Inaagaw ng Lalaki ang Pagkain ng Iba, Pati ang Pagkain na Hindi Niya Dapat Kinain ay Nilantakan Niya

Naglalakad si Lino sa pasilyo ng paaralan nang mamataan niya si Eva na nahihirapang buksan ang hawak niyang supot ng sitsirya. Nilapitan niya ito at nagmagandang loob na tulungan siyang buksan ito. “Pahingi, ah,” pakiusap ni Lino.

Hindi na bumalik ang sitsirya sa kamay ni Eva. Si Lino na ang humawak nito habang nakikipagkwentuhan siya sa babae. Sunud-sunod ang pagkuha niya habang walang tigil siya sa kakatanong ng kung anu-ano kay Eva.

Ang babae naman ay wiling-wili sa kakasagot ng mga tanong at nakalimutan na niya ang kaniyang sitsirya. Namalayan na lang niyang na naubos na ito ni Lino nung nagpaalam na ang lalaki sa kaniya.

“Salamat, ah. Sa uulitin. Mauna na ‘ko sa’yo sa silid-aralan.”

Walang nagawa si Eva kung hindi manghinayang na lang na hindi man lang niya natikman ang binili niyang sitsirya.

Pagpasok ni Lino sa kwarto ay si Elijah pa lang ang nasa loob. Nagbubukas ito ng lata ng malamig ng soft drink. Napansin din niyang may mga nakapatong na mabibigat na libro sa kaniyang upuan.

“Pare, tulungan mo naman akong ibalik yung mga libro sa istante. Mukhang nakalimutan atang ibalik ng mga estudyante na naunang gumamit ng silid-aralan sa atin,” pakiusap niya sa kaklase.

Ibinaba ni Elijah ang hawak niyang lata at sinimulan na niyang ibalik ang mga libro sa dati nitong lalagyan. Sa halip na tulungan siya ni Lino ay naglakad ito patungo sa pinagpatungan niya ng soft drink at ininom niya ito.

Advertisement

“Pupunta lang ako ng banyo. Pag dumating na ang guro natin sabihin mo na sandali lang ako,” sabi ni Lino sa kaklase bago siya lumabas ng silid.

Nang matapos nang isalansan ni Elijah ang mga libro ay binalikan niya ang kaniyang inumin ngunit nagulat siya nang matuklasan niyang wala na itong laman kaya itinapon na lang niya ang lata sa pinakamalapit na basurahan.

Oras na ng pananghalian kaya sumabay si Lino sa agos ng mga estudyante patungo sa kantin dala ang kaniyang baunan kung saan nakalagay ang kanin at tortang talong na niluto ng kaniyang ina. Sa loob ay hinihintay na siya ng kaniyang matalik na kaibigan.

“Ano ang ulam mo, Limwell?” tanong ni Lino sa kaibigan.

“Kalderetang baka,” sagot ng lalaki habang binubuksan ang takip ng kaniyang baunan.

“Mukhang masarap, ah. Tortang talong naman ang sa akin. Paghatian natin para pareho nating matikman,” suwestiyon ni Lino.

“Sige ba pero bibili muna ako ng inumin,” tugon ni Limwell.

Mahaba ang pila patungo sa kahera kaya natagalan si Limwell. Pagbalik niya ay tapos nang kumain si Lino. Ubos na rin ang baon niya.

Advertisement

“Akala ko ba hati tayo? Eh, inubos mo na ang baon ko, eh. Sana naman tinirhan mo ‘ko. Alam mo namang paborito ko ‘yan, eh,” reklamo niya sa kaibigan.

“Pasensya na. Masarap kasi ang pagkakaluto kaya hindi ko napigilan ang sarili ko. Sa iyo na lahat ng ulam ko. Hindi na ko makikihati sa’yo,” hinging paumanhin ni Lino kay Limwell.

Maraming ginawa si Lino sa kaniyang panghapon na klase kaya gutom na gutom siya nung umuwi siya sa bahay. Pagkalapag na pagkalapag niya ng kaniya mga gamit sa sala ay dumiretso siya sa kusina at hinaluglog niya ang repridyireytor. Wala itong lamang pagkain. “Mukhang hindi pa nakakabili ng grocery si Mama,” bulong ni Lino.

Nagtungo siya sa hapag kainan. Nagbabakasakali na may tinapay o biskwit man lang na nakasuklob doon. Pero wala din siyang natagpuang pagkain sa lamesa. Bumalik siya sa kusina para maghanap sa kabinet ng kahit na anong pwedeng ipanglaman sa kaniyang tiyan.

Nang buksan niya ang pinakahuling pintuan ng kabinet ay may natagpuan siyang isang maliit na lalagyan ng bistek na nakapatong sa lata kung saan nila tinatago ang pagkain ng aso nilang si Morgan.

“Bakit dito nila tinago ito?” nagtatakang tanong ni Lino sa sarili. Kinuha niya ang lalagyan ng ulam pagkatapos ay nagsandok siya ng kanin. Wala pang sampung minuto ay natapos na siyang kumain. Niligpit niya ang kaniyang mga pinagkainan at pumasok na sa kaniyang kwarto para umidlip muna sandali.

Nagising si Lino dahil sa matinding pananakit ng tiyan.

“Kuya Nato, hindi ko na talaga kaya ang sakit. Dalin mo na ko sa ospital!” hiyaw niya sa kaniyang kapatid.

Advertisement

Pagdating niya sa ospital ay tinanong ng doktor si Lino kung ano ang mga pagkaing kinain niya sa buong araw. Nang mabanggit niya na kumain siya ng bistek ay malakas na humalakhak ang kaniyang kapatid.

“Iyan ang napapala mo sa sobrang katakawan. Pati aso natin inaagawan mo. May gamot kaya iyon ni Morgan. Ilang araw na kasi siyang hirap umihi kaya niresetahan siya ng gamot ng beterinaryo maliban sa pagpapalit ng pagkain niya. Ang kaso ayaw niyang inumin ang gamot pag hindi nakahalo sa paborito niyang pagkain. Tinago ko na nga kasama ng lalagyan niya ng pagkain para hindi mapagkamalang pagkain ng tao pero kinain mo pa rin. Wala ka talagang patawad,” pang-aasar ni Nato sa kapatid.

Nang malaman niyang may gamot pala na para sa aso ang kinain niyang bistek ay pinilit niyang isuka ang laman ng kaniyang tiyan. Lalong siyang tinawanan ng kapatid dahil sa inakto niya.

Buti na lamang ay hindi malala ang kondisyon ni Lino. Matapos siyang mabigyan ng lunas ay pinauwi na rin siya. Mula noon ay binawasan na ni Lino ang kaniyang katakawan at hindi na rin niya inaagaw ang pagkain ng iba lalong-lalo na ang aso nilang si Morgan.