Napakaliit ng Tingin ng Ama sa Napangasawa ng Anak Niyang Babae, Hanggang Isang Trahedya ang Naganap Upang Makilala Niya ang Tunay Nitong Pagkatao

Apat na taon nang kasal si Lino at Cheska pero hindi pa rin tanggap ng ama ng babae ang huli. Tingin kasi ng matandang lalaki ay nasayang lang ang buhay ng anak niya nang pakasalan nito ang manugang niya, kahit pa nasa tamang edad na naman ang dalawa.

Hindi bilib si Ben sa kanyang manugang, lagi niya itong kinokontra kahit kung tutuusin ay ito na dapat ang tumayong haligi ng tahanan sa sarili nitong pamilya, mayroon na kasing isang apo si Ben sa mga ito.

“O eh bakit pa kasi ayaw mong pumasok sa opisinang pinapasukan ko Lino? Matagal na akong manager doon, mabilis kitang matatanggap sa trabaho kung interview lang ang inaalala mo,” sabi niya isang gabing kumakain sila ng hapunan. Dinalaw sila ng pamilya ng kanyang anak.

“Okay pa naman po yung pinapasukan ko daddy, pero thanks po sa offer.” magalang at nakangiting sabi ni Lino.

“Dad, outstanding employee nga si Lino this month eh. May bonus siya, mukhang mapapabilis ang bili namin ng kotse,” proud na sabi naman ni Cheska.

“Buti naman pala. Pero aanhin mo naman ang outstanding employee eh pwede naman kitang ipasok nga na may position na? Nagti-tiyaga ka sa pagiging staff? At iyang kotseng bibilhin ninyo, pwede ko naman kayong pautangin,” sabi pa ni Ben.

Si Cheska muli ang sumagot noon, “Dad, syempre gusto rin naman namin ni Lino na magsimula na hindi umaasa sa inyo. At itong asawa ko, hardworking. Ayaw niya nang may nape-perwisyo, kung may gusto siya ay paghihirapan niya iyon,”

Hinawakan naman ni Lino ang kamay ng misis bilang pasasalamat dito.

Advertisement

Ganoon lagi ang scenario kapag dumadalaw sila sa bahay nina Ben, kung hindi magyayabang ang matandang lalaki ay kukwestyunin naman nito at mamaliitin ang mga desisyon ni Lino sa buhay. Tahimik lang naman ang huli at umaasang dumating ang panahon na matanggap rin siya ng biyenan. Alam niya namang nag-aalala lang ito sa anak.

Isang hapon, araw ng Linggo. Walang pasok si Ben sa opisina at tanging ang kanyang misis lamang at isang kasambahay ang kasama niya. Nanonood siya ng TV sa salas nang bigla na lamang siyang nakaramdam ng paninikip ng dibdib.

“D-delia..” tawag niya sa asawa, pero walang sumasagot. Sinubukan niyang tumayo ngunit bumagsak lamang siya sa sahig, dahilan na rin upang masagi niya ang lampshade kaya nabasag ito.

Ang huling natatandaan niya na lamang ay humahangos na lumapit ang kanyang misis at nang matanaw siya nito ay dali-daling tinawag ang kasambahay, tapos noon ay nawalan na siya ng malay.

Nagising si Ben sa liwanag ng kisame sa ospital, nasa kanyang tabi ang buong pamilya. Hindi niya maigalaw ang kanyang katawan, na-stroke siya at kakailanganin ng therapy upang kahit papaano ay makapagsalita siya.

Hindi biro ang halaga ng therapy, nasaid ang ipon niya sa bangko. Kinailangan na ring umalis ng kanilang kasambahay dahil wala na silang ipapasahod pa rito. Bagamat nahihiya ang misis niya ay hindi na ito nakatutol nang sabihin ni Cheska na lilipat ang mga ito sa bahay nila pansamantala para may kasama silang dalawang matanda.

Habang nakaratay sa higaan ay naririnig ni Ben ang pag-uusap ng mga ito.

“Mommy, wag na kayong mag-alala. May kaunti kaming naipon ni Cheska para sa pambili ng sasakyan, iyon na muna ang itutustos natin dito sa bahay. Di po namin kayo pababayaan,” sabi ni Lino. Tinapik pa nito ang balikat ng biyenang babae.

Advertisement

Lumipas ang mga buwan at nakaya naman nila ang pagsubok, sa tulong ni Lino na siyang tumatayo ngayong breadwinner ng pamilya. Kahit pa hirap na hirap ito at kung tutuusin ay di naman sila obligasyon ay wala ni katiting na reklamong maririnig dito.

Isang gabi, pumasok si Lino sa kwarto ni Ben upang kunin ang tasa ng lugaw na pinagkainan nito kanina, naiwan daw kasi doon ng Mommy Delia nila. Nagulat na lang siya nang magsalita ang matanda, hirap pa ito pero dahil sa therapy ay nag iimprove na.

“L-Lino..”sabi nito kaya agad siyang lumapit. Tatawagin niya sana sina Cheska pero hinawakan nito ang kamay niya.

“Daddy bakit po?” nag aalalang tanong niya, baka may kailangan ito, o may masakit dito.

Kahit hirap ay ngumiti ang matanda.

“S-salamat….anak.”

Napangiti si Lino, alam niya, sa pagkakataong iyon ay napatunayan niya na ang sarili sa biyenan at tanggap na siya nito.

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.