Dahil sa Labis na Paghihirap ng mga Magulang Para sa Kanila, Isang Surpresa ang Ihinanda ng mga Anak Upang Magpasalamat

“Tay, pasok na po kami!” paalam ni Zoey sa kanyang ama.

“Teka, anak tignan ko muna kung maayos ‘yang buhok mo,” tanong ni Mang Tonyo.

Natatawang lumapit si Zoey sa ama, “Tay, hindi po ba kayo nahihiya?”

“Bakit naman ako mahihiya?” sagot ng kanyang ama.

“Kasi po lagi kayo nakikita ng mga kapitbahay natin na inaayusan niyo ang buhok ko. Baka po isipin nila, bading kayo.”

Natawa ang ama at nagboses-babae, “Hindi ako bading no. Girl ako!”

Tawang-tawa naman ang batang si Zoey at ang dalawang kapatid niyang lalaki sa pagbibiro ng ama. Kung titignan kasi ito ay lalaking-lalaki dahil sa laki ng katawan. Kaya naman hindi talaga bagay dito ang pag-aaktong bading.

Matagal nang nasa abroad ang nanay nila kaya naman halos lahat ng pag-aalaga ng isang ina ay nararanasan nila sa Tatay Tonyo nila.

Advertisement

Hindi naman sila nagrereklamo dito, bagkus ay lubos-lubos pa nga ang pasasalamat sa ama dahil kahit nasa malayo ang kanilang ina ay hindi sila pinabayaan nito. Pati nga pag-iipit ng kanyang buhok ay responsibilibad na rin nito.

Noong una’y nahirapan ito sa mga gawain noon ng kanilang nanay pero nang magtagal ay nasanay na rin ito at pinipilit nang isabay ang pagiging driver at taga-alaga nila. Lahat kasi sila ay nasa elementarya palang kaya naman kaunting gawaing-bahay lang ang naitutulong nila sa ama. Madalas pa sila nitong sawayin sa tuwing gumagawa sila ng mabibigat na gawain.

“Mag-focus kayo sa pag-aaral niyo. Kaya kami kumakayod ng nanay niyo ay para makapagtapos kayo pare-pareho sa pag-aaral.”

Hanggang sa magkaroon ng event sa school at nakaisip silang tatlong magkakapatid ng surpresa para sa kanilang superheroes sa buhay. Habang kausap nila sa Skype ang ina at ang ama nama’y nakaupo sa malapit sa stage ay biglang umakyat ang bunsong si Zoey.

Pinakita niya ang drawing niyang tila sina Wonderwoman at Superman sa mga tao, saka siya nag-umpisang magsalita.

“Para po sa amin nina kuya ko, ang superheroes po ng buhay namin ay ang nanay at tatay namin. Kung ang mga classmates ko ay sina Batman o Spiderman ang paboritong superheroes. Kami po ng mga kapatid ko ay sina Nanay at Tatay.”

Itinuro niya ang drawing na babaeng superhero, “Siya po si Nanay, OFW po siya at matapang na nagwowork po para sa amin. Thank you po, Nay sa lahat ng sakripisyo niyo sa amin.”

Sumunod niyang pinakita ang lalaking superhero, “Siya naman po ang tatay ko. Siya po ang pumalit kay Nanay nung nag-abroad siya. Driver po sya sa umaga, nanay naman po namin sa gabi. Thank you din, Tay sa araw-araw na pag-aayos ng buhok ko. Lalo na sa pagluluto at paglalaba para sa amin. Love po namin kayo!”

Advertisement

Naging madamdamin ang reaksyon ng mga magulang nina Zoey. Pati na rin ng mga nanunuod na guro’t mga ibang magulang. Dahil doo’y isang masigabong palakpakan ang inialay para dakilang ama at ina ng magkakapatid. Tunay ngang hinid mapapantayan ng kahit na anong yaman ang sakripisyo’t pagmamahal ng mga magulang.

Disclaimer: Ang kwentong ito ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na tao o personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang. Ang Inday Trending ay isang website na ang layunin ay magbigay ng aral, inspirasyon at katuwaan sa mambabasang Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalawig ng aming imahinasyon upang makagawa ng makabuluhang akda na tumatalakay sa pang-araw-araw nating buhay. Ang mga akdang ito ay orihinal na gawa ni Inday Trending at ng kanyang mga manunulat.

Ikaw? Kailan mo sasabihan ng simpleng “thank you” sina nanay at Tatay mo? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.