Prinsesa Kung Ituring ang Bunso Dahil sa Kalusugan Nito; Ikinagulat Nila Nang Malaman ang Kalagayan ng Panganay na Anak

Prinsesa Kung Ituring ang Bunso Dahil sa Kalusugan Nito; Ikinagulat Nila Nang Malaman ang Kalagayan ng Panganay na Anak

FamilyInspiringStories

Sina Ginoo at Ginang Esteban ay mayroong dalawang anak. Lalaki ang kanilang panganay na anak na nagngangalang Ram habang babae naman ang kanilang bunso na si Princess.

Marami nang pinagdaanan ang kanilang pamilya nung nagsisimula pa lamang sila lalo na pagdating sa kalusagan ng kanilang mga anak. Bata pa lamang ay napag-alamang may sakit sa puso si Ram at may hika naman si Princess.

Si Ram ay naoperahan sa puso at bumuti ang kalagayan. Ngunit kahit ganun ay pinag-iingat pa rin siya ng kaniyang doktor. Nung umpisa ay halos hindi pakilusin at pasalihin ng mga magulang sa kahit na anong physical activities si Ram ngunit nang mapansin nilang maayos naman ito ay hinayaan na rin nila ito at trinato bilang normal at malusog na bata.

Sa kabilang banda, si Princess ay parating inaatake ng hika at madalas na magkasakit kaya parati siyang nadadala sa ospital. Mapagod lamang siya, mainitan o ‘di kaya’y makalanghap ng kaunting usok at alikabok ay inaatake na siya ng hika nung kabataan niya. Nabawas-bawasan naman ito sa kaniyang paglaki ngunit madalas siyang dumadaing na hindi mabuti ang kaniyang pakiramdam at nahihirapan sa mga bagay-bagay.

Nang dahil dito ay labis ang pag-aalaga at pag-aagapay ng mga magulang ni Princess sa kaniya. Hindi nila hinahayaang mapagod ito kahit sa mga gawaing bahay at madalas ay binibigay nila ang gusto nito. 

Hanggang sa pagkadalaga ay ganito ang sitwasyon ni Princess kaya naman hindi siya sanay na mahirapan at sanay siyang nasusunod ang kaniyang mga layaw.

Nang dahil dito ay bihirang magtagal sa trabaho si Princess sapagkat kung hindi niya kinakaya ay pinatitigil naman agad siya ng kanilang mga magulang sa tuwing makikitang nahihirapan siya. Kaya naman pati sa mga pang araw-araw na pangangailanagan niya ay mga magulang nila ang sumasagot. Sa kaniyang edad ay sinusuportahan pa rin siya ng pinansyal at sa medikal ng kaniyang mga magulang. Siya rin ay hatid-sundo pa ng ama sa trabaho at sa kahit saan man siya pupunta.

Isang araw ay kinailangan umalis ng maaga ng ama ni Princess. Bagamat kinumbinse siyang ihatid na lang ng maaga sa trabaho ay tinanggihan niya ito kaya naman ang kaniyang Kuya Ram na lang ang sinabihan niyang maghatid sa kaniya.

“Kuya, kailangan mo kong ihatid sa trabaho ngayon. Hindi ako sumabay kay Papa kanina kasi sobrang aga ng meeting niya,” ang sabi ni Princess.

“Naku! Princess, tatanghaliin ako sa trabaho kung ihahatid pa kita ngayon. Sana sinabi mo sakin kanina para medyo naagahan ko,” pagtutol ni Ram.

“Ram, magsabi ka na lang sa trabaho mo na tatanghaliin ka ngayon. Alam mo namang hindi puwedeng basta mapagod, mainitan at mausukan ang kapatid mo dahil baka atakihin ng hika,” ang sabi ng kanilang ina.

“Ikaw na rin nga pala ang magsundo sa kaniya mamaya dahil gagabihin daw ang Papa niyo,” pahabol pa ng Ginang.

Nang dahil dun ay ihinatid ni Ram sa trabaho si Princess. Habang siya ay tinanghali naman sa pagpasok sa kaniyang trabaho kaya siya ay napagsabihan sa kanilang opisina. Hinayaan niya na lang ito at tumuloy sa mga gawain sa trabaho sapagkat para naman sa nag-iisang kapatid niya ang kaniyang ginawa.

Bago matapos ang oras ng trabaho ay nakatanggap ng mensahe si Ram muli sa kaniyang kapatid na nagsasabing ‘wag na lamang siyang sunduin sapagkat may pupuntahan pa itong party sa isang bar. Pinakiusapan rin siya nito na tulungan siyang gumawa ng palusot at ilihim na lamang ito sa kanilang mga magulang. 

Ito ay tinanggihan ni Ram at sinabihan ang kapatid na susunduin siya agad nito pagkatapos ng oras ng trabaho niya sa opisina.

Agad na pinuntahan ni Ram ang kapatid pagkatapos ng trabaho nito ngunit hindi niya na ito naabutan. Hindi siya sinunod ni Princess. Tumuloy pa rin ito sa party sa bar.

Nang malaman ni Ram ang bar na pinuntahan ng kapatid ay agad niya itong sinundan. Pilit niyang pinapauwi ang kapatid lalo na nang makita niya na mausok sa bar sapagkat alam niyang makakasama ito sa kaniyang kapatid.

Sa kanilang pagtatalo ay bigla na lang na napansin ni Princess ang panghihina ng kaniyang Kuya. Ito ay napapahawak sa kaniyang dibdib hanggang sa tuluyan itong nawalan ng malay.

Agad na humingi ng tulong sa mga kasamahan si Princess upang maitakbo sa ospital ang kaniyang kuya at ipinaalam niya rin ang nangyari sa kanilang mga magulang.

Pagdating sa ospital ng kanilang mga magulang ay agad silang kinausap ng doktor.

“Stable naman na si Ram ngayon. Ginawa na namin ‘yung mga test na pinapagawa ko sa kaniya noon pa. Actually, sabi niya three months ago, sapat naman na ‘yung pera niya to undergo the tests pero hindi ko alam kung bakit hindi na siya bumalik. Anyway, gaya ng sabi ko sa kaniya noon, kailangan pa rin niyang ingatan ang puso niya. Hindi siya totally okay lalo na at may lamat ‘yung puso niya from the heart surgery nung bata siya. Kaya naman dinagdagan ko ‘yung maintenance medicines niya at hindi siya puwedeng mapagod or mastress. Kailangan muna naming ibalik uli sa monthly ang check up niya para mas mamonitor ko ‘yung puso niya,” pahayag ng doktor.

Ikinagulat ito ng mag-asawa at pati na rin ni Princess. Hindi nila alam na matagal na palang may nararamdaman si Ram at palihim lang pala itong nagpapagaling mag-isa. 

“Kasalanan ko ‘to. Three months ago, pinilit ko si Kuya na bilihan ako ng bagong cellphone. Hindi ko naman akalaing para pala sa pagpapagamot niya ‘yun. Kung hindi ko ginawa ‘yun at kung hindi ako parating nagpapasaway at nagpapabigat sa pamilya ay hindi siguro hahantong sa ganito,” maluha-luhang sinabi ni Princess.

“Kasalanan din namin ng Papa mo. Napabayaan namin ang kuya mo. Akala namin ay naging maayos na siya matapos siyang operahan nung bata siya. Bagamat parati niyang kinakaya ang lahat at parati niyang pinapakitang malakas siya kahit hindi naman pala ay inisip namin na okay lang siya. Nalimutan namin ang bilin ng doktor noon na kailangan pa rin niyang mag-ingat,” ang sabi ng ina nila Ram.

Nang dahil sa pangyayaring ‘yun ay nagbago ang pamilya Esteban. Hindi na lang puro kay Princess napupunta ang mga pabor na binibigay ng mag-asawa bagkus ay naging parehas na ang pag-aalaga at pagmamalasakit nila sa kanilang mga anak.

Si Princess ay hindi na naging pasaway at mapilit sa kaniyang mga layaw. Natuto na siyang tumulong sa pamilya at tumayo sa kaniyang sarili nang unti-unti kaya naman hindi na siya parating naka-asa sa kanilang pamilya.

Si Ram naman ay patuloy sa kaniyang pagpapagamot at pagpapagaling. Malaking tulong para sa kaniya ang dagdag na suporta at pagmamahal mula sa pamilya.

More Stories