Isang Misteryosong Texter ang Nananakot sa Binatilyo, Ginagantihan Lang Pala Siya Nito sa Naging Kasalanan Niya Dito Noon

“Ah! Buwisit kang bata ka!” sigaw ni T’yang Lerma.

Inis na inis ang babae sa kanyang pamangkin na si Alloy matapos siya nitong biruin sa banyo nang maglagay ito ng kunwaring putol na kamay sa may pinto.

“Biro lang, T’yang!” pigil ang pagtawang sabi ng binatilyo.

“Umalis ka nga dito at dun ka sa loob ng kuwarto mo!” inis na wika ng tiyahin.

Ang mga biro ni Alloy ay kalimitang nakaka-perwisyo ng kapwa imbes na makapagpasaya. Itinakwil na nga siya ng sariling ina dahil sa kalokohan niya. Siya kasi ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama na inatake sa puso dahil sa pagbibiro niya na kunwari ay nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.

Isang gabi habang nanonood siya ng nakakatakot na palabas sa TV ay nainis siya sa mga eksena.

“Kalokohan! May mga halimaw pa rin ba sa totoong buhay?” tawang-tawang sabi ni Alloy.

Nang biglang tumunog ang cellphone ng binatilyo. Nang basahin niya ang mensahe sa text ay labis siyang nabigla.

Advertisement

“Oo naman! Ang totoong halimaw ay ang kagaya mo!” sabi sa text.

Natawa siya sa nabasa. Sa isip niya ay may nagbibiro lang sa kanya. Dumungaw siya sa bintana para hanapin kung sinuman ang nagloloko sa kanya. Pero wala siyang nakita sa dilim ng gabi. Minabuti niyang replayan ang nag-text.

“Sino ka ba?” sabi niya sa text.

Hindi sumagot ang nag-text sa kanya. Ilang beses niyang pinadalhan ng mensahe ang nag-text ngunit wala siyang natanggap na reply rito.

Nag-init ang ulo niya sa trip ng texter. Para lumamig ang ulo ay bumangon siya sa kama at kumuha ng beer sa ref para magpaantok. Pero nakailang bote na siya ng beer ay ayaw pa rin siyang dalawin ng antok. Mayamaya ay muling tumunog ang cell phone ng binatilyo at agad niyang binasa ang mensahe.

“Narito ako sa labas!” anang text.

“Kanino kayang numero ito?” takang sabi sa isip ni Alloy. Nag-reply siya rito.

“Sino ka ba, ha?” aniya sa text.

Advertisement

Sumagot agad iyon. “Anong sino ka? Si Laila ‘to, girlfriend mo! Hindi mo isinave ang bago kong numero sa cellphone mo?” tanong ng kausap.

Napangiti ng pagkalaki-laki si Alloy.

“Laila, my love!” bulalas niya.

Patakbo niyang binuksan ang pinto. Dire-diretso namang pumasok sa loob ang nobya. Nakasimangot ito at mukhang mainit ang ulo.

“Pinagtataguan mo na ba ako? Ang tagal mo na akong ‘di idine-date a! May ibang babae ka na ba?” inis nitong tanong.

Parang maamong tupa naman ang binatilyo.

“Ako, may iba? Siyempre wala my love! Medyo marami kasing ginagawa dito sa bahay at alam mo namang walang kasama dito ang T’yang ko kaya hindi ako makalabas!”

“Ah basta! Labas tayo bukas ng gabi. Nami-miss ko na ang gumala kasama ka. Gumawa ka ng paraan!” anas ng babae.

Advertisement

“O s’ya sige, gagawan ko ng paraan! Promise,” sabi ni Alloy, na sa sobrang pagka-inlove sa nobya ay ginagawa ang anumang hilingin nito.

Sumapit ang gabi at tinakasan ni Alloy ang kanyang T’yang Lerma at nakipag-date kay Laila. Masayang-masaya ang babae dahil ipinasyal niya ito sa mall at kumain pa sila sa restaurant. Nanood din sila ng sine pagkatapos kumain.

Madaling araw na nang maghiwalay ang dalawa. Pagdating ni Alloy sa kanilang bahay ay naabutan niyang tulog na tulog na ang kanyang tiyahin sa kuwarto nito. Pagod na pagod siyang sumalampak sa sofa.

Mayamaya ay tumunog ang cell phone niya. May nag-text at binasa niya ang mensahe.

“Musta u?” sabi sa text.

“Okey lang! Hu u?” reply ni Alloy.

“Papa.”

“Papa hu?”

Advertisement

“Papatayin kita!”

Nagsalubong ang mga kilay ni Alloy. Nagmamadaling pumindot sa keypad.

“G*go! Sino ka ba?!” galit niyang tanong sa nag-text.

“Dito lang me sa labas ng bahay mo!”

Napamulagat si Alloy. Kinuha ang itak sa kusina at lakas-loob na binuksan ang pinto ngunit wala siyang nakitang tao sa labas ng bahay.

“Ginag*go talaga ako nun ah!” wika niya sa sarili.

Nang muling tumunog ang cell phone niya. May nag-text ulit.

“Akala mo ligtas ka na?” sabi sa text.

Advertisement

Pinanlakihan ng mata si Alloy. Kaagad na nag-reply.

“Sino ka bang le*se ka?” aniya.

Hindi na iyon sumagot pa. Bagkus ay bumulaga na lang iyon.

Nakakatakot at nakakarimarin ang iniluwa ng pinto.

Nagpakita sa kanya ang naaagnas na multo ng isang babae. Papalapit sa kanya.

“Lumayo ka! Lumayo ka!” sindak na sindak na sigaw ng binaatilyo.

Hanggang sa makalapit sa kanya ang mukha ng naaagnas na babae.

Agad niyang pinagtataga ng hawak na itak ang babaeng multo pero tumatagos lang iyon sa katawan nito.

Advertisement

“Hindi mo mapapatay ang dati nang patay!” anito.

“Sino ka ba? Bakit mo ‘to ginagawa sa akin?” takot na tanong niya rito.

“Hindi mo ba talaga ako natatandaan?” sabi ng babae sa nakakakilabot na boses.

Nang bigla niyang maalala ang mukha ng babae. Napagtanto niya na iyon ang multo ng kaklase niyang ni Melany na namatay nang atakihin ng hika sa ginawa niyang pagbibiro rito. Nagpakita ito sa kanya para maghiganti.

Parang mababaliw sa takot si Alloy, lalo na nang sunggaban ng babaeng multo ang kanyang leeg.

Nagwala siya sa pagkakasakal nito. Nagbitaw ng mga suntok.

Inipit naman ng multo ng dalawang kamay ang magkabilang sintido ni Alloy. Inipit ng mahigpit. Pahigpit nang pahigpit hanggang sa sabay na lumuwa ang mga mata ng binatilyo.

“Huwag, huwag!” sigaw ni Alloy.

Advertisement

Hindi niya namalayan na kanina pa pala siya pinagmamasdan ng kanyang T’yang Lerma. Umiiyak ito habang inilalabas siya sa bahay ng dalawang lalaki at isinakay sa sasakyan. Nakasuot siya ng straitjacket at nagsisisigaw.

“Layuan mo ako!” sigaw ng binatilyo.

Walang kaalam-alam si Alloy na bunga lamang ng kanyang imahinasyon ang lahat nang nangyari sa kanya at sa sobrang takot ay nasiraan siya ng bait at tuluyang nabaliw, kaya napilitan na ang kanyang tiyahin na ipasok siya sa mental hospital.

Sa kinahantungan ni Alloy ay napagbayaran na niya ang kasalanang nagawa sa kaklase. Nakamit na rin ng babae ang hustisya.

Talagang gagawa ng paraan ang tadhana para maituwid ang maling gawa, kahit pa sa hindi maipaliwanag na sitwasyon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!