Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Amain Kong Walang Bilib Sakin - Inday Trending

Amain Kong Walang Bilib Sakin

“O, saan ka na naman galing bata ka? Gabing-gabi na!” sigaw ni Mang Ron, bagong asawa ng nanay ni Julius.

“Gumawa lang po kami ng project sa bahay po ng ka-classmate ko Tito.” tapat na ika niya, sabay mano sa kanyang stepfather.

“Ayan ka na naman sa mga palusot mo! Diba gusto mo maging pulis? Paano ka magiging isang pulis kung puro kasinungalingan ang sinasabi mo? Baka ikaw pa ang makulong sa pagitan ng mga rehas!” paninimula nito, dahilan para masaktan nang bahagya ang binata. Wala na siyang ibang sinabi, hindi na niya pinagtanggol ang sarili, umakyat na lamang siya sa kanyang kwarto at natulog kahit walang laman ang tiyan.

Apat na taon na simula noong pumanaw ang kanyang tunay na ama, at magdadalawang taon na rin siyang nagtitiis sa ugali ng kanyang bagong tatay. Palagi itong tamang hinala at lagi ring ibinababa ang tiwala niya sa kanyang sarili. Wala naman magawa ang nanay niya, laging ika nito, “Huwag mo na lang pansinin ang Tito mo, pagod lang yan sa trabaho.”

Walang araw na hindi siya nito binubungangaan dahil sa pag-uwi niya ng gabi. Minsan pinagtatanggol siya ng kanyang nanay ngunit pati sa ginang ay nagagalit ito.

“Kaya napapanatag ang anak mong magsinungaling dahil kinakampihan mo! Anong project sa school ang ginagawa hanggang alas dos ng madaling araw?” galit na ika nito.

“Bukas na po kasi pasahan nun Tito, kaya tinapos na po namin.” hindi na nakatiis si Julius at dinepensahan na niya ang sarili.

“Aba sumasagot ka pa!” wika ni Mang Ron, tila nagpanting ang tenga saka malakas na sinapak sa mukha ang binata dahilan para sumigaw nang sumigaw ng, “Tama na! Tama na!” ang kanyang ina.

Walang ibang nagawa ang binata kundi saluhin ang mga suntok nito, at noong hindi na niya kaya, tumakbo na siya papuntang kwarto niya. Doon niya nilabas lahat ng sakit na nararamdaman.

“Kung hindi lang talaga ako pinalaki ng maayos ni Papa, baka lumaban na ako sa lalaking yon. Buti na lang talaga magaling mangaral ang Papa dati.” sambit ni Julius sa sarili habang pinupunasan ang luha. “Siguro kapag naging ganap na pulis ako, aayos ang pakikitungo niyan sa akin.” dagdag pa niya.

Araw-araw pa ring ganoon ang pakikitungo sa kanya ng kanyang amain, hindi niya na lamang ito iniintindi, lagi niya na lamang ito iniiwasan. Dumaan ang tatlong taon at nagtagumpay siya sa kanyang hangarain. Naging isa siyang ganap na pulis, ngunit hindi katulad ng inaasahan niya, wala pa ring bilib sa kanya ang amain.

“Naku, wala ka namang ibang gagawin doon kundi mangotong.” bigla ika ni Mang Ron, isang umaga bago pumasok sa trabaho ang binata.

“Maayos po akong napalaki ng totoo kong tatay. Huwag po kayong mag-alala, hindi ko po magagawa yun.” nakangiting ika ng binata dahilan para mainis ang amain.

Kinagabihan, habang mahimbing na natutulog ang binata, naririnig niyang sinisigaw ni Mang Ron ang pangalan niya kaya agad-agad siyang humangos pababa. Doon nalaman niyang na-k*dnap raw ang bunsong anak nito sa unang asawa na nakatira sa kabilang barangay.

Agad na ipinagbigay alam ni Julius ang nangyari sa presinto kaya madaling na-trace ang sasakyang ginamit upang makuha ang bata. Pinuntahan agad ito ng mga kapulisan at nadatnan ang tatlong lalaking akma pa lang na pagsasamantalahan ang anak ni Mang Ron. Nanlaban ang mga ito ngunit sa tulong pa ng ibang pulis na rumesponde, nadakip rin nila ang may mga sala.

Hindi naman nasaktan ang anak ni Mang Ron, isinama ito ni Julius sa bahay nila upang ipakita sa amain na ligtas na ang anak niya ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na pangyayari. Kitang-kita niya ang kagalakan sa mga mata ng amain, lumuhod pa ito sa harapan niya at lubos na nagpasalamat. Nang mahimasmasan ito, lumapit ulit ito sa kanya at humingi ng tawad.

“Julius, anak, patawarin mo ako sa matabang na pagtrato ko sayo simula noong nag-aaral ka pa lang ha. Buti na lang talaga katulad ng sinabi mo sakin, maayos kang napalaki ng totoo mong tatay.” mahinahong ika ni Mang Ron na labis niya namang ikinatuwa.

Dahil sa pangyayaring iyon, umayos ang pakikisama ni Mang Ron sa kanya. Ipinagbabaon pa nga siya ito lagi ng pananghalian at madalas na pinupuntahan sa kwarto upang makipagkwentuhan. Labis naman ang saya ng kanyang nanay na makitang maayos na ang kanilang relasyon sa wakas.

May mga tao talagang hindi maniniwala sa ating kakayahan ngunit imbes pakinggan natin sila, gawin nating inspirasyon ang masasakit na salitang binibitawan nila sa atin para magtagumpay.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.