Natuwa ang Ina sa Reklamo ng Anak na Makati ang Palad Niya, Ang Akala Nitong Swerte ay Isang Kadiring Pangyayari na Pala

Kilalang mapamahiin ang asawa ni Raul na si Teresa. Bago pa man ikasal ay napakarami na nitong pamahiin.

“Raul! Ano ka ba? Bawal mo akong makita na suot ang aking traje de boda! Hindi matutuloy ang kasal!” sigaw ni Teresa nang sinubukang sumilip ni Raul sa kwartong pinagusukatan ng damit pangkasal ng babae.

“Ang dami namang bawal!” tatawa-tawang sabi ni Raul.

“Pero siyempre, mahal na mahal ko pa rin,” dagdag nito habang papalayo na sa kwarto.

Kahit noong nagsasama na sila ay napakarami na nitong ipinapagawa, maging ipinagbabawal upang swertehin daw ang kanilang tahanan.

Sa ilang taong pagsasama nila, halos kabisado na ni Raul ang mga pamahiin na labis pinaniniwalaan ng kanyang misis. Bawal magwalis sa gabi, delikado ang makasalubong itim na pusa, huwag na huwag didiretso sa bahay kapag nanggaling sa pakikipaglamay, at maraming-marami pang iba.

Kahit nang magkaanak na sila, ganoon pa rin ang pag-uugali at paniniwala ni Teresa.

Isang araw, nagising ang panganay niyang 22-anyos na anak na si Cecille sa pagrereklamong ang kati-kati raw ng palad nito.

Advertisement

“Mama! Hindi ako makatulog! Ang kati-kati ng palad ko,” iiyak-iyak na sabi ng dalaga.

“Ang palad mo? Wow, anak! Magkakapera ka!” tuwang-tuwang sabi nito.

“Mama naman e! Sobrang kati po talaga,” inis na sabi ni Cecille.

Namumula na ang kamay ng dalaga dala ng labis nitong pagkakamot. Nilagyan niya na lamang ito ng kaunting ointment upang maibsan ang pangangati, at sa wakas ay nakabalik na siya sa pagtulog.

Kahit pansamantalang nawala ang pangangati, pagkagising niya kinabukasan ay ganoon pa rin ang kanyang nararamdaman. Hindi na niya alam kung sa paanong paraan pa kakamutin ang kanyang mga palad. Nang makapasok sa trabaho, agad siyang nagreklamo sa kanyang katrabahong pinsan.

“Uy, Cecille! Anong nangyari sa kamay mo? Ang pula-pula na!” pag-aalala ni Tracy, ang kaibigan at pinsan niya sa opisina.

“Kagabi pa iyan. Sobrang kati talaga. Hindi ko alam ang nangyari,” sagot ni Cecille.

“Baka nakagat ng kung ano. O kaya nama’y nakakain ka ng kung anong bawal sa’yo? Palagyan mo ng gamot sa mama mo,” payo ni Tracy.

Advertisement

“Si mama? Nako! Wala kang aasahan doon! Ang sabi pa, makati ang palad ko kasi magkakapera raw ako! Huwag ko na raw masyadong pansinin at mawawala rin daw ito. Kung tutuusin nga ay swerte pa raw ako,” kwento niya habang hiyang-hiya.

Tawang-tawa naman si Tracy. Simula pa noong mga bata pa lamang sila ay kilalang-kilala na nga niya ang pag-uugali ng kanyang Tita Teresa. Noon ngang balak niyang magpakasal ay agad iyong naudlot dahil nalaman ni Teresa na magsasabay sila ng kanyang kapatid. Malas daw iyon at magiging sukob ang kasal. Iiling-iling na lamang na sumunod noon si Tracy.

Nang makauwi, naisipan ni Cecille na sa kanyang ama na magsabi.

“Papa, tingnan niyo po. Sobrang kati na talaga. Ano po kayang nangyari rito? Sabi ni mama, magkakapera raw ako?” wika ni Cecille sa kanyang papa.

Nanlaki ang mata ni Raul nang makita ang palad ng anak.

“Naku po! Kailan pa ‘yan? Halika’t pumunta na tayo sa doktor!” wika ni Raul sa anak. Naulinigan naman ito ni Teresa at agad sumabat.

“Doktor? Bakit? Magkakapera lamang ‘yan! Magtiwala ka, nangyari na ‘yan sa akin noon,” saad niya.

Sa panahong iyon lamang hindi nakinig si Raul sa kanyang mapamahiing asawa. Agad niyang dinala ang dalagang anak sa ospital, at natuklasan ngang mayroon itong fungal infection sa kamay. Natamo pala ito ng kanyang anak nang minsa’y pumunta sa isang animal shelter at nag-alaga ng ilang aso at pusa.

Advertisement

“May ringworm ho sa loob ng kamay ng anak ninyo kaya hindi matigil ang pagkati. ‘Wag kayong mag-alala at kaunting gamot lang ay mabilis iyang mawawala,” payo ng doktor.

Mabuti na lamang daw pala ay nadala na sa ospital si Cecille, dahil kung hindi ay baka buong katawan na niya ang nahawa ng impeksyon na iyon.

Laking pasasalamat ng inang si Teresa na dinala ng kanyang asawa ang anak sa ospital. Magmula noon ay natutunan ni Teresa na ilagay sa lugar ang paniniwala sa mga pamahiin.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!