Labis na Nagsisisi ang Lolo sa Nagawa sa Pinakamamahal Niyang Babae Noong Kabataan Nila; ‘Di Niya Akalaing Muli Silang Pagtatagpuin ng Tadhana

Labis na Nagsisisi ang Lolo sa Nagawa sa Pinakamamahal Niyang Babae Noong Kabataan Nila; ‘Di Niya Akalaing Muli Silang Pagtatagpuin ng Tadhana

LoveStories

Talamak na babaero si Lolo Narciso noong kabataan niya. Ngunit kahit na ganoon ay mag-isa lamang siya sa buhay niya sa kaniyang pagtanda sapagkat may natatanging babae ang tumatak sa kaniyang puso. Huli na nang napagtanto niya ito kung kailan nawala na ang dalaga sa kaniyang piling.

Ang babaeng ito ay ang dati niyang kasintahan na si Dolores. Labis ang kaniyang pagsisisi sapagkat niloko at sinaktan lamang niya ang katangi-tanging babae na nagmahal sa kaniya nang lubos.

Gabi-gabi ay parating nasa isip niya ang dating kasintahan. Inaalala niya ang mga huli nilang pag-uusap kung saan nahuli siya nito na mayroong ibang babae. Sa kaniyang alaala ay tandang-tanda niya pa ang mga sinabi sa kaniya ni Dolores na puno ng pighati habang umiiyak bago ito nakipaghiwalay sa kaniya.

“Akala ko ba mahal mo ako? Ang tagal kong naghintay. Sabi mo pakakasalan mo ‘ko. Kahit ayaw sa’yo ng mga magulang ko at ng mga tao sa paligid ko dahil babaero ka raw ay hindi ko sila lahat pinaniwalaan. Ipinaglaban pa rin kita. Bakit nang dahil lamang sa mga pag-aaway at ‘di natin pagkakasundo eh sinukuan mo agad ako at pinagpalit? Akala ko ba ikaw ang bahala sa’tin basta mahalin lang kita? Akala ko ba ipaglalaban mo rin ako?”

Tanda ni Narciso na dahil sa mga salitang ‘yun ay natauhan siya kaya hiniwalayan niya ang pangalawa niyang babae at ninais na magpakatino para kay Dolores. Sinubukan niyang makipag-ayos at makipagbalikan sa dating kasintahan. Ngunit dahil labis na nasaktan ang dalaga ay hindi siya hinaharap nito. Pinagtaguan siya ni Dolores at nagpakalayo-layo sa tulong ng mga kaanak nito na ayaw sa kaniya.

Sa nangyaring ‘yun ay labis na naapektuhan si Narciso. Mula noon ay hindi na niya nagawang mambabae o makipagrelasyon pa sa kahit na sinong babae. Tanging si Dolores na lamang ang inaasam ng kaniyang puso at isipan.

Kahit maraming taon na ang nakararaan ay nagbabakasakali pa rin si Narciso na muli silang magtatagpo ni Dolores kaya patuloy niya pa rin itong hinahanap.

Isang araw, sa araw na dapat ay ika-apatnapung taon na silang mag kasintahan ni Dolores ay pinuntahan ni Narciso ang simbahan na nais sana ni Dolores na pagpakasalan nila. Siya ay pumasok sa loob at nagdasal nang mataimtim. Pagmulat ng kaniyang mga mata ay nasilayan niya ang isang matandang babae sa may altar. 

Paglingon ng babae ay para bang namalikmata si Narciso at ang nakita niya ay ang dalagang si Dolores nung kabataan pa nila. Ngunit pagtingin niya uli rito ay isang matandang babae na namumukhaan niya bilang si Dolores.

Nang dahil dito ay agad itong nilapitan ni Narciso at kinausap: “Dolores? Dolores!”

Agad din naman siyang namukhaan ni Dolores.

“Narciso? Ikaw nga ba ‘yan?” tanong ni Dolores sa ‘di inaasahang pagtatagpo.

Agad namang hinawakan ni Narciso ang mga kamay ni Dolores at sinabing, “Ako nga ‘to, mahal ko! Ang tagal kitang hinanap. Patawarin mo sana ako sa nagawa ko noon. Hindi ko sinasadyang saktan ka. Mahal na mahal kita! Mahal pa rin kita mula noon hanggang ngayon!” bulalas ni Narciso habang hawak ang kamay ni Dolores.

Agad na tinanggal ni Dolores ang pagkakahawak ni Narciso sa kaniyang mga kamay at napatingin sa kanilang paligid.

“Ano bang sinasabi mo? Ilang taon nang nakalipas yun. At saka baka magalit ‘yung asawa mo sa ginagawa mo ngayon,” sambit ni Dolores.

“Asawa? Wala akong asawa, Dolores. Mula nung nagkahiwalay tayo ay hindi ko na nagawang umibig pa sa kahit na sinong babae,” sagot ni Narciso.

Biglang naisip ni Dolores na marahil ‘yun lang ang sinabi sa kaniya ng kaniyang mga kaanak upang hindi niya na balikan pa si Narciso nung nagdadalawang-isip siyang makipagbalikan rito makalipas ang isang taon nilang paghihiwalay noon.

“Baka naman ikaw ang may magagalit na asawa?” biglang naitanong ni Narciso kay Dolores na para bang natalo na sa laban ng buhay.

“Wala. Kailanman ay hindi na ko nakipagrelasyon pa nang dahil sa sakit na naidulot mo sa akin noon,” sagot ni Dolores.

Nalungkot si Narciso sa kaniyang narinig ngunit bahagya rin siyang natuwa sa pag-asang makapiling muli ang kaniyang pinakamamahal na babae. Kaya naman muli siyang humingi ng kapatawaran kay Dolores at nakiusap na bigyan siya ng pangalawang pagkakataon na patunayan ang pagmamahal niya rito.

Mula noon ay araw-araw nang sinuyo at muling nilagawan ni Narciso si Dolores. Pinatunayan niya kay Dolores na totoo ang kaniyang pagmamahal para rito at hindi na niya muling sasaktan pa ito. Dahil nga hanggang ngayon ay mahal pa rin ni Dolores si Narciso ay muli silang nagkaibigan.

Sa pagkakataong ito ay agad nang inalok ni Narciso ng kasal si Dolores.

“Alam kong ilang taon na ang nasayang sa atin nang dahil sa pagkakamali ko pero sana ay hayaan mong tuparin ko ang lahat ng mga ipinangako ko noon sa’yo at subukan nating bawiin ang mga taong nagdaan na magkasama habambuhay,” pahayag ni Narciso sa pag-aalok niya ng kasal kay Dolores. 

Matapos noon ay agad na ikinasal sina Narciso at Dolores. Unti-unti nilang tinutupad ang mga plano nila noon nang magkasama habang patuloy namang pinapatunayan ni Narciso ang kaniyang pagmamahal sa asawa sa araw-araw niyang panliligaw at panunuyo rito kahit sila ay kasal na. Nang dahil sa pagmamahal nila para sa isa’t-isa ay masaya silang namuhay hanggang sa huli nilang mga hininga nang magkasama.

More Stories