Ipinahiya ng Guro ang Estudyanteng Maraming Kuto, Nanlumo Siya ng Malaman ang Pinagdaraanan ng Bata

Wala pang isang taong nagtuturo si Ms. Felomino sa grade 4 students sa pampublikong eskwelahang pinapasukan ngayon pero kilala na siya agad ng mga estudyante at magulang dahil sobra ang pagka-terror niya. Mabilis siyang mainis sa mga batang hindi agad na natututo, samantalang ubod ng bait niya naman sa mga matatalino.

Ang pinakaayaw niya sa lahat ay iyong mga tatanga-tanga, iyong tinatanong ay nakatunganga lamang at nanginginig pa. Pinapahiya niya lalo ang mga ganoong estudyante. Ayaw niya rin ang mga marumi, para sa kanya dapat pinagsasabihan sa harap ng marami ang mga ganoong bata, upang mapahiya at madala- syempre pag nakarating iyon sa mga magulang nito ay hindi na uulit pa ang mga ito na papasuking marumi ang anak. Pang umaga ang kanyang klase, alas siyete hanggang alas dose ng tanghali kaya naman fresh dapat ang mga bata.

Katatapos lamang magsulat sa pisara ni Ms. Felomino, pinagpagan niya pa ang mga kamay dahil napuno iyon ng chalk.

“This is the multiplication table. Nai-discuss na ito sa inyo noong grade 3, ine-expect ko na kabisado na ninyo kahit papaano ang mga sagot dito,” sabi nya sa mga estudyante. Naningkit ang mga mata niya nang mahagip ng kanyang paningin ang isang estudyante na pilit nilalabanan ang antok sa likuran, hindi naman ito tulog pero napapapikit na ang mga mata.

“Ikaw,” turo niya rito. Ni hindi niya alam ang pangalan ng estudyanteng ito, hindi naman kasi siya masyadong interesado sa mga batang walang partisipasyon sa klase.

Nanlaki ang mata ng bata at tumayo, halatang kinabahan.

“What is your name again?” masungit na sabi niya.

“Janedel Lagui po,” sabi ng bata.

Advertisement

Binura niya ang isang parte ng leksyong isinulat niya sa pisara. Saka muling humarap sa bata, “I-recite mo nga sa akin ang multiplication table ng 8,” sabi niya. Tila naguluhan ang bata at nag-isip sandali, kahit pa halatang wala naman itong iniisip. Nagkamot pa ito ng ulo dahil sa sobrang pagkataranta. Na-bwisit naman si Ms. Felomino sa ginawa ng bata kaya tinawag niya ito sa gitna, ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang makita niyang napakaraming gumagapang sa buhok nito!

At may naglalambitin pang mga lisa sa bawat hibla. Nakakadiri! Eww!

“Ang dumi mo, hindi ka ba inaasikaso ng nanay mo?” mataray na sabi niya rito. Napahiya ang bata at napatungo dahil nagtawanan ang mga kaklase nito.

“Ma’am kasi po..”

“Kasi ano? Class, wag ninyong tutularan si Janedel. Tignan ninyo sya, sabihin nyo sa nanay nyo lalabhan ang uniform nyo ha, at lilinisan ang buhok nyo. Tignan ninyo ang ulo niya, pinamahayan na ng kuto, kaya ka pala walang maisagot ay sinipsip na siguro pati utak mo,” pangungutya niya, tumawa pa siya dahil para sa kanya ay katawa-tawa iyon. Nang matapos na siya sa panenermon sa bata ay pinabalik niya nang muli ito sa upuan nito. Hindi niya alam bakit may mga ganitong nanay.

Nang matapos na ang klase niya alas dose ng tanghali ay di pa agad na umuwi si Ms.Felomino, tinapos niya pa ang kanyang lesson plan. Siguro ay mga alas kwatro na siya ng hapon nakalabas sa eskwelahan, wala siyang masakyang jeep kaya napagpasyahan niyang maglakad lakad na muna, may malapit na talipapa roon kaya siguro ay may pila ng tricycle. Kahit magbayad nalang siya ng special, basta makasakay lang.

“Galunggong, tilapia te malinis na!” sabi ng pamilyar na boses. Napalingon siya at nanlaki ang mata nang makilala ang batang nagtitinda ng isda sa isang gilid..

Si Janedel! Suot pa nito ang uniporme sa eskwela kaya halatang dito na dumidiretso.

Advertisement

“Ang bait talaga ng anak ni Edong, kahit nawala na ang nanay ay siya na ang naglalako para makatulong sa tatay niyang mangingisda.” sabi ng isang tindera na malapit lang sa kanya.

“Oo nga, bihira na ang ganyang bata. Biruin mong galing sa eskwela yan at didiretso dyan buong hapon? Nakababad sa araw ang batang yan pero walang reklamo, di umuuwi hanggang hindi nakakaubos..”

Parang tinutunaw naman ang puso ni Ms. Felomino. Nais niyang kamuhian ang sarili dahil sa kagaspangang ipinakita sa bata.

Kinabukasan, tahimik na nagsusulat ang mga bata sa kanilang notebook nang biglang tawagin ni Ms. Felomino si Janedel sa unahan.

“Ma’am..p-pasensya na ho. Hindi ko ho nakabisado lahat ng multiplication table, pero may ilan ho akong sinubukang aralin kagabi..” natatarantang sabi ng bata.

Bumuntong hininga ang guro at nagsalita, “Class, tignan ninyo si Janedel. Ganito ang halimbawa ng mabuting bata..maganda iyong magaling kayo sa eskwela pero mas maganda iyong mabuti ang mga puso ninyo. Si Janedel ay tumutulong sa tatay niya, sa murang edad niya ay alam na niya ang ibig sabihin ng malasakit at sakripisyo. Kaya siya maraming kuto ay nagbababad siya sa initan para magtinda ng isda, kaya marumi ang uniform niya ay dahil sa palengke siya nakatigil palagi. Pasensya kana Janedel, nagkamali si Ma’am. At salamat, dahil naturuan mo ako ng magandang aral,”

Gulat man ang bata ay napangiti ito, nagpalakpakan naman ang mga estudyante.

Lalong tinutukan ni Ms. Felomino si Janedel dahil alam niyang hirap ang bata na mag-aral sa bahay, dahil doon ay naging ganado ito lalong mag aral. Kahit na ano pang pagsubok ang pagdaanan ay naging sandalan niya si Ms. Felomino, hindi niya kailanman ninais tumigil sa eskwela dahil sa hirap ng buhay.

Advertisement

Lalong minahal ng mga estudyante ang babae dahil natutunan niya na ngayon ang layunin ng isang guro. Turuan at hubugin ang mga estudyante, magaling man sila o hindi.