Bwisit na Bwisit si Misis sa Sobrang Mapamahiin ni Mister, Ngunit May Dala rin Palang Swerte ang mga Ito

“Nakakabadtrip talaga! Ang baho-baho na naman ng anak ko! Bawal maligo ngayon kaya utang na loob, Joseph! Pumasok ka rito sa bahay at napakainit!” Sigaw ni Phoebe sa anak.

Biyernes kasi ng araw na iyon at sa kinalakihang pamahiin ng kanyang asawa ay bawal maligo tuwing Martes at Biyernes ang mga bata.

“Kita mo?! Deputr*s kang bata ka! Pawis na pawis ka na naman, magsama kayo ng tatay mo!” Iritang-irita na pinupunasan ni Phoebe ng tuwalya ang likod ng anak.

Limang taon na ngayon si Joseph at simula noong nagbuntis sa anak si Phoebe ay sa probinsya na sila nanirahan. May sariling bahay doon ang asawa niyang si Ronald at kasama nila ang kanyang ina na mag-ootsyenta na’y malakas pa rin.

Laking Tondo si Phoebe at nakapagtapos ng welding sa TESDA. Ngunit hindi pa niya nagamit ang mga natutunan dahil pagkatapos na pagtapos ng kanyang pag-aaral ay nabuntis siya ni Ronald. Nakilala niya ang mister sa FB at nang personal na magkakilanlan ay agad silang nagpakasal.

Mabait at responsable ang kaniyang mister at nabibigyan naman sila nito ng masaganang buhay. Dumating man ang maliliit na problemang pang-pinansiyal ay nalalagpasan naman nila iyon dahil na rin sa pagiging madiskarte nito.

Mahal na mahal niya ito ngunit simula noong tumira sila sa probinsya at mabuntis ay doon niya lamang natuklasan na nuknukan palang napaka-mapamahiin ng mister.

Noong siya’y nagdadalang tao ay lubos niyang napatunayan ito. Bukod kasi sa buwanang check-up niya sa center ay buwan-buwan rin naman ang punta nila sa albularyo.

Advertisement

Doon ay naranasan niyang malangisan sa noo, tiyan, dibdid, likod at talampakan. Dinikitan din siya ng packing tape na sinulatan muna at dinasalan bago ilagay sa kanyang noo, siko, tuhod at sakong.

Naranasan din niyang madasalan na akala mo’y sinasaniban na siya. Pinagsuot rin ito ng telang itim na pinahid muna sa mga rebultong di naman niya kilala kung sino at iyon daw ang gagamitin niyang kumot tuwing gabi.

“Huwag lalabhan at mawawala ang bisa.” Kabilin-bilinan ng mister.

At ang pinaka-ayaw niya pagkatapos ng lahat ng iyon ay hindi raw maaring maligo ng tatlong araw. Proteksyon daw iyon sa mga buntis sa kanila.

“Hoo! Grabe. Pagkatapos kong malangis-langisan, laway-lawayan at kung ano anong orasyon, uuwi ako ngayon at ‘di puwedeng maligo! NAPAKALAGKIT, RONALD!!!!” Nanggigil na pahayag ni Phoebe noon sa asawa.

“Hayaan mo na, wala namang mawawala sa ‘yo kung sumusunod tayo sa mga pamahiin ‘di ba? Lumaki ako sa albularyong iyon kaya alam kong mapagkakatiwalaan siya, mahal.” Malambing na sagot ng mister nito.

Nakapanganak na si Phoebe at ang ina ni Ronald ang nag-alaga sa sanggol habang nagpapalakas ang misis. Buong akala niya ay sa pagbubuntis lamang maraming pamahiin, mas malala pa pala sa bagong panganak.

Katulad na lamang ng paghihintay niya ng labing limang araw bago makaligo pagkatapos manganak at ang tubig na ginamit rito ay punong-puno ng kung ano-anong dahon.

Advertisement

Hindi rin siya pinayagang magdamit na bukas o kita ang likod dahil mawawalan raw siya ng gatas at marami pang iba na tahimik na lamang niyang tinitiis sundin.

Ngunit talagang nais ipaglaban ni Phoebe na magalaw ang pera ng kanilang anak. Simula bata pa si Joseph ay inipon na ng mister nito ang mga perang inaabot para sa bata at hindi pa rin ginagalaw ni isang kusing hangang ngayon.

“Mahal, bili tayo ng mga coloring book ni Joseph. Kunin natin sa ipon niya ang gagastusin. Magkano lang naman iyon?” Lambing ni Phoebe sa mister.

“Magkano ba ‘yon? Ako na lang ang gagastos. Sa sahod ko. Ibibili ng kalabaw ang naipon ni Joseph sa susunod na buwan.” Sagot ng kanyang mister.

“Ha?! Anong kalabaw ka d’yan? Akala ko ba para ‘yon sa mga pangangailangan ni Joseph kaya natin inipon? At aanhin ang kalabaw, aber? Saang lumalop mo ‘yan aalagaan dito?” Sunon-sunod na bira ni Phoebe sa mister.

“Mahal, pamahiin namin na ang unang sampung libong maitatabi ng bata ay kinakailangang ibili ng puting kalabaw at pagkatapos patabain ay ibebenta. Para ito sa maginhawang buhay.” Mahinahon na paliwanag ng kaniyang mister.

Umalis na lamang si Phoebe at nagsiga sa likod. Sa isip-isip niya’y di siya kailanman mananalo sa kanyang asawa lalo na’t sa pamahiin na naman nakabase ito.

At naibili na nga ng kalabaw ang inipong pera ng anak. Naibenta na rin ang kalabaw at ang pinagbentahan ay inipon ni Ronald para ito ay makapag-abroad. Simula noon ay talaga namang sunod-sunod nga ang dumating sa kanilang suwerte.

Advertisement

Nakapag-abroad ang mister nito at napaayos ang kanilang bahay. May sarili na rin siyang maliit na sari-sari store at mas maayos na ang kanilang buhay. Di gaya noon na tipid na tipid sila sa lahat ng bagay upang mapagkasya ang sahod ng mister sa pangaraw-araw na pangangailangan.

Lumipas ang maraming taon at lumaking mapagmahal at responsabeng anak si Joseph.

“Alam mo anak, mukhang totoo lahat ng pamahiin na pinagagagawa ng tatay mo noong bata ka pa. Tignan mo ang buhay natin ngayon, maunlad na dahil sa puting kalabaw.” Wika ni Phoebe sa anak niyang ka-video call niya.

Si Joseph ay kasalukuyang nasa Singapore. Doon nag O-OJT ang anak nito at HRM ang kinuhang kurso.

Simula noon ay tinanggap na ng buong puso ni Phoebe ang lahat ng mga pamahiin ng angkan ng kaniyang asawa at tumatawa na lamang ito sa tuwing may naririnig na nagmamaktol tungkol dito.

Tanggap niya ang asawa kahit minsan ay tila katawa-tawa na lamang ang mga paniniwala nito. Buo ang tiwala niya sa kaniyang mister at mataas ang respeto niya dito. Isa rin iyon sa sangkap ng kanilang busilak at puno ng grasyang pagsasama.