Masaya Ako Para kay Papa

Isang taon pa lamang ang anak ni Zenaida na si Caroline nang makatanggap siya ng tawag. Ang tawag na hindi niya alam ay makakapagpabago sa buhay niya.

“Zenaida! Wala na ang asawa mo. Bumagsak ang eroplanong sinasakyan niya, at natagpuan daw ang katawan niya,” umiiyak na balita ng isa sa mga katrabaho at kaibigan ni Gregorio na si Alfred.

Nang maiuwi ang labi ng kanyang asawa, sinubukan pang tingnan ni Zenaida ito sa huling pagkakataon. Ngunit hindi niya na makilala ang mister dahil lasog-lasog na ang katawan nito nang dahil sa laki ng pinsalang natamo mula sa pagsabog at pagbagsak ng sinasakyang eroplano.

“Magpaalam ka na kay papa. Sabihin mo mahal na mahal natin siya,” umiiyak na sabi ni Zenaida sa wala pang muwang na anak habang dahan-dahang ibinabaon sa lupa ang kabaong ng kanyang mister.

Gusto mang bumigay at sumuko na lamang sa buhay ay hindi magawa ni Zenaida dahil alam niyang siya na lamang ang natitirang magulang at masusulingan ni Caroline. Kaya naman labis siyang nagpakatatag at nangakong gagawin ang lahat upang maitaguyod mag-isa ang bata kahit wala na ang kanyang asawa.

Ngunit kahit nagpapakatibay, hindi maiwasan ni Zenaida ang mga gabing labis na nangungulila sa asawa. Kahit ilang taon na ang lumipas ay para bang sariwa pa rin ang sakit na dulot ng pagbagsak ng eroplanong ‘yon.

Isang gabi, napakalalim ng mga paghugot ng hininga ni Zenaida nang dahil sa pag-iyak. Ika-labindalawang taong anibersaryo kasi ng pagkawala ni Gregorio kaya’t naisipan niyang tingnan ang mga luma nilang litrato. Natigilan siya sa pag-iyak nang bigla siyang niyakap ng ngayong labintatlong gulang nang si Caroline.

“Mama? Tahan na po. I love you,” pag-aalo ni Caroline sa ina. At gaya ng mga lumipas na taon, humugot muli ng lakas ang ina sa kanyang anak na magpatuloy na lumaban.

Advertisement

Pitong taon pa ang lumipas, at dumating na rin ang araw ng pagtatapos ni Caroline sa kolehiyo. Masayang-masaya si Zenaida dahil hindi niya akalaing kakayanin niyang maging single mother ng isang napakahusay, napakatalino, napakabait, at napakamapagmahal na anak.

Bilang selebrasyon ay naisipan niyang dalhin ang anak sa isang mamahaling restawran. Mataas na ang posisyon ni Zenaida sa pinapasukang kompanya bilang isang Manager kaya naman hindi na problema sa kanya ang pera.

Habang masayang kumakain ang mag-ina, halos mabilaukan si Zenaida nang mapalingon sa kabilang mesa. Hindi siya pwedeng magkamali… Si Gregorio iyon, ang kanyang namayapang asawa!

“Mama? Uy, mama! Ayos ka lang? Bakit po?” sunod-sunod na tanong ni Caroline nang makitang tulala at tila ba nanigas ang kanyang ina.

Nilingon ni Caroline ang kanina pa tinititigan ng kanyang ina, at maging siya ay nagulat. Kahit pa hindi niya na halos nakilala ang ama, kabisado rin niya ang mukha nito dahil napakaraming larawan ni Gregorio ang mayroon sila sa bahay.

“Ma! Si papa ba ‘yan?! Paano ‘yon nangyari?!” gulat na tanong ng dalaga sa ina.

“Si Gregorio nga iyan… Hindi ako pwedeng magkamali… Siya ang asawa ko,” naluluha nang sagot ni Zenaida.

Tatayo na sana si Zenaida upang lapitan si Gregorio nang bigla na lamang siyang pigilan ng kanyang anak.

Advertisement

“Ma, tara na. Alis na tayo. May pupuntahan pa tayo,” biglang naging seryoso ang tono ng dalaga.

“Ha?! Bakit? E lalapitan pa natin ang papa mo!” sagot ni Zenaida, ngunit natigilan siya nang makitang isang babae na halos kaedaran niya ang lumapit kay Gregorio, kasama pa ang isang dalaga na halos kaedaran din ni Caroline.

“Daddy Greg! Kanina pa po ba rito? Sorry po. Si mommy kasi, ang tagal mag-shopping!” bulalas ng dalaga sabay yakap kay Gregorio.

“Gregorio, kanina pa nakatingin sa’yo ‘yong dalawang babae sa kabilang table. Kilala mo ba sila?” sabi ng babae.

Bago pa man makalingon si Gregorio, nagmadali nang lumabas si Zenaida at si Caroline. Biglang pumara ng taxi ang dalaga at dali-daling sumakay ang dalawa.

Nang makababa, takang-taka naman si Zenaida dahil sa sementeryo sila pumunta.

“Anak, bakit tayo nandito? Ayos ka lang ba?” naiiyak na tanong ni Zenaida sa dalaga.

“Mama, alam kong si papa ‘yong nasa restawran kanina. Hindi na natin kailanman malalaman kung bakit niya tayo nagawang lokohin. Pero mama, masaya na ako para sa kanya. Dahil sa ginawa niya sa atin, naging napakalaki ng respeto at paggalang ko sa iyo,” nagsimula nang humagulgol ang dalaga.

Advertisement

“Maraming salamat sa lahat ng sakripisyo mo, mama. Mahal na mahal kita,” dagdag pa ni Caroline sabay yakap ng mahigpit sa kanyang ina.

Lumuluha si Zenaida nang dahil sa sakit na naramdaman nang malamang buong buhay ng anak niya’y niloko lang pala sila ni Gregorio, ngunit lahat ng iyon ay napawi nang dahil sa mga sinabi ng kanyang anak.

Inilabas ni Caroline ang ilang piraso ng bulaklak at inilapag sa puntod.

“Ang bulaklak na ito ay magiging simbolo na para sa akin ay matagal na siyang wala. At kahit na anong mangyari’y hindi ako magmamakaawang balikan niya tayo. Dalawang dekada naman na nating napatunayan na kaya nating dalawa ‘di ba, mama?” ani Caroline.

“Oo naman, anak! Basta’t tayo’y magkasama,” lumuluha ngunit nakangiting sagot ni Zenaida.

Niloko man siya ni Gregorio, hindi na naghangad pa ng paghihiganti si Zenaida. Dahil para sa kanya, labis na biyaya na ang ibinigay sa kanya dahil lumaking mabuting tao ang anak niya.