Para Kay Papa

Nagising si Lemuel dahil sa isang malakas na kalabog sa pintuan. Agad siyang napabalikwas ng bangon. Sigurado siyang ang kaniyang papa na iyon!

Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto at nagtungo sa pinto upang pagbuksan ang amang kanina pa pala katok ng katok. Sumisigaw na ito sa labas. Mukhang galit na naman.

“Bakit ang tagal mong buksan ang pinto?!” galit na bungad ng ama, matapos niya itong mapagbuksan. Agad niyang nalanghap ang matapang na amoy ng alak sa hininga nito.

“Sorry po, ’pa. Nakatulog po kasi ak—”

Ngunit hindi na natapos pa ni Lemuel ang sasabihin, nang bigla na lang siyang birahin nito sa sikmura.

Napaigik siya sa sakit at namilipit. Hawak-hawak ang parte ng sikmurang napuruhan ng kamao ng kaniyang ama.

“Ang dami mo pang dahilan! Wala ka talagang kuwenta! Tumayo ka riya’t ipaghanda mo ako ng pagkain!” pahiyaw na utos pa nito sa kaniya.

Hindi pa man lubos na humuhupa ang nadaramang sakit ay agad na tumalima si Lemuel sa utos nito dahil sa takot. Nadagdagan na naman ang sakit ng kaniyang katawan. Hindi pa nga gumagaling ang pasa sa nangingitim niya pang mata at ang sugat sa labi ay heto na naman.

Advertisement

“Lagi na lang!” reklamo ng kaniyang puso’t isipan.

Malaki ang galit ng sarili niyang ama kay Lemuel sa isang kadahilanan… isa siyang binabae. Hindi siya matanggap ng kaniyang ama dahil siya sana ang nag-iisang lalaki sa kanilang pamilya ngunit ganito pa siya. Wala na siyang ina. Pumanaw ito matapos ipanganak ang bunso nila kaya naman wala na rin siyang kakampi pa. Hindi niya naman magawang iwan ang tatlo niyang mga kapatid na babae sa poder ng kanilang ama dahil mas madalas pa itong mag-inom kaysa maghanap-buhay.

Madalas siyang makatikim ng sipa, suntok, mura at kung anu-ano pang pananakit sa sariling ama ngunit kailanman ay hindi naisip ni Lemuel na sumuko. Gusto niyang patunayan dito na may mararating siya kahit pa hindi siya ang anak na inaasahan nito.

Masikap si Lemuel. Sa katunayan ay iskolar sa isang pribadong paaralan ang binata habang part-timer naman siya sa isang fast-food chain kapag gabi. Patuloy siyang lumalaban sa buhay kahit pa walang suporta galing sa magulang. Siya rin ang halos nagpapaaral sa tatlong kapatid, kaya naman hangang-hanga ang kaniyang mga guro kay Lemuel. Maging ang boss niya sa pinagtatrabahuhan ay labis ang pagkilala sa kaniyang kasipagan kaya’t madalas siyang makatanggap dito ng bonus.

Dahil sa sipag at tiyaga’y unti-unting guminhawa ang buhay ng pamilya ni Lemuel. Tumaas na ang posisyon niya sa trabaho hindi pa man siya graduate ng kolehiyo. Mula sa pagiging simpleng crew ay naging branch manager na si Lemuel. Labis ang respeto ng mga tao sa kaniya dahil na rin sa husay niya sa pakikisama at respeto niya sa kapwa. Ngunit nanatili ang ganoong trato ng sariling ama sa kaniya. Hindi yata ito nagsasawang saktan siya, pisikal man, mental, o emosyonal.

Hanggang sa dumating ang kaniyang graduation day…

“Papa, graduation ko na po bukas. P-puwede po bang um-attend kayo? Cum laude po ako, papa!” Kinakabahan ma’y ipinaalam niya iyon sa ama. Ngunit ’tulad ng kaniyang inaasahan ay sarkastiko lang itong ngumiti.

“Ano namang pakialam ko sa medalya at parangal na matatanggap mo? Gagawin ka bang tunay na lalaki no’n?” anito na agad na nakapagpayuko sa kaniya. “Lumayas ka nga sa harapan ko’t baka mabira na naman kita!”

Advertisement

Hindi na lamang ininda pa ni Lemuel ang tinuran ng ama. Grumaduate siya at tinanggap ang mga medalya at parangal na iginawad sa kaniya. Masaya na sana ang gabing iyon… hanggang sa makatanggap siya ng tawag, sa kalagitnaan ng seremonya ng kaniyang graduation.

“Kuya, si papa!” anang boses ng kaniyang kapatid sa telepono. “Isinugod namin siya sa ospital. Pumunta ka na, please!” umiiyak na pakiusap nito.

Nagmadali si Lemuel. Bitbit ang kaniyang toga ay dumiretso siya sa ospital at doo’y naabutan ang ama na walang malay. Ayon sa doktor ay malubha na raw ang sakit nito sa bato at kina-kailangan itong maoperahang muli. Ngunit ang problema’y kailangan nila ng donor. Dalawang bato kasi nito ang kailangang alisin!

Sa pagkakataong iyon, si Lemuel, na palaging binubugbog ng ama, na hindi kailanman nakaramdam ng pagmamahal mula rito, na umako ng lahat ng pasanin sa kanilang pamilya dahil pinabayaan ng ama nito, ay hindi nagdalawang isip na ibigay ang isa sa kaniyang mga bato para sa amang ngayon ay nakaratay na!

Naging matagumpay ang operasyon. Makalipas lang ang ilang buwan ay mabilis na nabawi ng ama ni Lemuel ang kaniyang lakas. Ngunit napapansin ni Lemuel na lagi na lamang itong tulala at tila malalim ang iniisip kaya’t isang araw ay sinubukan niya itong tanungin.

“Pa, may dinaramdam ka pa ba? May sumasakit ho ba sa inyo?” tanong ni Lemuel sa ama. Umiling naman ito.

“W-wala naman,” sagot nito.

Tumango-tango si Lemuel pagkatapos ay agad na tumalikod. Ayaw na niyang kulitin ito dahil baka mainis na naman at bulyawan siya… ngunit ganoon na lang ang kaniyang gulat nang biglang may yumakap sa kaniyang mga hita at binti.

Advertisement

“Lemuel!” pumiyok pang sambit ng kaniyang ama!

“Anak, patawarin mo ako. Patawad, anak, sa lahat ng ginawa ko sa iyo!”

Nanlalaki ang mga mata ni Lemuel sa gulat. Ganoon pa man ay agad na tumulo ang luha mula roon.

“Hindi ko alam kung ano ang ginawa kong mabuti para magkaroon ako ng anak na kasing bait mo, Lemuel. Palagay ko’y wala, ngunit sa akin ka napunta. Sa isang malupit na gaya ko. Anak, sana mapatawad mo pa ako.”

Sa wakas ay nagkaroon na ng lakas ng loob si Lemuel na humarap sa ama. Inalalayan niya itong patayo habang lumuluha. Pagkatapos ay agad siyang ngumiti. Tinungo niya ang lugar kung saan nakasabit ang kaniyang mga medalya. Kinuha niya ang mga iyon at iniabot sa ama…

“Papa, ano man ang nagawa mo sa akin, hindi maipagkakailang utang ko sa ’yo ang buhay ko. Kayo lang po ang hinihintay kong tumanggap ng mga medalyang ito, papa dahil alay ko ito sa inyo. Pinatawad ko na po kayo noon pa.”

Doon ay lalong bumuhos ang luha ng mag-ama. Nagyakapan ang mga ito. Nangakong magbabago ang ama ni Lemuel at babawi sa kaniyang mga kasalanan.

Oo nga’t binabae ang kaniyang anak, ngunit ang totoo’y mas naging lalaki pa ito kaysa sa kaniya. Tunay ngang hindi nasusukat sa kasarian ng isang tao ang laman ng puso nito.