Abusado ang Mga Dating Katrabaho ng Retiradong Abogado Kaya Binigyan Sila ng Leksyon ng Anak at Kasambahay Nito na Hindi Nila Malilimutan

Tapos na ang kontrata ni Ashton sa abroad. Ilang taon din siyang nagtrabaho bilang doktor sa isang ospital sa Pransiya at ngayon ay maaari na siyang umuwi sa Pilipinas.

Ang tanging nakakaalam ng kaniyang pagdating ay ang kasambahay nilang si Diego. Nais niya sanang sorpresahin ang kaniyang ama lalo pa’t ang araw ng paglapag ng eroplanong kaniyang sinakyan ay sa araw mismo ng kaarawan ng kaniyang ama na si Eduardo.

“May mga bisita ba si Daddy? Bakit mukhang maingay sa loob?”

Nang pumasok si Ashton sa kanilang bahay ay nadatnan niya ang kaniyang ama na masayang nakikipagkwentuhan sa ilang kalalakihan.

“Anak, ikaw ba ‘yan? Totoo ba itong nakikita ko? Diego, nakikita mo rin ba si Ashton?” Tuwang-tuwa si Eduardo sa napakagandang regalong natanggap niya sa kaniyang kaarawan. Makakapiling na niya ulit ang kaniyang anak at hindi na sila maghihiwalay dahil sa Pilipinas na ito magtatrabaho.

“Tikman niyo ‘tong alak na pinasalubong sa’kin ng anak ko. Masarap iyan. Sigurado akong magugustuhan niyo ‘yan,” buong pagmamalaki ni Eduardo sa kaniyang mga bisita.

Ilang araw pa lang simula nang makauwi si Ashton ay may napuna na siya sa mga bisita ng kaniyang ama na hindi niya nagugustuhan.

“Palagi bang bumibisita ang mga iyan? Ano ang sadya nila kay Daddy? Sa pagkakaalam ko ay matagal ng siyang retirado,” usisa niya kay Diego.

Advertisement

“Tatlong beses po sa isang linggo kung pumunta sila dito. Sa pagkakaalam ko ay tinutulungan sila ni sir sa mga kasong hawak nila.”

Isang magaling na abogado si Eduardo noong kapanahunan niya kaya hindi nakapagtataka na sasadyain siya ng mga dati niyang katrabaho para humingi ng tulong sa mga kasong hawak nila. Pero kailangan bang dito rin sila sa bahay kumain ng tanghalian, merienda at hapuhan tatlong beses sa isang linggo?

Araw ng Linggo at abalang-abala si Diego sa pagluluto ng mga pagkain para sa mga darating na bisita ni Eduardo nang madatnan siya ni Ashton sa kusina.

“Hindi ba masyadong marami iyang niluluto mong pagkain para sa ating tatlo? Mukhang pang isang linggo na iyang niluluto mo, ah,” biro niya sa kanilang kasambahay.

“Nanalo daw po sa kaso yung mga kaibigan ng tatay niyo at dahil malaki ang naging parte ng tatay mo sa pagkapanalo nila ay dito nila naisipang magdiwang. Isasama daw po nila yung mga asawa’t anak nila kaya dinamihan ko na po yung niluluto ko.”

“Bakit hindi na lang sila nagpa-catering imbes na ikaw ang nagpapakapagod sa pagluluto ng kakainin nila?”

Nagalit si Ashton sa sinagot ni Diego sa kaniya.

“Eh, hindi naman po naglalabas ng pera yung mga iyon tuwing bibisita sila dito. Yung stocks po natin ng pagkain ang ginagalaw ko palagi mapakain lang ang mga malalaking alaga nilang bulate sa kanilang mga bilbil.”

Advertisement

Hindi na rin maitanggi ni Diego na hindi rin niya gusto ang kostumbre ng mga bisita ng kaniyang amo.

Sobra na ang pang-aabuso nila sa tatay niya kaya katulong si Diego ay gumawa ng plano si Ashton para bigyan ng leksyon ang mga abusadong “buwisita.”

Lunes, unang araw ng linggo kung kailan binisita ulit ng mga dating katrabaho ang tatay ni Ashton. Sa pagkakataong ito ay imbes na magluto ng pananghalian para sa mga bisita si Diego ay umalis ito ng bahay para mag-grocery.

“Pasensya na kayo, ha. Late na kasing nasabi sa akin ni Diego na naubos na pala yung grocery na binili niya noong Sabado kasi niluto niya para sa victory celebration niyo kahapon. Ito na lang munang Skyflakes at tubig ang pagtiyagaan niyo,” hinging paumanhin ni Ashton sa mga bisita ng tatay niya.

Miyerkules ay bumalik ulit ang mga ito sa kanilang bahay ngunit umalis ang mga ito na kumakalam ang mga sikmura.

“Sabi ko naman kasi kay Diego magpahinga na siya, eh. Iyan tuloy nauwi sa trangkaso yung ubo’t sipon niya. Hindi kasi ako marunong magluto kaya pagtiyagaan niyo na lang iyang itim na hotdog at basang kanin. Laman tiyan din iyan kahit papaano,” alok ni Ashton sa mga bisita.

“Okay, lang kami. Huwag mo na kaming alalahanin. Busog pa naman kami,” tanggi ng isang bisita sa alok niya habang pinipigil naman niya ang kaniyang pagtawa dahil nakarinig siya ng mga malalakas na pag-alboroto ng tiyan mula sa kanila.

Pero sadya yatang makakapal ang mga mukha ng mga ito dahil bumalik ulit sila araw ng Biyernes.

Advertisement

“Kain lang kayo nang kain, ha. Masasarap ang mga iyan,” enganyo ni Ashton sa kanila. Lingid sa kanilang kaalaman ay nilagyan niya ng pangpadumi ang kanilang mga kinakain kaya matapos ang ilang oras ay nagmadali ang mga ito na mag-unahan papuntang banyo.

“Naku, kagabi pa hindi lumulubog yung tae diyan sa banyo. Tumawag na po ako ng mag-aayos niyan pero mamayang alas kuwatro pa daw siya makakarating,” pahayag ni Diego sa mga bisita nang makita niya ang mga ito sa harap ng pintuan ng c.r.

Nagsitakbuhan ang mga bisita sa kani-kanilang mga sasakyan para pumunta sa pinakamalapit na establisyemento at doon makigamit ng c.r. pero laking gulat nila nang makita nilang flat ang mga gulong ng kanilang mga sasakyan.

Wala silang nagawa kung hindi paika-ikang naglakad sa kanto habang hawak-hawak ang kanilang mga tiyan para doon mag-abang ng taxi na masasakyan.

Hindi nakalimutan ng mga dating katrabaho ni Eduardo ang kanilang karanasan. Simula noon ay nabawasan na ang pagbisita nila sa bahay nito at kung sakaling bibisita man sila ay palagi na silang may dalang pagkain na kanilang pinagsasaluhan.

Natuwa naman sina Ashton at Diego na natuto na ng leksyon ang mga ito at hindi na nila inaabuso ang kabaitan ni Eduardo.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!