Panay ang Pagpapakita ng Isang Multong Bata sa Babaeng Naninigarilyo sa Opisina, Ano Kayang Mensahe ang Nais Nitong Iparating?

Bente nuwebe anyos pa lamang ay naging manager na ng isang bangko si Rowena. Dahil sa kanyang pagsisikap, labis na dedikasyon sa trabaho, at halos gabi-gabing overtime ay mabilis siyang napansin ng mga nasa itaas, at agad ibinigay sa kanya ang mabigat na responsibilidad na iyon.

Kaakibat ng mabigat na responsibilidad sa trabaho ay ang napakalaking sweldo. Isang single mother si Rowena sa dalawa niyang anak, kaya naman malaking bagay ang perang nakukuha niya sa trabaho upang matustusan ang pangangailangan ng mga bata.

Dala ng stress at pagod, bumalik ang dating bisyo ni Rowena na paninigarilyo. Kada may pagkakataon, pumupuslit siya sa ikalawang palapag ng kanilang opisina kung nasaan ang smoking area at doon ay nakakaubos siya ng isa hanggang dalawang stick kada punta.

“Ma’am! Uuwi na po kami. Hindi pa po ba kayo sasabay?” tanong ng isa sa kanyang mga teller.

“Marami pa akong tatapusin. Sige, mauna na kayo, ingat!” sagot ni Rowena.

“Nako ma’am, kayo ang mag-ingat. Baka magpakita na naman sa inyo ang bata,” natatawang sagot ng isa sa mga janitor.

“Loko! Hindi ko rin siya mapapansin, busy ako! Sige na, umuwi na kayo sa mga pamilya niyo,” paalam ni Rowena.

Ginagawa na lang kasing biro ng buong opisina ang pagpaparamdam ng kaluluwa ng isang bata sa kanilang lugar. Noong una’y kinatatakutan, ngunit dahil wala namang dulot na panganib ay hinayaan na lamang nila itong magpagala-gala sa kanilang opisina.

Advertisement

Ngunit napapansin ni Rowena na dumadalas ang pagpaparamdam ng bata sa tuwing siya ay naninigarilyo sa ikalawang palapag. Pero dahil kailangan niyang matapos ang lahat ng nakabinbing trabaho ay tinapangan niya na lamang at sinubukang hindi pansinin at pagpaparamdam at pagpapakita.

Nag-iba ang lahat isang gabi nang makauwi na ang lahat. Umakyat muli si Rowena upang manigarilyo. Halos isang kaha na ang nauubos niya sa gabing iyon dala ng pressure na matapos ang napakaraming tambak na trabaho. May darating din daw kasing mga bigating kliyente na papunta bukas upang magbukas ng account sa kanila. Kaya naman labis-labis niya itong pinaghahandaan.

Habang hinihithit ang kaniyang sigarilyo, naramdaman na naman ni Rowena ang malamig na hangin na nakapalibot sa kanya. Alam agad niyang ang batang multo ito, kaya naman hindi niya na lang ito pinansin. Naubos na ang isang stick, at kukuha pa sana siya ng isa pa mula sa kanyang kaha nang halos matumba siya sa kanyang kinatatayuan.

Ang dating malamig na hangin at pasulyap-sulyap na pagpapakita ng bata, ngayon ay buong-buo na itong nagpakita sa kanya. Malamlam ang mga mata nito, puting-puti ang balat, at diretsong nakatayo habang nakatitig sa kanya. Halos himatayin na si Rowena lalo na nang magsalita ang bata.

“Tama na po ‘yan, hindi po ‘yan nakakabuti sa inyo,” wika ng kaluluwa.

Napakusot ng mata si Rowena. Akala niya’y dala na lamang ito ng matinding antok at pagod. Ngunit kahit anong kurot ang gawin niya sa kanyang balat ay nasa harapan pa rin niya ang bata.

“Ha? Ano bang kailangan mo? Nagtatrabaho lamang ako,” sagot ng nanghihinang babae.

Itinuro ng bata ang isang lumang aparador na ngayon lang din napansin ni Rowena. Binuksan niya ito, at nakita ang litrato ng isang ina kasama ang batang nakikita niya ngayon.

Advertisement

“I- ikaw ba ito?” tanong ni Rowena.

“Opo, ako nga. Sumakabilang buhay ang nanay ko dahil sa labis na paninigarilyo. Walang kumupkop sa akin matapos noon, kaya naman maaga rin akong binawian ng buhay,” paliwanag nito.

“Ga- ganoon ba?”

“Kaya parang awa mo na, huwag mong ilulong ang iyong sarili sa paninigarilyo. Maawa ka sa mga anak mo na maiiwan mo,” wika nito, at saka biglang nawala na parang bula sa hangin.

Naiwang nakatulala si Rowena habang nakatitig sa kawalan. Hindi siya makapaniwala na nakausap niya ang batang multo. Nang bumalik ang kaniyang wisyo, agad siyang bumaba at kinuha ang mga gamit upang umuwi na.

Pagkapasok ng bahay ay agad niyang pinuntahan sa silid ang dalawang anak niyang mahimbing na natutulog. Napagtanto niyang wala na siyang oras sa dalawa at halos hindi na sila nagkikita araw-araw. Niyakap niya ang dalawa ng mahigpit, habang nangangako sa sarili na kailanma’y hindi na siya maninigarilyo.

“Mama? I love you po,” wika ng kanyang panganay nang maalimpungatan ito.

“I love you too, mga anak,” sagot ni Rowena habang lumuluha.

Advertisement

Laking pasasalamat niya sa batang nagpakita sa kanya dahil magmula noon ay itinigil na niya ang paninigarilyo. Pinadasalan niya rin ang ikalawang palapag ng kanilang opisina, kasama ang larawan ng mag-ina, upang makasigurong matatahimik na ang kaluluwa ng kawawang bata. Siniguro rin niya na wala nang maninigarilyo doon.

Magmula noon ay hindi na nagparamdam ang bata. Naglaan na rin ng sapat na oras si Rowena para sa kanyang mga anak, at tuluyan na nga niyang inihinto ang bisyo upang makasigurong matagal pa niyang magagabayan ang dalawang pinakamamahal na anak.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!