Minamaliit ng mga Tao ang Babae Dahil Nagtitinda Siya ng Kalamay, Gulat ang Lahat Nang Ikayaman Niya Ito

Dalaga pa lamang si Tanya nang simulan niyang ipagpatuloy ang negosyo ng yumaong ina. Nagtitinda ito ng kalamay na namana pa nila ang recipe sa kanilang mga ninuno. Madalas ay pinagtatawanan siya ng mga kakilala at kaibigan habang sinasabing hindi iyon ikauunlad ng babae.

“Tanya! Naka-graduate ka naman. Bakit nagtitiis kang magbenta niyang kalamay mo? E sa totoo lang pansin kong maliit lang ang kinikita mo d’yan,” tanong ng kapit-bahay niyang si Ester.

“Naniniwala naman ho akong balang-araw ay makikilala rin ang kalamay namin. Mula pa ho ito sa mga ninuno ko e,” paliwanag nito.

“Nako. Parang nagsasayang ka lamang ng pagod d’yan. Marami nang ibang nagtitindi niyan,” tila ayaw nitong sumuko sa pagpapahina ng loob ni Tanya. Para sa kanya’y nagmamalasakit lamang siya.

Halos lahat ay ganyan ang sinasabi kay Tanya. Pati ang mga kapatid niya ay walang tiwala sa ginagawa niya. Kahit papaano kasi’y maganda na ang buhay ng mga ito kung ikukumpara sa pamumuha ni Tanya. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin pinanghinaan ng loob ang masipag at matiyagang dalaga.

Lumipas ang ilang taon, at maraming oportunidad at alok na trabaho rin ang tinanggihan ni Tanya. Pansin niyang lumalaki na ang business na sinimulan niya. Nagsimula siya noon na inaalok lamang sa mga kapit-bahay ang kalamay, ngunit ngayon ay nakapag-ipon na siya at nakapag-renta ng maliit na stall sa palengke malapit sa kanila. Natutustusan ni Tanya ang mga pansariling pangangailangan niya, ngunit nag-iba ang lahat nang mag-asawa siya.

Suportado ng kanyang mister na si Eric ang mga pangarap ng asawa. Kaya naman pilit nilang pinagkakasya ang pinagsamang kita ng mag-asawa. Nakaraos sila hanggang sa mag-binata ang panganay nila.

“Mahal? Kinausap ako ng panganay natin. Gusto raw sana niyang mag-doktor. E iniisip ko, hindi naman ata kakasya ang ipon natin sa pagpapa-aral sa kanya ng medisina,” ‘ika ni Eric.

Advertisement

“Ganoon ba? Kaunting tiis na lang. Unti-unti naman nang nakikilala ang kalamay na binebenta ko.”

“Paano kaya kung ihinto mo muna ‘yan, at tanggapin muna natin ang offer sa atin na magtrabaho sa ibang bansa?”

Napaisip si Tanya. Ayaw sana niya itong gawin, ngunit ayaw din naman niyang pigilan ang pangarap ng anak. Kaya naman napagdesisyunan niyang itigil muna ang lumalagong negosyo at maghanda na sa pagpuntang Taiwan upang maging OFW kasama ang asawa.

“Mare! Huling linggo ko nang magbebenta. Matagal-tagal akong mawawala. Punta ka naman dito.” sambit ni Tanya sa isang kaibigang tinawagan sa telepono.

Namamaalam na siya sa mga customer niya at binigyan pa ng tig-iisang libreng Ube Kalamay na padespedida niya sa mga suki.

“Ang sarap-sarap talaga nito! Sayang naman at aalis ka na. Ito lang ang kalamay na kinakain ng anak ko e,” ‘ika ng isa sa mga suki niya.

“Nako, ayaw ko man ho pero walang magagawa. Kailangan lang hong magtiis para sa kapakanan ng anak ko.”

Sumapit na ang alas kwatro ng hapon at nagliligpit na si Tanya. Halos maluha pa ito dahil sa susunod na araw na ang alis nilang mag-asawa patungong ibang bansa.

Advertisement

“Ma’am? Pwede ko ho ba kayong maistorbo sandali?” nakangiting tanong ng isang lalaki na naka-kurbata pa.

“Ha? B-Bakit? Para saan?” tanong ng nagtatakang si Tanya.

“May nakapagsabi ho kasi sa akin na isang kaibigan na ibang klase ho iyong mga binebenta ninyong kalamay. Isa ho akong food vlogger. Nais ko lang ho sana kayong isama sa isa sa mga videos ko,” isa palang sikat sa industriya ng pagkain ang lalaki.

Agad namang pumayag ang tuwang-tuwang si Tanya.

Natapos ang interview, at kinuhanan rin ng mga litrato ang iba’t-ibang klaseng kalamay na niluluto niya. Nagpasalamat ang binata at kinamayan pa siya. Hiningi rin nito ang kanyang numero.

Lumipas ang ilang araw at lilipad na patungong ibang bansa ang mag-asawa. Labis ang pag-iyak ni Tanya dahil masakit para sa kanya na iwan ang dalawang anak sa pangangalaga ng ibang tao. Ngunit alam niyang ito lamang ang sagot upang makamit ng anak ang pangarap. Nang biglang tumunog ang kanyang cell phone.

“Hello?”

“Ma’am Tanya? This is Sam from Axel Corporation. Isang food company po kami na kilala sa pagpromote ng mga pagkaing sariling atin. Mga gawang Pilipinas po. Nais po sana namin kayong makausap ng personal. May offer po sana kami para sa inyo at sa mga tinda ninyong kalamay,” ‘ika ng isang lalaki na tumawag sa kanya.

Advertisement

Nanlaki ang mata ni Tanya. Dahil maaga pa naman, kinita niya sandali ang lalaki. Doon, binigyan siya ng offer na nagkakahalaga ng P2,000,000.00 para lamang simulan ang kanyang negosyo kasama ang kumpanya. Ipinaliwanag sa kanya na lalaki pa ito kada buwan. Halos maiyak naman sa tuwa ang ginang.

Agad niyang tinawagan ang asawa.

“Eric! O, Diyos ko! Hindi na natin kailangan umalis!”

At magmula noon, ipinagpatuloy na nga ng ginang ang negosyong dating minamaliit ng mga tao. Pinatunayan niyang walang imposible basta’t may tiyaga at sipag ka. At nang dahil sa pagtitinda ng kalamay, gumanda nang lubos ang kanilang buhay. Nakapagtapos ng medisina ang kanilang panganay, habang ang pangalawa naman ay nagtapos ng business administration upang ituloy ang negosyong sinimulan ng ina.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!