Salamat, Bunso

“Annie, salamat sa padalang mga damit ha? Saka yung mga de lata talagang hindi mo kinalimutan. Baka sa susunod baka pwede mo naman akong mapadalhan ng relo, eh mukhang mura lang naman ‘yon d’yan sa Amerika! Ay siya nga pala, ang nanay pala ay nanghihingi ng ano nga iyon? Hikaw at kuwintas! Iyon bang tunay, dahil alam mo namang sensitive ang balat no’n. Inuungutan kasi ako eh, alam mo namang wala akong pambili ng mga gano’n,” ani Esmeralda habang kausap sa cellphone ang kaniyang bunsong kapatid na nasa Amerika.

“Ah sige ho ate, kapag nakaluwag ulit eh sa susunod na padala ko ng mga bagahe ay isasama ko yung mga hiling ninyo ni nanay. Sabihan mo na lang ako kung mayroon pa kayong kailangan d’yan, isasabay ko sa susunod na balikbayan box,” tugon naman ni Annie.

“Oh sya ate, kailangan ko na kasing bumalik sa trabaho. Kinamusta ko lang kayo ni nanay kung nakuha n’yo na yung mga padala. Mag-iingat kayo palagi r’yan. Tatawag nalang ako ulit ha, miss na miss ko na kayo. Bye!” Dagdag pa nito at saka na tuluyang binaba ang telepono.

Galing sa mahirap na pamilya si Annie, at lumaki siya sa isang maliit na kubo kasama ang kaniyang ina at mga kapatid sa isang probinsya. Sanggol pa lamang si Annie nang iwanan sila ng kaniyang ama dahil sa nakilala nitong babae at siya itong nagkaroon ng panibagong pamilya – hindi na ito umuwi simula noon. Sa apat na babaeng magkakapatid ay siya lamang na bunsong anak ang nakatapos ng kursong nursing, kung kaya’t nang magkaroon ng pagkakataong mangibang bansa ay agad niya itong sinunggaban.

Ang dalawang panganay na kapatid ni Annie ay pawang may mga pamilya na at madalang na lamang kung dumalaw sa kanilang ina. Madalas na magpadala ng pera si Annie sa kaniyang Ate Esmeralda para pang gastos nilang mag-ina. Si Esmeralda ang siyang naiwan para mag- alaga sa kaniyang ina dahil hindi nakapangasawa ito at wala rin namang anak. Kung minsan kapag may extrang pera ay nagpapadala si Annie ng package para sa mga hiling at ilang pangangailangan ng kaniyang ina at ate.

Isang araw ay tumawag si Esmeralda sa kapatid dahil sa matinding problemang kanilang kinakaharap ngayon. Ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay nabibilang na sa tinatawag na danger zone ng pamahalaan – dahil ang bahay nila ay ilang kilometro lamang ang layo mula sa isang aktibong bulkan.

“Naiintindihan ko ate, gagawan ko naman ng paraan. Bale iyon bang sa apartment na nahanap mong malilipatan ninyo ay okay na ang limang libo para sa renta?” may kasamang pag aalala ang boses ni Annie.

“Eh kapag lumipat kami Annie, wala rin kaming mapagkukuhanan ng pambayad sa kuryente at tubig, saka yun bang pang gastos sa araw araw ay dadagdagan mo rin? Alam mo naman, hindi ako basta-bastang makaalis sa bahay dahil alaga ko si nanay. Kaya nga hindi ako makapagtrabaho, hindi ba?” sambit ni Esmeralda sa kapatid.

Advertisement

“Eh sige ate, bale sampung libo kada buwan para sa renta, kuryente at tubig, at pang gastos ninyo ni nanay ha? Huwag kayo mag-alala, pagka-sweldo ko sa susunod na linggo magpapadala agad ako para makalipat na kayo ni nanay,” kapansin-pansin ang pagkabagabag ni Annie sa problema ng kaniyang nanay at ate sa Pilipinas.

Makalipas ang isang linggo ay nakalipat na ang mag-ina sa isang maayos na apartment sa bayan, doon din sa probinsya nila. Sa totoo lang ay sobra-sobra ang sampung libong padala ni Annie kada buwan, kaya lang, ito naman ang dahilan ng pagkakaroon ng bisyo ni Esmeralda. Dahil hindi makaalis ng bahay si Esmeralda gawa ng palagi nitong pagbabantay sa ina ay dinadala nito sa apartment ang kaniyang mga kaibigan at doon sila nagsusugal. Kung minsan ay inaabot ito ng madaling araw sa pagsusugal kung kaya’t hindi maiwasang mapabayaan ang ina – hindi na nito naaasikaso ang matanda lalo na kung gabi kung kailan kasarapan ng pagsusugal.

Ilang buwan ding ganito ang buhay ng mga mag-iina at nagulat na lamang si Esmeralda ng isang gabi ay biglaang umuwi si Annie sa Pilipinas – gabi na nang matunton nito ang nilipatan ng mag-ina. Hindi tumawag si Annie bago ito umuwi o kahit na nasa byahe na ito pa-probisya dahil nais niya sanang ma-sorpresa ang dalawa. Ngunit siya ang nasorpresa nang bumungad sa kaniya ang pagsusugal ng kapatid sa loob mismo ng binabayaran niyang apartment. Napabalikwas si Esmeralda mula sa kinauupuan at saka isa-isang pinaalis ang mga kalaro ng Tong-its.

“A-annie… Ba-bakit hindi ka man lang tumawag bago ka umuwi? S-sana man lang nasundo ka namin ni nanay,” nauutal na sabi ni Esmeralda habang nagliligpit ng lamesang pinagsusugalan.

“Simula kailan ka pa nagpapapunta ng mga tao dito para magsugal, ate?” sambit ni Annie habang ipinapasok ang kaniyang mga gamit. Agad itong nagmano at humalik sa ina at saka binalik ang atensyon sa kapatid. “Ate, ni wala pa kayong pagkain rito oh. Huwag mong sabihing gabi-gabi ay nangyayari ito? Kawawa naman ang nanay.”

Hindi maipinta ang mukha ni Annie sa labis na panlulumo.

“Eh, bunso.., minsan lang naman. Kapag ano.. kapag medyo nababagot ditto sa bahay. Eh kaysa naman iwanan ko ang nanay, tinatawag ko na lamang sila rito para maglaro,” pagpapalusot ni Esmeralda.

“Ate, ilang araw lang ako rito. Gusto ko lang malaman mo na yung mga araw na ilalagi ko rito ay aasikasuhin ko lang ang papeles ng nanay. Sa tagal ng itinigil ko sa Amerika ay napetisyon ko na ang nanay at isasama ko na siya pabalik ng Amerika. Bago ako umalis doon ay ipinasa ko na rin ang request para sa’yo. Pero kung ganito ay baka magbago ang isip ko,” sagot ni Annie sa nakatatandang kapatid. “Malaki ang respeto at tiwala ko sa’yo ate, kaya wala akong pag-iimbot na nagpapadala kahit hirap ako sa trabaho.” Dagdag pa nito.

Advertisement

“Inaamin ko, kapag may sobra sa pinapadala mo ay natutukso talaga akong magsugal. At patawad dahil alam kong nagkukulang ako kay nanay. Tinatanggap ko yung magiging parusa sa mga nagaw ako. Huwag kang mag alala, hindi ko kayo pipigilang umalis. At paghihirapan kong muli ang tiwala mo,” mapagpakumbabang sabi ni Esmeralda.

“Ate, iyon pa lang pag-aalaga sa nanay ay sapat nang sakripisyo mo. Wala akong karapatang magalit sa iyo sa totoo lang. Salamat, ate,” agad niyakap ni Annie ang nakatatandang kapatid.

Ilang araw lang ay nakaalis na patungong Amerika si Annie at kaniyang ina. Si Esmeralda naman ay nakapasok bilang isang kasambahay sa isang pamilya sa Maynila — nagsikap ito upang hindi na umasang muli sa nakababatang kapatid.

Hindi rin nagtagal at tuluyan nang napansin ni Annie ang malaking pagbabago sa kanyang kapatid, kaya naman sinikap niyang ma-petisyon na rin ang paglipad ni Esmeralda patungong Amerika. Doon, namasukan din sa isang matandang Amerikana ang ate ni Annie bilang caregiver.

Ngayon ay magkatuwang ang magkapatid sa lahat ng gastusin nilang tatlo. Nangako sila sa isa’t isa na kailanma’y hinding-hindi na magtatago ng lihim at magtutulungang makaahon sa kahirapan.