Inilihim ng Binata ang Kaniyang Trabaho Para Mapag-aral ang Ama, sa Huli’y Mabubunyag Ito at Hindi Niya Inaasahan ang Sumunod na Pangyayari

Ayaw man tanggapin ni Pablo noon ang naging resulta ng kanilang maagang kapusukan sa pag-ibig ngunit naging magulang na sila kaagad sa edad na 14 anyos ng kaniyang nobyang si Delia.

Hindi lamang bugbog ang inabot niya sa kaniyang mga magulang kundi araw-araw na panghuhusga ng mga tao.

“Ang aga aga niyong nagsipaglandi! Ano Pablo ha? Paano mong bubuhayin ngayon ‘yang anak ko? Iyang magiging anak niyo?! Deputris na buhay ito ohh! Hindi maka ahon-ahon sa hirap!” sigaw ni Aling Melly ang nanay ni Delia.

“Hayaan niyo ho, hihinto na ako sa pag-aaral. Magtratrabaho ho ako wag niyo lang ipalaglag ang bata. Kapag naman ho kaya na namin ay bubukod din ho kami sa inyo, pasensya na ho talaga Aling Melly,” wika ni Pablo sa ale.

“Bubukod? D’yos me! Kami nga ng tatay ni Delia e dito na nabulok! Tapos iyan din kayo! Gagaya kayo sa yapak namin! Imbes na makatulong pa ang anka namin e magiging pabigat pa kayo!” saad ng ale.

Hindi masisi ni Pablo ang kanilang mga magulang, parehas silang panganay at hindi rin nagkulang ang mga ito sa pagpapaalala tungkol sa hirap ng buhay kaya ang inaasahan nilang mga panganay na anak noon ay mga magulang na rin ngayon.

Sa murang edad at paglipas ng maraming taon ay pinasok ni Pablo ang ibat-ibang trabaho para mabuhay ang kaniyang mag-ina at dahil parehas na high school ang tinapos ng mga ito ay pawang walang permanenteng mga trabaho at umaasa sa mga sideline katulad ng pagiging kargador o tindero sa palengke, taga-igib ng tubig sa mga kapitbahay at kung ano-ano pa.

“Pa, di ba gusto mong mag-aral? Bakit hindi mo i-tuloy ngayong magkokolehiyo na ako e kaya ko nang pag-aralin ang sarili ko?” tanong sa kanya ng anak na si Lindon.

Advertisement

“Hindi kasya ang pera natin anak para makapag-aral ako ulit. Mas importanteng makapagtapos kayo,” sagot ni Mang Pablo sa anak.

Bukod kay Lindon na panganay niya ay nasundan pa ito ng dalawa at lahat ay binibuhay ng lalaki ngayon sa pagiging tindero ng baboy sa palengke, maliit lang ang sahod at kasya lang na maitawid ang pang araw-araw ng kaniyang pamilya. Si Delia naman ay naglalabada at naglalako ng mga meryenda sa kanilang lugar.

“Hayaan mo ‘tay, pag-iipunan ko po ang pag-aaral mo!” nakangiting sagot ni Lindon sa ama.

Lumipas ang apat na taon at nakapagtapos na ng business management ang anak niyang si Lindon at proud na proud na sinabitan ni Pablo ang anak ng medalya dahil sa mga scholarship award nito.

Lumuwas kaagad ng Maynila ang kaniyang panganay para doon magtrabaho. Malaki ang nabibigay ni Lindon para sa kanilang pangangailangan at pinipilit siya ng anak na ituloy ang pag-aaral.

“Anak, sigurado ka ba sa papasukin natin? Sigurado ka bang pag-aaralin mo ang tatay mo?” tanong ni Pablo sa telepono.

“Oo naman ‘tay! Kaya nga ako nagtratrabahong maigi para naman makabawi ako sa inyo dahil alam ko ho ang naging sakripisyo niyo sa amin ni inay para lang mabuhay. Kaya hindi pa huli ang lahat ‘tay!” baling naman ni Lindon sa ama.

“Sige anak, mag-aaral akong mabuti para sa’yo at sa mga kapatid mo! Hayaan mo anak kapag nakapagtapos na ang tatay ay maipagmamalaki niyo na ako!” wika ni Pablo sa anak.

Advertisement

“Itay, kahit ho hindi kayo nakapagtapos ay ipinagmamalaki ko ho kayo! O siya, babalik na ho ako sa trabaho! Ikamusta niyo na lang ako sa mga kapatid ko at kay nanay,” sagot muli ni Lindon sa ama at ibinaba ang telepono.

“Hanggang kailan mo ililihim yan sa kanila? Na ganito ang klase ng trabaho mo para lang matustusan ang pangangailangan at pag-aaral ng tatay mo?” tanong ni Brandon, kaibigan ng binata.

“Hanggat kaya kong itago. Ngayon lang naman ito, pagtatapusin ko lang muna ang tatay saka ako hihinto, kaya ko pa namang itago,” saad ni Lindon sa kaibigan.

“Ikaw ang bahala! Basta andito lang kami kapag itinakwil ka nila,” baling muli ng lalaki.

Lumipas ang apat na taon at napagtapos ni Lindon ang kaniyang ama sa kolehiyo.

“Anak! Tapos na ang tatay mo! Salamat sa iyo! Pwede na tayong sabay na magtrabaho sa Maynila, Lindon!” saad ni Mang Pablo sa anak na may malaking ngiti sa kaniyang mga labi habang suot ang toga nito.

“Naku ‘tay, ayaw mo bang dito na lang magtrabaho malapit sa atin para naman ho hindi kayo mapalayo kay nanay at sa mga kapatid ko?,” baling naman ni Lindon sa ama.

“Saka na natin pag-usapan yun anak, ngayon ay umuwi muna tayo para magdiwang!” masayang sigaw ni Mang Pablo sa anak.

Advertisement

Ngayon ay 56 anyos na si Mang Pablo ngunit hindi iyon naging hadlang para matupad niya ang kaniyang pangarap, ngayonay alam niyang hindi siya nagkamali sa pagiging ama sa kaniyang anak lalo na sa kaniyang panganay na si Lindon at pinagmamalaki niya na ang anak ang nagpa-aral sa kaniya at tumulong para maabot ang kaniyang pangarap.

Isang araw, naisipang sorpresahin ni Mang Pablo ang anak kaya naman pinuntahan niya ito ng lihim sa Maynila. Masayang-masaya ang lalaki at may dala pa itong lambanog na ipapasalubong niya kay Lindon.

Pumasok ito sa isang maliit na bar, patay sindi ang ilaw at maraming taong nag-iinom, sabi kasi ng kaibigan ni Lindon ay naroon daw ang anak niya.

“Naku! Mukhang mas malakas pa yatang uminom sa akin itong si Lindon at ganito pala ang tambayan nito dito sa Maynila!” tumatawang pahayag ni Mang Pablo sa sarili.

Hanggang sa nakita niyang may umakyat sa stage na isang napakagandang babae,napakakinis nito at pamilyar sa kaniya ang mukha, nang nagtama ang kanilang mga mata ay nabitiwan ni Mang Pablo ang lambanog na hawak sabay labas.

“Itay, patawarin niyo ho ako kung sa ganitong paraan niyo pa nalaman ang sikreto ko. Ayos lang naman itay kung itatakwil niyo ako! Linda ho ang pangalan ko rito,” saad ni Lindon sa ama sabay luhod at hingi ng tawad sa ama.

“Anak, hindi kita itatakwil at hindi mo kailangang humingi ng tawad! Matagal ko nang nararamdaman na iba ka pero dahil hindi ko naman nakikita ay hindi ko pinaniniwalaan ang aking iniisip,” sambit ni Mang Pablo.

“Ho? Matagal niyo nang alam? E bakit ho kayo lumabas kanina nung nakita niyo ako?” tanong ni Lindon

Advertisement

“Hindi ko naman kasi akalain anak na ganyan ka kaganda!” at nagboses bakla ito para matawa ang anak.

“Kaya ba hindi mo gustong sumama ako sayo rito sa Maynila dahil natatakot kang baka hindi ko matanggap?” at bumalik ang seryosong boses ni Mang Pablo.

“Natatakot ako itay na baka isipin niyong mali ang pagpapalaki niyo sa akin dahil bading ang panganay niyo. Patawarin mo ako itay, pero isa naman ho akong marangal na bading at hindi naman ho ako kaladkarin. Halos ito na rin ho kasi ang bumuhay sa akin lalo na nung nag-aaral pa ho kayo, ilang pagent at comedy bar rin po ang pinasok ko para hindi kumapos ang pera at ayoko pong malaman niyo iyon dahil ayokong maging sagabal sa inyong pag-aaral dahil gusto ko hong makita kayong tinutupad niyo ang pangarap niyo na naudlot dahil sa maagang pagdating ko,” wika ni Lindon.

“Anak! Ipinagmamalaki kita! Ikaw ang tunay kong pangarap!” saad ni Mang Pablo sa anak at niyakap ito.

Simula noon ay hindi na itinago pa ni Lindon ang kaniyang katauhan at malayang ipinakita sa mundo ang tunay niyang kasiyahan ngunit wala nang higit pang nakapagpasaya sa kaniya nang buong puso siyang tinanggap ng kaniyang pamilya.