Takot na Takot ang Dalaga Dahil May Estrangherong Sumusunod sa Kanya sa Madilim na Eskinita, Mayroon Lamang Pala Itong Nais Ibalik sa Kanya

Si Loraine, 20-anyos na dalagang nagtatrabaho sa isang shopping mall bilang saleslady. Sa araw-araw ng pagpasok niya sa trabaho ay baon niya ang spray na pang-proteksyon laban sa masasamang tao. Palagi nalang kasi siyang natataon sa graveyard shift o gabi na ang uwian.

Napakahabang araw ito para kay Loraine, linggo kasi at maraming mamimili ngayong araw. Ginabi na rin sila natapos sa pag-iinventory. Kaya naman pasado alas-onse na siya nakalabas sa pinagtatrabahuhang mall.

Sa daan ay tinatahak ni Loraine mag-isa ang madilim na eskinita upang makarating ng sakayan. Ito ang gabi-gabing bumabagabag sa kanyang isipan. Kaya naman hindi niya talaga nalilimutan ang mga pamproteksyong dala para sa sarili.

Habang naglalakad ay tila kinakabahan siya. Kanina niya pa kasi napapansin ang aninong nakasunod sa kanya mula nang lumusot siya sa eskinita kanina. Binilisan niya ang lakad. Hindi niya na rin matanggal ang earphone niya dahil sa sobrang bilis ng paglalakad niya.

“Kapag nakasunod pa rin ito sa akin pagdating sa dulo, matitikman niya ang pang-spray ko,” bulong niya sa sarili.

Taimtim na nagdasal na siya. Ito ang pinakaayaw niya sa lahat. Patuloy pa ring sumusunod sa kanya ang anino. Naiinis siya sa sarili dahil naduduwag siyang harapin ito. Wala siyang ibang magawa kundi ang maglakad ng mabilis at kunwaring hindi niya ito napapansin upang maisagawa niya nang maayos ang plano. Ang isprayan ito sa mata kung sakaling may gawing hindi kaaya-aya.

Medyo nakaluwag lang siya ng paghinga nang matanaw ang ilaw mula sa dulo ng eskinita.

Pero tila hihimatayin siya nang may maramdamang kumapit sa balikat niya. Impit siyang napasigaw. Advertisement

Tinanggal niya ang earphone at nakita ang mukha ng isang binatang lalaki, “Anong kailangan mo sakin?”

Tila hindi naman nagulat sa tanong niya ang lalaki, “Ate naiwan niyo po kasi ito sa tapat ng locker ko,” tukoy nito sa wallet niya, “Kanina pa kita tinatawag. Kaya pala hindi mo ako naririnig dahil naka-earphone ka.”

Tila napahiya naman siya sa narinig. Ang buong akala niya’y hoholdapin na siya ng sumusunod sa kanya, yun pala’y nagmamagandang loob lang ito. Isa rin palang trabahador ang binata sa mall na pinapasukan niya. Nagpasalamat siya dito at niyaya niyang kumain ng lugaw sa kanto bilang paghingi ng tawad sa hindi magandang naisip niya dito.

Agad naman itong pumayag kahit mukhang nahihiya sa kapalit na offer niya sa kabutihang ginawa.

Nang magkasamang kumain ng lugaw ay hindi nila maintindihan ang sarili dahil agad silang nag-click nito. Magaan ang naging usapan nila tungkol sa buhay, karera at iba pang bagay na maisipan nila. Kahit tirik na ang araw dahil sa buong gabing pag-uusap sa may lugawan at ramdam na ramdam na nila ang antok ay walang may lakas ng loob na maunang magyayang umuwi.

Hanggang sa ang may-ari na ng lugawan ang nagsabing magsasara na siya. Doon lamang sila natauhan na may trabaho pa sila mamaya at kailangan din nilang mamahinga.

Nang magpaalam at maghiwalay ay hindi nila maintindihan ang nararamdaman. Hinahanap nila ang presensya ng isa’t isa.

Makalipas ang ilang taon…

Advertisement

Heto si Loraine, naglalakad patungong altar upang pakasalan ang lalaking minsan niyang napagkamalang mang-ho-holdap sa kanya. Ang tadhana nga naman, sadyang mapaglaro ngunit kapag nakipagsosyo ito kay Kupido ay hindi ka na makakailag.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!