Isinama ng Ina ang Cellphone ng Anak sa Puntod Nito, Nanindig ang Kanyang mga Balahibo nang Biglang Magreply Ito

Labis ang lungkot ni Precy nang malaman na ang kanyang nag-iisang anak na si Marvin ay pumanaw dahil sa isang ‘di inaasahang aksidente. Halos masiraan siya ng bait dahil silang dalawa na lang ang magkasama sa buhay matapos silang iwan ng dating asawa para sa ibang babae. At dahil sa labis na pagkahilig sa cellphone ng kaniyang anak, naisip niya itong isama sa loob ng kabaong ng anak.

Ilang araw lamang matapos ilibing si Marvin, naisip ng ina na i-text ang anak para lamang magkuwento kagaya noong buhay pa ito. Kahit alam niyang hindi na ito sasagot.

“Anak, kamusta ka na? Hindi ko na alam ang gagawin ko simula nang mawala ka. Parang nawalan na ako ng direksyon sa buhay.”

Matapos niya itong i-send sa kaniyang anak, agad siyang nakaramdam ng kaunting ginhawa at ligaya kahit alam niyang wala na ang anak para sumagot sa kanya. Kaya naman magmula noon ay wala nang humpay ang pagtetext niya sa anak.

“Alam mo ba, anak? Kanina hindi na naman ako nakakain. Wala na kasi akong ganang magluto e. Para saan pa, e wala naman nang kakain?”, text ni Precy kinagabihan.

“Anak! Kaarawan ko na ngayon. Niyayaya nga ako ng mga kaibigan kong lumabas. Kaso ayoko e. Gusto ko sana ikaw na lamang ang kasama ko.”

Pitong buwan na ang lumipas at tuloy pa rin si Precy sa pagtetext at pangangamusta sa anak gamit ang cellphone. Minsan ay nagpapasa pa ito ng kanyang mga litrato na nasa opisina, simbahan at mismong puntod ng anak. Labis na ngang nag-aalala ang mga kamag-anak ng babae dahil doon na umiikot ang mundo nito.

Lumipas na ang isang taon ngunit ganoon pa rin ang gawi ng ina, para kasi sa kanya ay hindi pa rin nababawasan ang kirot sa pagkawala ng anak. Kaya naman agad muli itong nagtext sa anak.

Advertisement

“Isang taon na tayong hindi magkasama pero sobrang sakit pa rin, anak. Napakasakit sa isang ina na mauna pang mawala ang anak niya kaysa sa kanya. Miss na miss ka na ni nanay. Minsan nga ipinagdadasal kong kunin na ako ng Panginoon upang maging magkasama na tayo d’yan.”, mensahe ni Precy sa kanyang anak habang tinitingnan ang mga natitirang larawan nito.

Ngunit dahil na rin sa tulong ng mga kaibigan at kamag-anak ni Precy, naisipan niyang subukan na lumabas-labas muli at subukang mag-enjoy sa buhay. Alam din niyang iyon ang gusto ng kanyang anak para sa kaniya. Kaya naman unti-unti ay sinusubukan na niyang bawasan ang pagtetext sa anak.

Isang araw, nagising si Precy na sa wakas ay may ngiti sa kaniyang mga labi. Lubos siyang naligayahan sa mga kwentuhan at tawanan sa birthday party na pinuntahan niya kagabi. Bigla nitong naalala ang anak na si Marvin, at naisipang magtext upang magpaalam na iyon na ang huling pagkakataon na magtetext siya.

“Hello, anak! Kumusta? Ako, sa wakas ay bumubuti na. Unti-unti ko nang natatanggap ang iyong pagkawala. Siguro nga ay masaya ka na sa langit. Kaya naman, palalayain na kita. Ito na ang huli, anak. Tandaan mo, mahal na mahal ka ni Mama. Sa takdang panahon ay magkakasama rin tayo.”, huling mensahe ni Precy sa anak. Matapos basahin ng mga tatlong beses ay sinend niya na ito sa numero ng kanyang anak.

Agad namang naligo si Precy dahil kaarawan naman ng kaniyang kapatid, at napag-usapang dadalaw siya sa bahay nito. Habang naglalakad siya palabas ng bahay ay biglang tumunog ang kanyang cellphone.

Akala niya’y ang kapatid niya lamang ang nagtext upang magtanong kung nasaan na siya, ngunit nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita kung sino ang nagtext.

“1 text message from Marvin”

Agad agad itong binuksan ni Precy. Nangangatog ang kaniyang mga kamay at hindi niya maintindihan kung ano ang nararamdaman.

Advertisement

“‘Wag na po kayong malungkot. Panigurado, nasa mabuting kalagayan ang anak ninyo.”

Takang-taka ang ginang sa mga nababasa. Hindi niya maintindihan ang mga nangyayari. Napaupo pa ito sa semento sa tapat ng kanilang bahay. At dahil sa labis na pagkagulat, agad itong nagreply.

“ANAK!? Buhay ka?! Paano?! Kamusta ka na? Asan ka?”

“Naku. Pasensiya na po. Si Carlo po ito. Bagong number ko ho ito. Natanggap ko ho kasi ang text ninyo. Pagkaka-intindi ko ho ay nawalan kayo ng anak?”, reply ng binata sa likod ng numero.

“HA? Ano bang sinasabi mo?”, agad na reply ni Precy. Hindi na siya makahintay sa sagot ng binata kaya naman agad na niya itong tinawagan.

Ipinaliwanag ng binata na maaaring ang numero ni Marvin ay nadeactivate na dahil sa tagal na hindi nagagamit, kaya naman nang bumili ng bagong sim card si Carlo ay nakuha niya ang numerong iyon.

“Maaari ba tayong magkita? Gusto ko lang makita ang bagong may-ari ng number ng anak ko.”, pakiusap ng ginang na hanggang ngayon ay di pa rin lubos na maintindihan ang nangyayari.

Agad namang pumayag ang magalang na binata. Awang-awa siya sa babae dahil siya mismo ay may nakakalungkot na nakaraan. Ilang taon pa lamang ang nakakalipas nang tumaob ang jeep na sinasakyan ng kanyang mga magulang at isang kapatid. Si Carlo na lamang ang naiwan sa kanilang pamilya dahil noong araw ng aksidente ay pumasok siya sa eskwela.

Advertisement

Nang magkita na ang dalawa sa isang restawran, nanlaki ang mga mata ni Precy nang makita ang binata. Magka-edad at kahawig ng mukha ng binata ang kanyang pumanaw na anak.

Agad namang nagkwentuhan ang dalawa, at tila agad na nagkapalagayan ng loob.

“Ano nga ho palang nangyari sa anak ninyo?”, tanong ni Carlo kay Precy.

“Isang araw kasi na papasok siya sa eskwela, tumaob ang jeep na sinasakyan niya. Sa kasamaang palad, hindi nakaligtas ang anak ko.”, ‘ika ni Precy, na naluluha na naman nang maalala ang nakaraan.

Nangilabot naman ang binatang si Carlo.

“Jeep ho? Jeep pa… papuntang… San Isidro?”, pautal-utal na tanong ni Carlo.

“Iyon nga hijo, bakit?”, nagtatakang si Precy. Halatang gulat na gulat ang binata nang malaman iyon.

“Doon din ho binawian ng buhay ang aking mga magulang at isang kapatid…”, ikinwento ni Carlo ang malungkot na trahedya ng kaniyang pamilya.

Advertisement

Gulat na gulat ang dalawa nang malaman na iisang trahedya ang kumitil sa buhay ng kanilang mga mahal sa buhay. Nagyakapan pa sila dala ng labis na pagkalungkot sa sinapit ng isa’t-isa.

“Ang bata mo pa, hijo. Saan ka nakatira ngayon?”

“Sa totoo lang, kung saan-saan ho. Sa mga kamag-anak, sa mga kakilala, sa mga kaibigan. Magmula kasi ng mawala si Mama at Papa, wala hong natira sa akin. Pinalayas na ho ako sa nirerentahan naming bahay dahil wala naman akong pambayad.”

Awang-awa si Precy sa binata, nakikita niya rito ang kaniyang anak na si Marvin. Kaya naman tinanong niya ang binata,

“Papayag ka ba kung sa bahay ko na lang ikaw titira? Libre ang pagkain, libre ang lahat, pati ang pag-aaral mo. Ang gusto ko lang, mapabuti ang buhay mo.”

Gulat na gulat si Carlo sa tulong na iniaalok ng ginang. Naluha siya sa labis na kabaitan na ipinakita nito. Kaya agad namang pumayag ang binata at nangakong magiging mabuting bata.

Matapos ang ilang taon, pinanindigan nga ni Precy ang pagtulong sa binata. Si Carlo nama’y nagsumikap sa pag-aaral at nakapagtapos ng kursong Accountancy. Itinuring na ni Precy na sariling anak si Carlo. Ina na rin kung ituring ni Carlo ang ginang. Kahit papaano ay nabawasan ang pagka-ulila nila sa kanilang mga namayapang kapamilya.

Natutunan ng dalawa na matapos ang isang trahedya, ay may liwanag at pag-asa na naghihintay sa mga taong lumalaban sa buhay.