Nagsisigaw sa Sakit ang Babaeng Naligo sa Ilog dahil May Tumusok sa Kanya, Isang Diwata Pala ang May Kagagawan Nito

Hindi na makapaghintay si Sarah na makapagtampisaw sa pupuntahan niyang ilog kasama ang kanyang barkada.

Simula na ng bakasyon at napagkasunduan nilang magkakaibigan na mag-swimming. Niyaya sila ng isa nilang kasama na maganda raw puntahan ang ilog na malapit sa tinitirhan nito sa Laguna. Kaya hindi na sila nagpatumpik-tumpik pa at pinuntahan ito. Nang marating nila ang pakay ay biglang nalumo si Sarah.

“Teka, akala ko ba maganda? e, bakit ang labo ng tubig at parang madumi pa!” pag-iinarte ng babae.

“Ano ka ba, Sarah, sinumpong ka na naman ng pagiging maarte mo! Choosy ka pa ba?” sabi ni Rica.

“Eww! baka naman sobrang lalim niyan at baka malunod pa tayo!” pagmamaktol pa nito.

“Mababaw lang ang ilog na iyan. At saka marami nang naligo diyan at hindi naman nalunod,” sabi ng isa pa nilang kaibigan na si Eboc.

“Sige at ako na ang unang susubok!” hiyaw ni Cris na dali-daling tumalon sa ilog.

“Ano, Cris, ayos ba?” tanong ni Eboc.

Advertisement

Itinaas ng lalaki ang kaliwang hinlalaki sa kamay na tanda na maayos at ligtas ang tubig.

Dahil wala naman palang problema ay sabay-sabay nang nagsilanguyan ang magbabarkada sa ilog.

“Oo nga, ang lamig ng tubig!” sabi ni Rica.

Dahil nakita ni Sarah na nagsipagliguan na ang mga kasama ay naligo at sumisid na rin siya sa ilog.

Nagpakasarap sa paglangoy ang magkakaibigan. Maya-maya ay nagsawa na ang iba at umahon na sa tubig ngunit nawili yata si Sarah sa pagbababad habang kumakanta-kanta ng malakas.

“Hoy, Sarah hindi ka pa ba aahon diyan? Tara at kakain na tayo!” yaya ni Cris.

“Ayoko pa! Mauna na kayong kumain. Lalangoy pa ako!” sigaw ng babae sa maarteng boses nang bigla na lamang itong naghumiyaw at humingi ng saklolo sa mga kasamahan.

“Aray! Tulungan niyo ako, bilis!” hiyaw ni Sarah.

Advertisement

Nagulat ang mga kaibigan niya at nagsipuntahan sa ilog. Agad na tumalon sa tubig si Eboc para iligtas ang babae.

“Ano bang nagyari kay Sarah?” nag-aalalang tanong ni Rica.

Mabilis naman na naiahon ng lalaki ang babae. Tinanong nito kung ano ang nangyari at bakit ito sumigaw?

“Tulungan niyo ako, may tumusok sa tagiliran ko!” sigaw ni Sarah na halos hindi makakilos sa nararamdamang sakit.

“Bakit, anong tumusok sa iyo?” tanong ni Cris.

“Hindi ko alam, tignan niyo!”

Nang silipin ng tatlo kung ano ang tumusok sa katawan ni Sarah ay laking gulat nila nang makitang isa iyong malaking HITO at nakatusok ang ulo nito sa tagiliran ng babae.

“Ay, isdang hito ang tumusok sa iyo, Sarah!” sigaw ni Rica.

Advertisement

“Alisin niyo, bilis! Ang sakit!” patuloy na hiyaw ng babae.

“Kailangan ka naming dalhin sa ospital. Hindi natin alam, baka mas lalong mapasama kung kami ang mag-aalis niyan.”

Isinugod nila sa malapit na ospital si Sarah. Laking gulat ng mga doktor at nurse sa pangyayaring iyon sa babae. Ngayon lang kasi sila nakasaksi ng isang hito na nakadikit at nakatusok sa katawan ng isang tao.

“Dok, ngayon lang ako nakakita ng ganyan!” sabi ng babaeng nurse.

“Hindi ba nakakalason iyan, Dok?” tanong naman ni Cris.

“Wala pa namang insidente rito na may nalason sa isdang hito pero ngayon lang kami nakakita ng ganyan, hito na bigla na lamang tumusok sa katawan ng tao?” nagtatakang tanong ng doktor.

“Dok, parang-awa mo na, alisin niyo po ang hitong iyan sa katawan ko!” iyak ni Sarah.

“Huwag kang mag-alala, hija at kami ang bahala.”

Advertisement

Nang tatanggalin ng doktor ang nakatusok na hito sa tagiliran niya ay bigla na lamang itong nagulat.

“Diyos na mahabagin! Ano ito?” sigaw ng doktor.

“Ano pong nangyari, dok? ” tanong ni Rica

Laking pagtataka ng doktor ng biglang naging mahaba at matulis na kahoy ang naalis niya sa katawan ni Sarah at nawala ang isdang hito.

Biglang may naalala ang kasama niyang nurse. Ikinuwento nito ang sinabi ng yumaong lola na mayroon daw diwata na naninirahan sa ilog na iyon. Nagagalit daw ang diwata kapag nakakarinig ng maiingay na turista na naliligo sa ilog dahil nagagambala ng mga ito ang pagtulog ng diwata.

“Naku, iyong diwata ang may kagagawan ng nangyari sa iyo, Sarah!” wika ni Cris.

Matapos na magamot ang sugat ni Sarah ay pinuntahan nila ang ilog at nag-alay ng mga pagkain na tanda ng paghingi nila ng paumanhin sa diwata sa ginawa nilang paggambala rito.

Samantala, mula nang nangyari kay Sarah ang insidenteng iyon ay nabawasan na ang kanyang pagiging maarte.

Advertisement

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.