Morena Kay Ganda

“Kulay ulikba naman talaga yang si Hazel no. Sino kaya magkakagusto dyan? Parang hindi marunong maghilod.” bulong ni Cindy habang kumakain at umiinom ng softdrinks.

“Oo nga eh. Lakas pa ng loob magsuot ng kulay dilaw, aba litaw na litaw ang kulay ng negra!” tuwang-tuwang pang-aalaska ni Bet.

Madalas kinukutya nila Cindy at Bet si Hazel. Hindi kasi katulad ng dalawa na maputi at makinis, kulay Pilipina siya. Morena, hindi katangkaran at balingkinitan ang katawan ngunit sa kabila nito, malayo pa lang ang dalaga ay mapapalingon na ang kahit na sino sa lakas ng appeal na taglay niya. Ayaw mang aminin ng dalawang babae ay naiinggit sila.

Lalo na nang malaman nilang ang mga binatang napupusuan ay kay Hazel may gusto pareho.

“Yang Hazel na yan talaga, iba rin ang landing taglay eh! Kita mo, bibili sa tindahan nang nakasando? Kitang-kita ang dibdib! Sinong lalaki ang hindi mapapalingon aba? Pati ang baby boy ko nabibiktima!” galit na sabi ni Bet.

“Sinabi mo pa. Sigurado ako na sinasadya niya talaga magpapansin sa mga lalaki dito sa barangay natin. Sa bagay, baka totoo nga ang balitang pokpokita yang babae na yan. Halata naman.” dagdag ni Cindy, sinadya niyang iparinig sa dalaga.

Hindi naman umimik si Hazel. Nilagpasan niya lang ang dalawa ngunit nagulat siya nang may humila sa buhok niya.

“Mangde-dedma kapa! Kapal mo!” gigil na sabi ni Cindy, hindi na napigilan ang inis. Tumulong naman ang kaibigan niya kaya napailalim nila ang kawawang dalaga. Inginudngod nila ito sa lupa.

Advertisement

“Yan! Yan ang bagay sayo, hitad ka. Hasain natin ang makapal mong mukha para numipis naman!”

Dali-daling umalis ang dalawa habang naiwang nakahiga si Hazel. Punit-punit ang damit niya, at nanlalambot. Di niya akalain na ang inggit ay magdudulot sa kanya ng ganitong kapahamakan.

“Miss are you okay?” naaninagan niya ang isang binata na natatarantang tinatapik ang kanyang pisngi. Hindi siya makasagot, pilit niyang minumukhaan ito pero hindi niya talaga kilala. Kano pa.

Walang imik na binuhat siya ng lalaki, dinala sa ospital.

Mula noon, nagtaka ang lahat dahil di na nakita pa ng mga taga-barangay si Hazel. Di na bumalik pa roon ang dalaga.

“O Cindy, nakita mo na ba ulit yung Hazel na yon? Mag-iisang buwan na nating di nasasabunutan ha.” pabirong sabi ni Bet.

“Oo nga eh, nabo-bore tuloy ako!” dagdag ni Cindy at saka sila lubos na naghagikgikan.

“Baka nagpatiw*kal na kasi naawa sa sarili! Aba sino ba namang papatol sa kanya, saka wala iyong makakarating sa buhay no! Puro pagpapakita ng dibdib ang alam!” gigil na gigil na sabi ni Bet.

Advertisement

Makalipas ang sampung taon, may sariling pamilya na sila Bet at Cindy, sinubok rin ng panahon ang kanilang ganda. Di na sila makinis at maputi tulad ng dati dahil sa hirap ng buhay.

Napilitang maglako ng banana cue si Cindy at ito namang si Bet ay nagtinda ng ihaw-ihaw sa tapat ng isang paaralan para kumita ng pera. Napangasawa man nila ang kanilang mga hinahangaan noon, ngayon naman ay puro pabigat ang mga lalaki.

Walang trabaho pareho ang asawa nila Cindy at Bet, kaya nila napilitang ibilad sa araw ang iniingatan nilang kutis porselana.

“Naku Bet, tingnan mo o, laki ng initim ko. Badtrip kasi yang asawa ko eh, napakabatugan! Hindi man lang ako tulungang maglako!” daing ni Cindy.

“Aba walang pinag-iba yan sa asawa ko. Pinagbabantay ko na nga lang dito sa tindahan, aba nagagalit pa sakin! Sana daw eh hindi na ako ang niligawan niya! Dapat daw yang Hazel na yan nalang daw!” galit na galit na sabi ni Bet.

“Aba buhay pa yon? Ano mas maitim pa rin kaysa satin no?” pagbibiro ni Cindy.

“Hindi eh. Mas maputi na satin, panigurado. Nakapangasawa pala ng kano yon. Doon tumira sa Amerika, ang balita daw ay sobrang ganda na ngayon, napakayaman pa! Uuwi daw dito yon sa makalawa para sunduin ang pamilya niya.” inggit na sabi ni Bet.

Dumating nga ang araw ng uwi ni Hazel. Inabangan at pinaghandaan ito ng dalawa. Pero tila wala silang nagawa kundi mapanganga noong makita si Hazel.

Advertisement

Ubod ng ganda nito.

Ang nagpakunot lang sa kanilang noo, mayaman na nga ay hindi pa nagpa-puti. Ganoon pa rin ang kulay ng gaga!

“Hello, kamusta na kayo?” bati ni Hazel sa dalawa noong makita niya itong nakaupo sa tindahan katapat ng bahay nila.

Walang nasambit ang dalawa. Nakatitig lang sila sa magandang nilalang sa harapan nila. Inisip naman ni Hazel na baka hanggang ngayon may galit ang dalawa sa kanya kaya umalis na siya para makaiwas na rin sa gulo. Marahil ay nagtataka ang mga ito kung bakit nasa Amerika na siya ay hindi pa siya nagpa-puti.

Ang totoo kasi niyan, ang asawa niyang si Norman ay palaging nagpapaalala na maganda siya kahit ano pa ang kanyang kulay. Natural iyon, hindi kailangang magbalatkayo sa kaputian dahil wala naman sa kulay ng balat ang totoong kagandahan.

Maya-maya binasag ng asawa ni Bet ang pagkakatulala ng dalawa.

“Ano? Kabog kayo no! Sabunot pa more!” kantsaw nito at hinabol naman siya ni Bet dahil sa inis at selos.

Walang magandang maidudulot sa buhay natin ang inggit at tsismis. Mas mabuting tulungan mo ang sarili mong umangat kaysa ibaba ang iba para lamang masabing higit ka.

Advertisement

Images courtesy of www.google.com