Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Maligayang Kaarawan, Inay! - Inday Trending

Maligayang Kaarawan, Inay!

Nalalapit na ang kaarawan ni Ninda. Masaya ang babae dahil ito ang kanyang ika-limampung kaarawan ngunit sa kabilang banda ay nalulungkot siya dahil gustuhin man niya na ipagdiwang ito ay mukhang mahirap dahil wala silang sapat na pera para maghanda. Nakapangako pa naman siya sa mga anak na maghahanda siya.

Sakto lang kasi ang kinikita ni Ninda sa paglalabada. Ang asawa naman niya na si Carding ay sakto lang rin ang kinikita sa pamamasada ng traysikel. Nag-aaral pa ang kanilang dalawang anak. Ang bunsong anak na si Axel ay nasa elementarya at ang panganay nilang si Jaymee ay nasa sekondarya naman at nasa ikaapat na taon na.

“Inay, apat na araw na lang at kaarawan niyo na,” wika ni Jaymee.

“Oo nga anak. Madaragdagan na naman ang edad ko. Tatanda na naman ang nanay niyo,” sabi ni Ninda sa anak.

“Inay, hindi naman po halatang singkwenta anyos na kayo. Mukha pa rin po kayong nasa trenta anyos.”

“Naku, binobola mo na ako niyan, anak.”

“Hindi ko po kayo binobola, inay. Bata pa rin po kayong tingnan,” sabi pa ng anak.

“Tigilan mo ako. Ikaw talagang bata ka. Huwag kang mag-alala, hindi ko nakakalimutan ang ipinangako ko noon na maghahanda ako sa kaarawan ko. Gagawan ko ng paraan para maiselebra man lang natin ang espesyal kong araw,” aniya.

“Talaga po inay? Tiyak na matutuwa po si Axel. Makakatikim po siya ng masarap,” natutuwang wika ni Jaymee.

Hindi tuloy mapakali si Ninda kung saan niya huhugutin ang ipinangakong panghanda sa kanyang kaarawan. Naisip niya na kailangan niyang mag-doble kayod sa paglalaba, pati pamamalantsa ay tatanggapin na niya para magkaroon ng budget na panghanda. Agad niyang kinausap ang kanyang mga kapitbahay at tinanong kung sino-sino ang gustong magpa-plantsa ng mga damit.

“Aling Gina, tumatanggap na rin po ako ng mga paplantsahing damit, baka mayroon po kayong ipapaplantsa?” tanong niya sa isa sa mga kapitbahay.

“Aba, Ninda todo-kayod ka yata ha. Kung dati ay paglalaba lang ang ginagawa mo, ngayon ay tiga-plantsa ka na rin?”

“Malapit na po kasi ang kaarawan ko, naipangako ko sa mga anak ko na maghahanda ako kahit paano kaya kailangan ko po ng ekstra na kita,” aniya.

“Ay ganoon ba? Halika at may mga ipapaplantsa ako sa iyo,” anito.

“Naku, maraming salamat po, Aling Gina!”

Kumalat sa buong barangay ang tungkol sa kanyang kaarawan at planong paghahanda para sa kanyang mga anak, kaya nagtulong-tulong ang kanyang mga kapitbahay para makaipon ng pera si Ninda. Ang mga dating nagpapalaba lang ay nagpapaplantsa na rin. Hindi lang si Nina ang todo-kayod, pati si Carding ay gmagawa na rin ng ibang trabaho, pandagdag sa panghanda nila. Bukod sa pamamasada ng traysikel ay nagka-karpintero na rin ang mister ni Ninda.

Kinagabihan, ay maagang binati ni Jaymee ang kanyang ina.

“Maligayang Kaarawan po, inay!” masayang wika ng dalagita.

“Salamat, anak! Pero bukas pa ang kaarawan ko di ba?” nagtatakang sabi ni Ninda.

“Wala lang po. Gusto ko po kasi ako ang unang bumati sa inyo. Nga pala, inay. Bukas po ay isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pakisabihan din po si itay at si Alex na magbihis po ng maayos.”

“Bakit kailangang magbihis pa, anak. Dito lang naman tayo maghahanda sa bahay. Sapat na ang naipon namin ng itay niyo para pambili ng handa ko bukas.”

“May pupuntahan po kasi tayo bukas kaya dapat po maayos ang suot natin. Huwag niyo po kakalimutan ha?” bilin pa ni Jaymee sa ina.

“Teka, saan ba tayo pupunta?” anito.

“Basta po. May sorpresa ako sa inyo,” tanging nasabi ng dalagita.

Kinaumagahan, kagaya ng sinabi ni Jaymee ay nagbihis nga ng magandang damit si Aling Ninda pati na rin ang amang si Carding at kapatid na si Axel. Nang matapos mag-ayos at magbihis ay niyaya na niya ang kanyang pamilya na umalis at sumakay ng dyip.

Makalipas ang kalahating oras ay bumaba sila sa isang popular na kalsada sa Maynila. Kaya naging popular ay napapaligiran ang nasabing lugar ng matatayog na gusali at malalaking establisyemento. Mayamaya ay pumasok sila sa isang mamahaling restaurant.

“A-anak, anong ginagawa natin dito? Mahal dito anak,” nagtatakang wika ni Ninda.

“Oo nga, Jaymee. Bakit mo ba kami dinala rito?” tanong naman ng kanyang ama.

“Inay, itay, ito po ang sorpresa ko sa inyo at sa kaarawan mo inay,” aniya.

“Diyos ko, masasarap nga ang mga pagkain dito pero ubod naman ng mahal. Anong ibabayad mo dito?” di pa rin makapaniwalang sabi ni Ninda.

“Natatandaan niyo po ang mga ibinibigay niyo sa aking pera na pangbaon araw-araw? Iniipon ko po iyon. Plano ko po talagang sorpresahin kayo inay sa iyong ika-limampung kaarawan. Mula po ng nag-ipon ako ay palaging lutong pagkain na lang na pinababaon niyo sa akin ang kinakain ko sa eskwela.,” bunyag ng dalagita.

“Anak, hindi mo naman kailangan na sorpresahin pa ako at hindi rin kailangan na dito pa sa mamahaling restaurant,” ani Ninda.

“Inay, bihira lang ang pagkakataong ganito. Gusto ko ay maging espesyal ang pagdiriwang niyo ng ika-limampung taon. Ganyan po kayo ka-espesyal sa akin, inay. Mahal na mahal ko po kayo!” mangiyak-ngiyak niyang sabi.

Hindi na napigilan ni Ninda na maluha sa ginawang sorpresa ng anak. Hindi niya inakala na magagawa pa nitong mag-ipon ng malaki makakain lang sila sa mamahaling restaurant.

“Maraming salamat, anak. Hinding-hindi ko kailanman makakalimutan itong sorpresa mo sa akin.”

“Huwag po kayong mag-alala, inay. Kapag nakapagtapos at nakahanap na ako ng magandang trabaho ay araw-araw ko kayong dadalhin sa magagandang restaurant na gaya nito,” pangako ni Jaymee .

“Hep,hep, tama na ang drama niyo at kumain na tayo. Kanina pa ako nagugutom!” hirit ni Mang Carding.

“Ako rin po, gutom na,” sabi naman ng kapatid na si Axel habang hinihimas ang tiyan.

Sabay-sabay na pinagsaluhan ng kanilang pamilya ang masasarap na pagkaing in-order nila sa restaurant na iyon. Para kay Jaymee ay balewala kung magastuhan man siya ng mahal, ang mahalaga ay naging masaya naman ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang ina sa kaarawan nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.