Ang Secret Ni Madir!

“Ma, boyfriend ko po.”

Ipinakilala ni Belle ang boyfriend niyang si Ralph sa madrastang si Fina, isang araw. Napansin niyang nagulat ang madrasta nang makita ang lalaki. Siguro’y nabigla nang malamang may boyfriend na siya.

“Ma, okay lang naman pong magka-boyfriend ako, ’di po ba? Hindi ko po pababayaan ang pag-aaral ko, pangako,” kinakabahang wika niya sa ginang.

Ngumiti naman ito at tumango. “O-oo naman, anak! Pero kikilatisin kong maigi ’yang boyfriend mo, ayos lang ba?” sabi pa nito.

“Oo naman po, ma! Salamat!”

Malapit si Belle sa madrasta, dahil ito na ang nagpalaki sa kaniya simula nang iwan siya ng tunay niyang ina. Isa pa’y ni minsan ay hindi nito ipinaramdam sa kaniya na hindi siya nito tunay na anak. Mahal na mahal siya nito at ganoon din naman siya sa madrasta. Kahit pumanaw na ang kaniyang ama ay nanatiling buo ang samahan nila nito.

Ilang araw pa ang lumipas naging maayos naman ang lahat. Madalas na dumalaw si Ralph sa kanilang bahay at nagiging maganda naman ang kanilang samahan. Dinadalhan siya nito ng mga bulaklak, tsokolate at mga regalo at nararamdaman naman niyang mahal na mahal siya ng nobyo.

Ngunit nang medyo tumagal-tagal ay tila may napapansin siyang kakaiba sa pagitan nito at ng kaniyang ina-inahan. Isang araw kasi na galing siya sa eskuwela ay naabutan niya ang dalawa na nag-uusap sa kusina.

Advertisement

“Paano kung malaman ’to ni Belle?” tanong ng kaniyang madrasta kay Ralph.

“Hindi ’yan. Ako ang bahala. Basta, ’wag lang tayong papahalata, ’ma,” sagot naman ni Ralph dito.

“Ma? eh, samantalang Aling Fina lang naman ang tawag ni Ralph dito kapag nasa paligid ako, ah?” sa isip-isip ni Belle.

Simula noon ay lagi na niyang nakikitang nag-uusap nang patago ang dalawa. Gusto man niya silang komprontahin ay hindi niya magawa dahil wala siyang sapat na ebidensiya. Kaya’t isang araw ay nagpasiya siyang huwag munang pumasok sa school upang manmaman ang dalawa.

Nakita niyang lumabas ng kanilang bahay si Ralph, kasama ang kaniyang madrasta. Nakabihis ang mga ito.

“Saan kaya sila pupunta?”

Sumakay sila ng jeep kaya naman pinaandar niya ang inupahan niyang tricycle upang sundan ang mga ito, hanggang sa mapunta sila sa isang jewelry shop. Nakita niyang may binili sila ay tuwang-tuwa ang kaniyang madrasta!

Labis na nasaktan si Belle. Inaahas ba siya ng kaniyang mahal na ina? Niloloko ba siya ni Ralph?

Advertisement

Gusto niyang gumanti sa mga ito. Gusto niya silang ipahiya—pero pareho niya itong mahal. Nabuo ang desisyon niyang hihintayin niya na lang na sila na ang lumapit sa kaniya upang umamin.

Simula noon ay naging malungkutin si Belle. Hindi na niya madalas kausapin si Ralph at ganoon din ang madrasta. Paulit-ulit siyang tinatanong ng mga ito kung ano’ng problema ngunit hindi naman niya masabi.

Hanggang sa lumipas nang lumipas ang mga araw. Hindi niya napapansing 18th birthday niya na nga pala! Ngayon ay ang debut niya ngunit pumasok pa rin siya sa eskuwela. Napakalungkot ni Belle ngayong araw.

Nag-text si Ralph kaninang umaga. Ang sabi nito’y magkita raw sila mamaya dahil may gusto itong sabihin sa kaniya. Tila naman tinutusok ang puso ni Belle sa sakit. Mukhang alam na niya kung ano’ng sasabihin nito.

Dumating ang sandaling magkikita na silang dalawa. Sinundo siya ng nobyo sa eskuwelahan at dinala sa isang parke.

“Belle,” panimula nito. “May sasabihin sana ako sa ’yo.” Tila kinakabahan pa si Ralph.

Samantalang si Belle ay gusto nang bumigay at umiyak. Naiinip na siya dahil ang tagal namang tuluyang durugin ni Ralph ang puso niya. Gusto na niyang matapos ang kaniyang paghihirap.

“Belle, hindi ko alam kung ano’ng problema natin nitong mga nakaraang araw at ayaw mo akong kausapin. Siguro nagtatampo ka dahil nagiging busy ako nitong mga nakaraang buwan. Sana, maintindihan mo ako sa sasabihin ko,” sinimulan nang magsabi ni Ralph ng katotohanan. Nakatingin lang naman si Belle sa kaniya. “Madalas akong busy, dahil… nagpa-part time job ako, babe.”

Advertisement

Nagulat si Belle. Ang buong akala niya ay aamin na ito ngunit hindi pa rin pala.

“Bakit ka naman nagpa-part time job? Hindi ba sapat ang binibigay na allowance nina tito at tita sa iyo?” tanong niya. Gusto sana niyang sabihing, malamang, kulang ang allowance nito dahil dalawa sila ng kaniyang madrastang ibinibili nito ng regalo.

“Para dito…”

Biglang tumayo si Ralph at doo’y lumabas ang kaniyang madrastang si Aling Fina. May dala-dala itong cake at kasunod nito ang mga kaibigan niya!

“Surprise, anak!” sigaw ng madrasta pati na rin nina Ralph.

Gulat na gulat si Belle. Ano ang ibig sabihin nito?

“Anak, pagpasensiyahan mo na itong nobyo mo. Madalas kayong hindi magkita nitong mga nakaraang buwan, dahil kami ang magkasama…” pagsisiwalat ni Aling Fina.

“Naghahanda kasi kami ng isang maliit na party para dito sa kaarawan mo.”

Advertisement

Biglang lumuhod si Ralph sa kaniyang harapan at inilabas ang isang lalagyan. Isang singsing!

“Hindi pa ako mago-propose ng kasal, babe kaya ’wag ka munang maiyak,” pabirong sabi ni Ralph habang nakaluhod.

“Pero, p’wede bang patawarin mo na ako? Nag-part time job ako para mabili ko itong regalo ko sa ’yo. Ito ang simbolo ng pagmamahal ko sa ’yo, babe.”

Naiyak na nang tuluyan si Belle at nayakap niya si Mark. Tinakbo rin niya ang kinaroroonan ng madrasta at nagpasalamat siya rito.

Labis ang naging pagsisisi niya sa masamang inisip niya tungkol sa mga ito. Naging masaya ang party nang araw na iyon. Nang matapos ang kasiyahan ay kinausap niya sina Ralph at Aling Fina at inamin niya ang lahat ng dahilan ng kaniyang pagiging malungkutin nitong mga nakaraang araw.

Labis na nagulat ang dalawa, ngunit humingi rin ng tawad. Nalaman ni Belle ang kahalagahan ng tiwala sa bawat relasyon. Nangako siya sa mga ito, pati na rin sa sarili na buong puso na siyang magtitiwala sa madrasta at sa nobyo.