagong estudyante. Pagkaupo niya sa kaniyang upuan ay agad hinaltak ni Fredo ang kaniyang lamesa at silya papalayo sa kaniya. Nagtawanan ang buong klase dahil sa ginawa ni Fredo.

Nagbigay ng proyekto si Ginang Castro. Para sa proyektong ito ay hinati niya ang buong klase sa limang grupo. Nang nagsipuntahan na ang lahat sa kani-kanilang kagrupo ay hindi maiwasan ng mga kagrupo ni Joey na insultuhin siya.

“Masyado ba kayong mahirap kaya wala kayong pangbili ng sabong pampaligo?” biro ng isa.

“Baka naman naputulan na sila ng tubig kaya hindi siya nakaligo,” komento ng isa.

“Tama ka. Naputulan sila ng tubig kaya sa ilog na tinambakan na basura siya naligo. Wala talagang epekto ang paggamit ng sabon dahil mabahong tubig din ang pinangbanlaw niya,” hirit ng isa kaya lalong nagtawanan ang mga kagrupo ni Joey.

“Hindi mo na kailangang tumulong sa grupo sa paggawa ng proyekto. Hindi namin kayang tagalan ang mabaho mong amoy. Baka imbes na magawa yung proyekto natin ay himatayin lang kaming lahat sa amoy mo. Ako na ang bahalang magsinungaling sa guro sa kung ano ang naging partisipasyon mo,” sabi ng namumuno ng grupo ni Joey.

“Tandaan niyo na bawal kayong bumili ng mga bagong materyales para sa gagawin niyong proyekto. Dapat puro recycled materials lang ang gagamitin niyo,” paalala ni Ginang Castro.

Advertisement

Hindi sang-ayon si Joey sa desisyon ng kanilang leader pero hindi rin naman niya pwedeng ipilit ang kagustuhan niyang makibahagi sa pagbuo ng proyekto kaya malungkot siyang dumistansya sa kaniyang mga kagrupo at mula sa kaniyang pwesto ay tahimik niyang pinakikinggan ang mga suwestiyon ng mga miyembro at ang balak nila para sa kanilang proyekto.

“Mukhang kailangan kong gumawa na proyekto ng mag-isa,” malungkot na saad ni Joey sa kaniyang sarili.

Bago umuwi si Joey ay dumaan muna siya sa junk shop malapit sa kanilang bahay para ibenta ang kaniyang mga nakolekta at para humingi na rin ng mga materyales na gagamitin niya para sa paggawa niya ng proyekto.

“Mang Boy, ito na po ang lahat ng nakolekta ko para sa araw na ito. Maaari po ba akong humingi ng ilan sa mga ibinenta sa inyo? Mga ilang piraso lang naman po para sa proyekto ko sa eskwela. Ibawas niyo na lang sa ibabayad niyo sa akin,” pakiusap ni Joey sa may-ari ng junk shop.

“Kumuha ka lang diyan kung ano man ang kailangan mo. Hindi ko babawasan ang ibabayad ko sa’yo. Tulong ko na sa’yo iyon,” pahayag ni Mang Boy.

Kinabukasan, nung dumating si Joey sa silid-aralan ay nadatnan niya ang kaniyang mga kagrupo na tarantang-tarantang nagkukumpuni ng nasirang proyekto sa isang sulok.

“Bakit kasi hindi mo tinabi ng maayos sa bahay niyo?” tanong ng pinuno ng kanilang grupo.

“Hindi ko naman akalain na makakapasok sa loob ng kwarto ko yung aso namin at yung proyekto natin ang naisipang paglaruan,” dipensa ng kamiyembro ni Joey.

Advertisement

“Paano na iyan? Mayroon lang tayong isang oras bago ang pasahan. Sa sobrang laki ng pinsala ay hindi natin matatapos iyan sa oras. Wala tayong maipapasang proyekto kay Ginang Castro,” nag-aalalang wika ng isang miyembro.

Lumapit si Joey sa kanilang kinaroroonan at inalok ang kaniyang ginawa sa mga kagrupo. “Ito na lang ginawa ko ang gamitin niyo. Hindi pa ito tapos pero mas madadalian tayong ayusin ito kaysa kumpunihin iyang sira na,” alok ni Joey sa mga kagrupo niya.

Pansamantalang kinalimutan ng mga kagrupo ni Joey ang mabaho niyang amoy at nagmadaling inusisa ang ginawa niyang proyekto.

“Halos pareho lang ng ideyang pinag-usapan natin kahapon, ah. Iba lang yung mga materyales na ginamit. Mas matibay at mas maganda ang pagkakagawa,” puri ng pinuno ng grupo.

“Pero paano natin matatapos ‘to kung kulang ang mga materyales natin?” tanong ng isa.

Binuklat ni Joey ang laman ng isa niyang bag at nilabas niya ang mga nakolekta niyang mga plastik na bote, mga karton, lata ng mga soft drinks, makukulay na mga papel at ilang pirasong mga bakal at alambre na nakuha niya sa pagkakalkal ng mga basura sa kaniyang mga nadadaanan papuntang eskwelahan kanina. “Sapat na ba ang mga ito?” Tanong ni Joey.

Nagulat ang lahat sa mga inilabas ni Joey mula sa kaniyang bag. Bagama’t marami silang nais itanong sa kanilang kaklase ay ipinagpaliban na muna nila ito dahil kailangan nilang unahin ang pagtapos ng kanilang proyekto.

Nakapagpasa ang grupo ni Joey sa oras. Sa katunayan ang proyektong ginawa nila ang may pinakamataas na marka sa buong klase sa ganda na kanilang pagkakagawa.

Advertisement

Nung nagliligpit na si Joey ng kaniyang mga gamit ay nilapitan siya ng kaniyang mga kagrupo para humingi ng tawad sa inasal nila sa kaniya at para tanungin na rin siya kung bakit amoy basura siya tuwing papasok sa eskwela.

“Wala na sa’kin iyon. Tsaka tama naman kayo, eh. Mabaho ako. Nagkakalkal kasi ako ng mga basurang nadadaanan ko papuntang eskwela para maibenta ko sa junk shop nang sa ganoon ay may pera akong pangbili ng baon kinabukasan. Marami kasi kaming magkakapatid at maliit lang ang kinikita ng mga magulang ko kaya imbes na makihati pa ko sa mga baon ng mga nakakabata kong kapatid ay kumakayod ako para sa sarili kong baon.” paliwanag ni Joey sa mga kaklase.

“Kaya pala. Pero pwede bang huwag ka na lang magkalkal ng basura bago pumasok sa eskwela para hindi mabaho ang amoy mo kasi nahihirapan din ang mga taong nakapaligid sa’yo pag naaamoy ka nila,” pakiusap ng kaklase ni Joey. “Kung alam ko lang ang sitwasyon mo ay hindi kita iinsultuhin. Patawad ulit sa mga masasakit na salitang nasabi ko sa’yo,” hinging paumanhin na isa pa niyang kaklase.

“Ganito na lang. Para hindi ka na magkalkal ng basura bago pumasok sa eskwela ay tutulungan ka na lang naming mag-ipon ng mga recyclable na materyales,” suwestiyon ng isa. “Oo, nga. Maghahagilap kami sa bahay namin ng mga pwede mong ibenta sa junk shop at ibibigay namin sa iyo para maibenta mo,” wika ng isa pang estudyante. “Simula ngayon ay hindi mo na kailangan magkalkal ng mga basura bago pumasok sa eskwela dahil kami na ang magsusuplay ng mga ibebenta mo sa junk shop,” dagdag ng isa.

Simula nung araw na iyon ay hindi na mabaho si Joey pag pumapasok sa eskwela dahil hindi na niya kinakailangang magkalkal ng basura bago pumasok. Tuwing Sabado at Linggo na lang siya nagkakalkal ng basura.

Ang mga nakalap na mga dyaryo, magasin, bote, bakal, lata at kung anu-ano pa ng kaniyang mga kaklase ang ibinebenta niya sa junk shop tuwing pagkatapos ng kaniyang klase. Hindi na rin siya nilalayuan ng kaniyang mga kaklase sa halip ay lalo pang dumami ang kaniyang mga kaibigan na hangang-hanga sa kaniya dahil sa kaniyang kasipagan at diskarte sa buhay.