Tuwang-tuwa ang Isang Inang OFW Dahil Naalala Siyang Tawagan ng Kanyang Anak, Hindi Niya Inakalang Pera Lang Pala ang Kailangan Nito

Agad na sinagot ni Myrna ang tawag mula sa kanyang anak sa Pilipinas. Hindi siya makapaniwalang sa loob ng ilang buwang hindi nito pag-contact sa kanya. Nagtampo kasi ito sa kanya noong minsang hindi niya mabigay ang gusto nitong bagong sapatos na pambasketball. Inasahan daw kasi nito ang regalong iyon para sa kaarawan ngunit hindi natupad dahil bigla siyang nagkasakit at kinailangang gastusin ang pera pampadoktor niya.

“Hello, anak?” masaya niyang bungad sa telepono.

“Hello, Ma kamusta ka na d’yan?” masaya rin ang tono nito sa kabilang linya.

Lalo siyang natuwa sa masayang tinig ng kanyang anak, “Ito okay naman. Medyo masungit ang amo ko. Sa katunayan ay napagalitan niya ako kanina. Pero okay lang masaya na ulit ako dahil tumawag na ang bunso ko.”

Narinig niyang tumikhim sa kabilang linya ang kausap. Maya-maya pa’y muli itong nagsalita, “Ma, baka pwedeng padalhan niyo po ako ng mas malaking allowance. Kailangan ko lang po ng pambili ng bagong cellphone.”

Biglang nalungkot si Myrna sa narinig. Tila naglaho lahat ng kanyang kaligayahan at napalitan ng malaking pagkadismaya. Ngunit pinilit niya pa ring ngumiti at nagpanggap na masaya, “Kailan mo ba kailangan anak? Medyo kapos pa kasi si Mama ngayon dahil kakapadala ko lang sa papa mo eh.”

Narinig niya ang malakas na pagbuntong-hininga nito sa kabilang linya. Doon lalong nanikip ang dibdib niya. Ang buong-akala niya’y nag-aalala at namimiss siya ng kanyang pinakamamahal na anak sa Pilipinas, ngunit ito lang pala ang tanging rason nito sa pag-alala sa kanya.

Sa loob kasi ng ilang buwan niyang pangungulit sa pagtawag dito ay wala siya ‘ni isang natanggap na sagot mula dito. Kaya naman ngayong kausap niya na ito ay halo ang kanyang nadarama–saya at hinagpis.

Advertisement

“Ma, ano? Kailan mo ako mapapadalhan? Kailangang-kailangan ko na ng bagong cellphone eh. Gawan mo naman po ng paraan.”

Hindi na napigilan ni Myrna ang pagluha sa labis na sama ng loob. Sa kabila ng pagpipigil umiyak at pinilit pa rin niyang magsalita, “Okay, anak. Mangungutang ako dito para mapadalhan kita ng pambili mo ng bagong cellphone.”

“Yun!” masayang sagot ng anak sa kabilang-linya, “Thanks, Ma! Tawagan mo nalang ako kapag nakapagpadala ka na ha? Bye.”

Hindi na napigilan ni Myrna na maiyak sa sitwasyon niya. Hindi niya akalaing ganito pala ang sasapitin niya sa pagsasakripisyo niya para sa kanyang naiwang pamilya sa Pilipinas.

Simula noon ay inisip niya na ang sarili. Bawat sahod niya ay nagtatago siya ng sariling ipon upang pag-uwi niya ng Pilipinas ay hindi siya mag-mukhang kaawa-awa. Napagtanto niyang kapag isa kang OFW, kailangan mo ring mahalin at isipin kahit papaano ang iyong sarili.

Nagpadala pa rin siya sa anak, pero hindi niya kinalimutang magtabi para sa sarili. Kinalaunan naman ay nagising sa katotohanan ang binata at nagsisi sa naging pagtrato sa ina.

Sa pagkakataong ito, dahil sapat na ang kanyang naipon ay napagdesisyunan na niyang tumigil sa pangangatulong sa ibang bansa at manatili na lamang sa Pilipinas habang kapiling ang kanyang pamilya.

Tama si Myrna, lumabas ang tunay na ugali ng kanyang mga kaanak nang tumigil na siyang mag-abroad pero di na niya ininda iyon. Dahil ngayon ay kakampi niya ang anak na siya nang nagtatrabaho para sa kanilang mag-ina.

Advertisement

Ano ang masasabi mo sa kwentong ito? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.