Akala ng Ina ay May Girlfriend na ang Binatilyong Anak, Tameme Siya nang Makitang Lalaki Rin ang Kasama Nito

Ilang araw nang napapansin ni Kelly na todo kung ngumiti ang binatilyo niyang anak tuwing may ka-text o kausap ito sa selpon. Mukhang may nagpapatibok na sa puso ng anak. Wala naman kaso sa kaniya kung sakaling pumasok sa isang relasyon ang anak basta alam nito ang kaniyang limitasyon at hindi nito napapabayaan kaniyang ang pag-aaral.

“Binata na ang anak ko, ah. Mukhang may pinopormahan na. Maganda ba? Mabait? Kailan mo ipapakilala sa akin nang makilatis ko nga,” pang-aasar ni Kelly sa anak niyang si Miggy.

“Pero magkaibigan lang po kami,” tanggi ni Miggy si sinabi ng nanay niya.

Ang isa pang pagbabago na napansin ni Kelly ay ang mga regalong pinapadala para sa kaniyang anak. Tulad nung isang araw, isang bungkos ng bulaklak na gawa sa papel.

“Kakaiba ka talaga, Miggy. Kaya pala ang sinabi mo sa’kin ay magkaibigan lang kayo ikaw pala ang nililigawan,” biro niya sa anak.

“Mama, tigilan niyo na po ang pang-aasar sa’kin.” Natawa na lang si Kelly dahil namula sa kahihiyan ang anak.

Nung minsang naubusan ng load si Kelly ay naki-text siya kay Miggy. Hindi niya sinasadyang mabasa ang pangalan ng textmate ng anak at ang palitan nila ng mga mensahe. “Kaibigan daw? Bakit ang pangalan niya dito sa selpon mo ay Hun Ko? Mayroon bang magkaibigan na nagsasabihan ng I love you sa isa’t-isa. Ang sabi mo pa nga dito sa text, eh: Ikaw ang buhay ko. Sa iyong mga palad ang puso ko. Pagkaingatan mo ito.”

Napikon nang husto si Miggy kaya marahas niyang hinablot ang kaniyang selpon sa ina. “Kaibigan ko nga lang siya! Kailan man ay hindi ako magkakagusto sa kaniya!” Sigaw niya bago padabog na pumunta sa kaniyang kwarto. Napailing na lang si Kelly sa inasal ng anak.

Advertisement

Naliligo si Miggy sa banyo nung narinig niyang nag-ring ang kaniyang selpon kaya sumigaw siya ng malakas sa kaniyang ina. “Mama, pakisagot naman po ‘yung selpon ko. Baka iyan na po ‘yung tawag na hinihintay ko. Kunin niyo na lang po yung mensahe.”

Kinikilig nang husto si Kelly habang kausap ang Hun Ko ng kaniyang anak. Nang makalabas na ng banyo si Miggy ay nakangisi niyang sinabi ang mensahe nang tumawag. “May date daw kayo ng Hun mo. Magkita daw kayo sa Trinoma mamayang alas dos.” Iiling-iling na sinagot ni Miggy ang ina.

“Anong date po ang pinagsasabi niyo? Hindi kami mage–date.”

“Mukha atang may sakit yung kasintahan mo. Masyadong mababa ang boses niya,” puna ni Kelly.

“Ilang beses ko po bang sasabihin sa inyo na hindi kami magkasintahan,” reklamo ng binatilyo.

Muling tumunog ang selpon ni Miggy tanda na may bagong mensaheng pumasok sa kaniyang selpon. Matapos niyang basahin ang mensahe ay nilingon niya ang kaniyang ina. “Ma, pwedeng po bang dito na lang kami ni Hun?” Tanong ni Miggy.

“Sige lang, anak, nang makilala ko na rin ‘yang babae na nagpapangiti sa’yo,” sagot ni Kelly.

Sa sobrang kasabikan ni Kelly na makilala ang nililigawan ng anak ay nilinis niya ng mabuti ang buong bahay. Nagluto rin siya ng masarap na meryenda para sa kanila. Nung dumating na ang kaniyang anak kasama ang manlilligaw nito ay natulala si Kelly sa taong kasama ng anak. Hindi ito isang dalagita kung hindi isang binatilyo.

Advertisement

“Kamusta po? Ako nga po pala si Hun Ko. Okay lang po bang dito na lang namin tapusin yung ginagawa namin script ng play para sa drama club?” Naguguluhan si Hun sa nanay ni Miggy na nanlalaki ang mga matang nakatitig sa kaniya. Tila ba nakakita ito ng isang multo.

Si Miggy naman ay tawa nang tawa sa reaksyon ng kaniyang ina. “ Nabasa kasi ni Mama yung mga palitan natin ng texts. Akala niya ay manliligaw kita. Na Hun Ko ang pet name ko sa’yo,” paliwanag ni Miggy.

“Ay! Nagkakamali po kayo. Hindi ko po siya nililigawan. At yung mga text po, mga naisip po namin dialogue iyon para sa play,” wika ni Hun.

“Eh, bakit ka nagpapadala ng mga regalo?” Wala sa sariling tanong ni Kelly.

“Mga props po ‘yon. At hindi siya ang nagpapadala nun kung hindi yung mga gumagawa ng props namin,” sagot ni Miggy. Ngunit hindi pa rin kumbinsido si Kelly.

“Eh, bakit palagi kang nakangiti pag tumatawag o nagte-text siya sa’yo? Namumula ka pa tuwing inaasar kita,” balik tanong ni Kelly.

“Isang love story na kapahunan pa ni Rizal ang tema ng istorya namin. Namumula at napapangisi po ako dahil ang babaduy naman kasi ng istilo ng panliligaw noong unang panahon. Patula-tula pa,” tugon ni Miggy sa ina.

Bagama’t napahiya si Kelly ay hindi rin niya napigilang matawa sa kaniyang sarili. Nakaganti ng biro ang anak sa pang-aalaska niya sa kaniya.

Advertisement

“Bakit hindi mo sinabi agad na lalaki pala yung ka-text mo at para sa play niyo ‘yung mga palitan niyo ng mensahe? Todo pa naman ang kilig ko at pang-aasar ko sa’yo?” Usisa nito sa anak.

“Eh, di hindi ko po makikita ang reaksyon niyo kung saka-sakali. Para saan pa’t tiniis ko ang mga pang-aasar niyo kung hindi rin naman po ako makakaganti sa inyo.”

Nung araw na iyon ay hindi natapos nina Miggy at Hun ang ginagawang nilang script dahil wala silang ginawa kung hindi makipagkwentuhan, makipagbiruan at makipagharutan kay Kelly, ang palabiro at alaskadorang ina ni Miggy.