Akala ng Bata ay Wala nang Pag Asa Pa ang Buhay Nila sa Malupit na Ina, Isang Bayani Pala ang Magliligtas sa Kanya

Pangalawa sa siyam na magkakapatid si Divina at sa murang edad ay namulat agad sa hirap ng buhay, dinagdagan pa ng kalupitan ng kanyang ina.

“Divina! Kumuha ka ng kamote doon sa likod at ilaga mo na tapos pakainin mo na yang mga kapatid mo!” sigaw ng ina ni Divina na si Aling Magdalena.

Malupit si Aling Magdalena sa mga anak nito. Papaano’y malas daw sa kanya at walang mga silbi. Halos gusto ng ipaampon o ipamigay ng ale ang mga anak nito nang yumao ang kanyang asawang si Mang Giroy dahil sa kagat ng ahas sa maisan na pinagtatrabahuhan nito noon.

Ngunit hindi magawang ipamigay ni Aling Magdalena ang mga anak dahil laging pinipigilan ni Divina.

“Ma, wag! Wag mo kami paghiwalayin ng mga kapatid ko. Wag ma! Ako nalang mag-aalaga sa kanila wag mo lang kami ipamigay!” nagmamaka-awang wika ni Divina sa ina.

“Letche kang bata ka! Siguraduhin mong ikaw magbabantay diyan sa mga yan. Mga malas kayo sa buhay ko!” wika ng ina.

Sampung taong gulang lamang noon si Divina ng kinakailangan niyang alagaan ang mga kapatid. Siya na ang tumayong ate sa mga ito dahil ang panganay nila ay naglayas sa kanila. Dahil na rin sa kalupitan ng ina.

Minsang umuwi ang kanilang ina na natalo galing sa sugal ay pinaggugunting nito ang kanilang mga damit.

Advertisement

Tatlong pirasong salawal na nga lang ang natira kay Divina. Hindi rin nagsasaing o nagluluto ang ginang. Binibigyan lamang siya ng bente pesos upang pagkasyahin sa buong araw.

Pero kahit ganoon ang buhay na kinamulatan ni Divina ay hindi siya tumigil sa pag-aaral. Pumapasok parin ito at ngayon ay mag hi-high school na.

“Ma, papasok po ako ng high school sa kabilang baryo,” wika ni Divina sa kanyang ina na naninigarilyo.

“Bahala kayo sa buhay niyo,” sagot ng ginang.

Ipinagpatuloy ni Divina ang pag-aral kahit pa hirap na hirap siya. Gumigising ito ng maaga para maglaga ng kamote sa mga kapatid, mag-igib ng tubig sa drum nila.

Ginigising niya ang kanyang katapid na si Susan para pagbilinan ito. “Susan, gising. Aalis na ang ate. Ikaw muna bahala sa mga kapatid natin ha. Basta ang importante kumain kayo. Hayaan mo ng makalat ang bahay at maglaro kayo. Mamaya pag-uwi ko magdadala ako pansit para sa’tin,” sabay halik ni Divina sa kapatid.

Si Susan ang sumunod sa kanya, siyam na taong gulang. Ito ang naiiwan sa bahay para sa mga kapatid dahil ang ina nila ay matutulog lang at aalis rin.

At saka naman lalakad si Divina papunta sa kanilang eskwelahan. Mababait ang mga kaklase niya sa kanya. Parati siyang binibigyan ng pagkain na inuuwi din naman niya sa mga kapatid. Maski na hirap ay nangunguna siya sa klase.

Advertisement

“Divina, pansit o para sayo,” wika ng guro ni Divina na si Binibining Mananlik.

“Ho? Para saan po ito ma’am?” tanong ng bata.

“Alam kong kaarawan mo ngayon kaya naman yan na ang regalo ko sayo at saka ito narin.” saad ng guro sa kanya sabay ipit ng pera sa kanyang palad.

“Ma’am malaking halaga po ito. Sobra na po ito sa sahod ko,” sagot agad ni Divina sa gurong inabutan siya ng isang daang piso.

Ang guro mismo ang nag alok na pa-swelduhin siya nito kapalit ng simpleng pagsulat sa board. Ang totoo ay tulong na lamang nito iyon sa dalagita. Ayaw naman kasi nitong isipin ni Divina na nililimusan niya ito.

“Magaling kang bata Divina at alam kong nahihirapan ka na sa iyong ina. Kung gusto mo sa akin kana tumira at ako ang magpapa-aral sayo nang sa gayon e matulungan mo agad ang mga kapatid mo,” saad ng guro.

“Naku ma’am. Hulog po kayo ng langit sa akin at napakabuti niyo po. Ayos na po sakin na binibigyan niyo ako ng pambaon sa araw-araw. Pero hindi kopo maiiwan ang mga kapatid ko,”malungkot na sagot ni Divina sa guro.

Pauwi na si Divina sa kanilang bahay at masaya ito dahil may dala nga siyang pansit para sa mga kapatid ng magulat siyang tatlo na lamang ang naabutan niya doon at umiiyak si Susan.

Advertisement

“Susan asan ang mga kapatid mo?” tanong ni Divina sa kapatid.

“Ate, binenta na ni mama. Sabi pa nga niya ay kami naman daw ang susunod bukas,” umiiyak na sagot ng kapatid.

Kaya dali-dali niyang sinugod ng ina na nasa sugalan.

“Mama, nasan ang mga kapatid ko!?” pasigaw na tanong ni Divina sa ina.

“Hoy! Putragis kang bata ka. Yan ba tinuturo sayo sa eskwela ang manigaw ng nanay!?” galit na bwelta ni Aling Magdalena sabay tayo at kinaladkad sa daan si Divina. “Nanay mo ako! Ako nagluwal sa inyo kaya wala kang pakialam kung anong gagawin ko sa mga kapatid mo!” sigaw ng ale sabay yugyog sa balikat ni Divina.

Walang nagawa si Divina kundi ang umiyak. Pumasok siya ng eskwela at pagbalik niya’y wala narin ang tatlo nitong kapatid.

“Hoy Divina! Wag kang papasok bukas sa eskwela. May bibili na sayo,” wika ng ina nito bago lumabas ng bahay.

Hindi na naghintay pa si Divina na tumilaok ang manok, lumayas siya at pumunta sa kaniyang guro na si Binibining Mananlik.

Advertisement

“Ma’am, pwede po ba na tumira sa inyo? Ako na po bahala magluto,mag-igib at maglaba. Patirahin niyo lang po ako dito.” Pahayag ni Divina sa guro habang umaagos ang mga luha nito.

“Divina hindi mo kailangan gawin iyon. Ang mag-aral ng mabuti at makapagtapos. Yun lang ang hihilingin ko sayo,” sagot ng guro at pinapasok ito sa kanyang munting tahanan.

At simula noon ay nag-aral ng mabuti si Divina at nakapagtapos din ito bilang valedictorian. Lahat ng iyon ay ipinagpapasalamat niya sa kanyang guro.

Ipinagpatuloy ni Divina ang kanyang pag-aaral at nakapagtapos ng kolehiyo sa tulong ng scholarship. Ngayon ay isa na rin siyang guro at tumutulong sa mga katulad niyang bata noon. Lagi din niyang dinadalaw ang gurong si Binibining Mananlik na ngayon ay may sakit sa tuhod hindi na masyado makalakad kaya sya ang nag-aalaga dito paminsan minsan.

Kasalukuyan din niyang hinahanap ang kanyang mga kapatid at nagdarasal na sana mag kapiling na silang muli.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!,