Sinaktan ng Tatay ang Kanyang Anak Dahil Ginasgasan Nito ang Kotseng Pinakamamahal Niya, Nadurog ang Kanyang Puso nang Mabasa ang Gasgas na Gawa ng Anak

Mayroong limang taong gulang na anak si Carlo, na ang pangalan ay Kyle. Matalino ang bata, lamang ay makulit pa rin talaga. Sa darating na pasukan ay papasok na bilang kinder si Kyle sa malapit na Prep school, nakahanda na ang lahat ng gamit nito pang eskwela. Mahilig magsulat at magdrawing ang bata.

Isang araw ay abalang maglinis ng kotse si Carlo sa kanilang garahe. Alas otso na noon ng umaga at saktong nagising naman si Kyle para hanapin ang ama. Nais niyang kasabay palagi ang papa niya sa pag aalmusal. Hindi nagtagal ay nakita ng bata ang ama sa garahe.

“Papa, gutom na po ‘ko.” medyo bulol pa nitong sabi.

“Sandali na lang ‘to nak. Babanlawan ko nalang si Riri.” sagot naman ni Carlo, na ang tinutukoy ay ang kotse. Mahal na mahal ni Carlo ang sasakyang ito, pinaghirapan niya kasi at katatapos lang hulugan. Para sa kanya, ito ang unang unang simbolo ng dugo’t pawis niya.

“Upo ka muna dyan baby. Saglit na lang, 5 minutes.” Sabi pa ulit ng lalaki sa anak.

Sumunod naman ang bata at habang nasa kabilang panig si Carlo ay narinig na lang niya ang nakakangilong tunog na parang kinakaskas na lata. Nang silipin niya ang anak ay nanlaki ang mga mata niya.

May hawak na bato si Kyle at kinakaskas ang gilid ng kotse!

Advertisement

Galit na galit si Carlo at pinaghahampas ang kamay ng bata gamit ang unang bagay na nahawakan niya. Hindi niya napansin na lyabe pala ang pinanghahampas niya sa kamay ng bata.

Nang mahimasmasan ay itinakbo niya ito sa ospital, durog ang buto sa kamay ng anak pero hindi ito kababakasan ng galit sa ginawa ng ama.

“Papa, kelan po tutubo ulit ang kamay ko?” inosenteng tanong nito sa maluha luhang ama.

Lumabas ng kwartong iyon si Carlo dahil hindi kaya ng puso niya na nasaktan niya ang anak dahil lang sa isang kotse.

Umuwi siya ng bahay at ang misis niya naman ang pumalit na magbantay kay Kyle. Nagawi siya sa garahe at nakita ang upuan ng bata. Minasdan niya ang parte ng kotse na nagasgasan ng bato, at nadurog ang puso niya sa nakasulat dito.

‘I love you Papa.’

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.