Sabon, Paputiin Mo Ako!

Masayang-masaya si Lauren nang ipost niya sa facebook account ang binebenta niyang sabong pampaputi at pampakinis ng balat. Kasama sa mga ipinost niya ang litrato ng mga kustomer na kuminis ang mga mukha, nawala ang mga tigyawat at pumuti.

Ilang linggo pa lang ang lumipas ay kay bilis agad na sumikat ng kanyang ibinebentang pampaganda. Marami nang bumibili at umoorder a kanya kaya wala pang isang buwan ay malaki agad ang kinita niya.

Hindi niya matatamasa ang tagumpay ng kanyang produkto kundi dahil kay Manang Igna. Isang gabi ay may kumatok sa kanyang pintuan. Nang buksan niya ang pinto ay nagulat siya dahil nakita niya ang kanyang matandang kapitbahay na si Manang Igna. Ang alam niya ay matandang dalaga ito at mag-isa na lamang sa buhay.

“M-Manang Igna? May kailangan po ba kayo?” tanong niya rito.

“A, e, Lauren, pasensya ka na hija pero meron sana akong iaalok sa iyong sabon. Heto, o,” anito.

Doon lamang napansin ng dalaga ang dala-dalang plastik ng matanda.

“Ano po iyan?” tanong niya.

“S-Sabon ito, hija. Pampaputi at pampakinis ng balat. Padala sa akin ng pinsan ko galing sa Saudi. Baka gusto mong bumili?”

Advertisement

Wala siyang nagawa kundi kunin ang plastik nang iabot ito sa kanya.

“P-po? E, anong sabon po ba ito?” Binuksan ni Lauren ang kulay itim na plastik at nakita ang isang kahon ng sabon.

“Saan po galing itong sabon na ito?” tanong ng dalaga habang sinisipat ang kahon. Maganda ang packaging nito, mukhang gawa ng isang malaking kumpanya. Sa harapan ng kahon ay makikita ang isang magandang babae na may makinis at maputing mukha. Ngunit kakaiba ang amoy ng sabon dahil amoy gamot ito.

“S-sa Saudi, hija. Doon kasi nagtatrabaho ang pinsan ko. Pinadalhan niya ako para ibenta. Baka gusto mong bumili. Mura lang ‘yan. P100 na lang para sa iyo.”

Hindi alam ni Lauren kung ano ang gagawin. Basta’t ang alam niya ay gusto na niyang umalis ang matanda dahil gusto na rin niyang matulog.

“Okay, sige po. Bibilhin ko na po,” sagot ni Lauren. Tumalikod siya saglit upang kunin ang kanyang wallet.

Iniabot niya kay Manang Igna ang kanyang bayad at nagpasalamat itong umalis.

Kinaumagahan , pagkagising ng dalaga ay dumiretso agad siya sa banyo upang maghilamos. Nagulat siya nang mahaplos ang kanyang mukha. Agad-agad niyang tiningnan ang sarili sa salamin.

Advertisement

“P-paanong nangyari ito?!” bulalas niya.

Hindi siya makapaniwala. Halos wala na ang pamumula ng kanyang mukha. Ang kanyang mga tigyawat ay nag-impisan nang lahat. Parang kumikinang din ang kanyang kutis, parang kutis ng sanggol.

“Dahil ba ito sa sabon na binili ko kay Manang Igna?” nagtataka niyang sabi.

Sa ikalimang araw ay malinaw na ang mukha ng dalaga, wala ni isa mang tigyawat. Kahit ang ilang pangingitim sa ilalim ng kanyang mga mata ay nawala na rin. Napansin din niya na pumuputi ang kanyang kutis, lalo na sa kanyang leeg. Lahat ng mga kaibigan at kakilala niya ay tinatanong ang kanyang sikreto.

Isang gabi pag-uwi galing sa trabaho, dumiretso siya sa inuupahang bahay ni Manang Igna. Nakailang katok siya bago bumukas ang pinto.

“M-Manang Igna, pwede po ba kayong maistorbo?” nakangiting tanong ni Lauren.

Pinatuloy naman siya ng matanda at pinaupo siya sa sofa.

“Aba, hija mukhang kuminis na ang mukha mo, a?” gulat na sabi ng matanda.

Advertisement

“A e opo,” sagot ng dalaga na bahagyang nagulat.

“Iyon nga rin po ang ipinunta ko dito. Iyong sabon na ibinenta niyo sa akin, napaka-epektib po!”

“Mabuti naman,” sagot ni Manang Igna.

“M-Meron pa po ba kayo nung mga sabon?” tanong niya sa matanda.

“A, e meron pa akong isang kahon diyan,” wika ni Manang Igna. “Hindi ko nga alam kung paano ko ibebenta ang mga iyon.”

Napangiti si Lauren. “Naku, madali pong ibenta iyan sa Facebook!”

“Facebook?” nakakunot ang noong sabi ng matanda. “Ano ‘yun? Pasensya ka na ha, wala kasi akong alam sa mga ganoon, e!” anito.

“Ganoon po ba? Malaki po ang kikitain niyo kapag ipinost natin iyan sa online. Kung ayos lang po sa inyo, ako na po ang magbebenta. Sigurado, maraming bibili ng mga sabon na iyan. Tapos, hati po tayo sa benta, fifty-fifty!”

Advertisement

“H-Ha? Sa tingin mo ba mabebenta natin lahat iyun?” tanong ng matanda.

“Tiyak ko pong mabilis na mauubos ang mga sabon niyo!”

Ibinenta nga ni Lauren ang sabon sa facebook. Wala pang tatlong araw ay dumagsa na agad ang mga kustomer at orders ng mga ito. Marami ring nagpost ng sari-saring positibong reaksyon sa facebook nang gamitin ang sabon. Sa laki ng kinikita ni Lauren sa pagbebenta ay nagawa na niyang huminto sa pagtatrabaho sa call center na pinapasukan niya pero siyempre, hindi niya nakakalimutang ibigay ang parte ni Manang Igna.

“Manang, heto na po ang parte niyo. Limampung libong piso po iyan!”

“Naku, salamat, hija.” masayang sabi ng matanda.

“S-sige po, Manang mauna na po ako!” paalam niya rito.

Nang makalabas sa bahay ng matanda ay parang may napansin ang dalaga. Hindi siya sigurado ngunit sa pakiwari niya ay parang mas tuwid na ang tindig nito. Noong unang kita niya kay Manang Igna ay halos pwede na itong ituring na kuba.

“Nakakapagtaka talaga, p-pero baka nagkakamali lang ako,” aniya sa sarili.

Advertisement

Patuloy pa rin ang pagpasok ng mga orders. Marami na rin ang nagsasabi sa kanya na gusto nilang maging reseller ng sabon na ibinebenta niya online. Ngunit hindi sapat ang naipapadalang mga produkto sa taas ng demand. Kaya’t muling sinadya ni Lauren si Manang Igna.

“Manang, Manang Igna?” tawag niya sabay katok sa pinto. Bigla namang bumukas nang bahagya ang pinto.

“Huh? Mukhang naiwang bukas ni Manang ang pinto niya,” wika niya sa isip at agad na pumasok sa loob.

Walang sumagot sa kanya. Bigla siyang kinabahan. Naisip niya na baka may nangyari sa matanda kaya hindi ito sumasagot. Agad siyang tumakbo patungo sa kuwarto ng matanda. Halos magiba ang pinto nang buksan niya ito.

“Manang Ig-“

Hindi naituloy ng dalaga ang kanyang sasabihin. Napatakip na lamang ang isang kamay niya sa kanyang bibig upang hindi mapasigaw.

Madilim sa loob ng kuwarto. Ang tanging pinanggagalingan ng munting liwanag ay ang ilang mga kandilang nakaturok sa ibabaw ng isang mesa sa isang sulok. Sa ibabaw ay mayroong mga dibuhong pabilog at mga hugis tala, parang iginuhit gamit ang dugo. Sa gitna ay may malaking larawan ng isang nakakatakot na nilalang na hindi niya mawari kung ano ang hitsura at mayroon itong sungay sa ulo. Sa tapat ng mesa ay nakalatag ang mga ibinebenta nilang sabon. Sa harapan nito ay nakaluhod naman si Manang Igna, umuusal ng mga salitang hindi niya maintindihan.

Nagulat si Lauren nang biglang tumigil ang paggalaw ng labi ng matanda. Naramdaman nito na may ibang tao sa loob ng kuwarto. Dahan-dahan itong tumayo at humarap sa kanya. Hindi makapaniwala ang dalaga sa nakita. Halos bumata ng sampung taon ang hitsura ng matanda. Ang dating puting buhok nito ay biglang naging itim. Tuwid na tuwid ang tindig ni Manang Igna, ang katawan ay puno ng lakas. Halos kaunti na lamang ang kulubot nito sa mukha.

Advertisement

“Anong ginagawa mo dito, hija?” Pati boses ng matanda ay nagbago.

“M-Manang? Ano po ang mga ito?” gulat niyang tanong.

“Ito ba? Ito ang sikreto ng mga produktong binebenta mo,”sagot ng matanda.

“Hindi ko po maintindihan,” sabi ng dalaga sa nanginginig na boses.

Biglang tumawa nang malakas ang matanda. “Lahat kayo ay pare-pareho. Gusto ninyong manatiling makinis at maganda. Kahit daang taon na ang lumipas, ganoon pa rin kayong mga tao, walang pagbabago.”

Nang biglang hinawakan ni Manang Igna ang dalaga sa braso. Mahigpit ang kapit ng matanda, tumutusok sa kanyang balat.

“M-Manang huwag po, nasasaktan po ako!” sigaw niya.

Muling tumawa nang malakas ang matanda. “Siguro naman ay hindi mo ako masisisi kung gusto ko ring manatiling makinis at maganda. Gumanda naman kayo sa paggamit ng mga sabon na dinasalan at inialay ko sa aking panginoon, ‘di ba? Kuminis naman kayo at gumanda kaya dapat ako rin. Wala kayong kaalam-alam na habang ginagamit niyo ang mga sabon ko ay gumaganda at bumabata rin ako.” bunyag ni Manang Igna.

Advertisement

“Bitawan niyo ako!” patuloy na nagwala si Lauren at nagpumiglas. Mayamaya wakas ay nabitawan din siya ng matanda. Kumaripas siya ng takbo palabas ng bahay. Nang lingunin niya ito ay habol-habol din siya nito hanggang sa narinig niya ang preno ng isang sasakyan, ang pagkiskis ng gulong nito sa semento, at isang malakas na kalabog. Doon lamang siya napatigil sa pagtakbo at saka muling lumingon.

“Diyos ko, Manang Igna!” tangi niyang nasabi nang makita ang nakahandusay na katawan ni Manang Igna. Nasagasaan ito ng rumaragasang kotseng dumaan. Nang lapitan niya ang wala ng buhay nitong katawan ay bumalik na muli ang katawan nito sa dati na puno ng kulubot ang balat.

Matapos ang mga nangyari ay bigla na lamang nagsunud-sunod ang nagsilabasang mga reklamo laban sa binebenta niyang sabon. Marami ang nag-post na nasunog, namula, nangati, at nagkasugat-sugat ang balat ng mga kustomer. Wala siyang nagawa kundi ang itigil ang pagbebenta ng sabon.

Kahit wala na si Manang Igna ay malaking palaisipan pa rin kay Lauren ang mga naranasan niyang kababalaghan. Napagtanto niya na huwag basta-basta magtitiwala dahil maaaring iyon pa ang maging dahilan ng kapahamakan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!