May Katapat ang Pagiging Arogante

Walang araw na hindi makakarinig ng sigaw sa opisina ni Alex, isang business development manager at consultant sa isang tanyag na kompaniya sa Makati. Kilala siya bilang isang tuso na boss. Nais niyang pulido ang bawat trabaho ng kaniyang mga empleyado. Sa nakakarami si Alex ay mapagmataas, mainitin ang ulo, mayabang at higit sa lahat ay walang pakialam kung may matatapakan na ibang tao. Para kay Alex ang lahat ay trabaho lamang.

“Masyadong malupit iyang si Sir Alex. Akalain mo ba namang suspendihin si Nathan dahil sa nahuli lamang ito sa oras ng trabaho. Ang hindi niya alam malubha ang sakit ng panganay na anak ni Nathan. Pinipilit na lamang niyang pumasok dahil sa ayaw siyang bigyan ng bakasyon,” bulong ng isang empleyado.

“Grabe nga siya. Naku! Bahala iyang si Sir Alex kapag siya ay nakatagpo ng katapat,” sagot ng isa pang empleyado.

Ganito ang naging ugali ni Alex dahil matayog ang mga pangarap niya. Bali-balita din ay may itatalagang bagong bise presidente ang kompaniya at isa sa kanilang mga manager ang mapipili ng may-ari. Ito na ang nakikitang pagkakataon ni Alex upang magpakitang gilas, upang makuha ang ninanais na posisyon sa kompaniya.

Katulad ng mga dating tagpo muling hindi pumayag si Alex na magkaroon ng bakasyon ang kaniyang ibang empleyado. Ang dahilan niya ay marami daw silang trabaho at kinakailangan ng tao. Walang konsiderasyon si Alex. Ultimo may sakit o nawalan ng mahal sa buhay ay hindi niya pinapalagpas. Wala namang magawa ang iba sapagkat alam nila na ang papanigan lamang ng kompaniya ay si Alex.

Si Alex ang pinapadala sa iba’t ibang lugar para inspeksiyunin ang mga sangay ng kompaniya. Siya din ang nagiging tagapangasiwa ng mga sigalot at nakikipag-usap sa mga namumuhunan sa kompaniya. Malaki talaga ang kaniyang pag-asa na makuha ang posisyon dahil sa dedikasyon niya sa kaniyang mga tungkulin.

Isang araw habang nasa Davao ay napag-initan ng ulo ni Alex ang isang matandang babae.

“Ano po ba’t haharang-harang kayo diyan sa aming dadaanan? Hindi ninyo ba alam na bawal ang magtinda dito?” pagalit niyang tanong.

Advertisement

“Hala, sige, alis! Umalis ka dito at nakakasira ka sa aming kompaniya. Alis!” pagtataboy ni Alex.

“Ginoo, huwag ninyo naman po akong ipagtabuyan ng ganiyan. Aalis po ako ng maayos. Ang nais ko lamang ay mag-alok ng aking paninda para sa inyong mga trabahador. Madalas po akong maglako sa kanila,” pagpapaliwanag niya.

“At sumasagot ka pang matanda ka, ha! Kapag sinabi kong alis, alis!” pilit na pagtataboy ni Alex.

“Kung sino man sa inyo ang nagpapapasok dito ng hindi natin empleyado katulad ng babaeng ito ay tiyak na mananagot sa mga namamahala!” pananakot ni Alex sa mga saksi.

“Ngayon, sabihin mo sa akin, tanda. Sino ang nagpapapasok sa’yo dito?” galit na tanong ni Alex.

Hindi magawang umimik ng matandang babae sapagkat alam niyang may mapapahamak sa oras na siya ay magbanggit ng pangalan.

“Aalis na lang po ako, sir. Pasensya na po kayo sa malaking perwisyo na aking nagawa,” paghingi ng paumanhin ng matandang babae.

“Aba! Dapat kanina pa,” tugon ni Alex.

Advertisement

“Paalala ko lamang po. Huwag kayong maging arogante sapagkat hindi sa lahat ng oras ay papanig sa inyo ang pagkakataon,” babala ng matandang babae.

Hindi nagpatinag si Alex sa mga salitang binitawan ng matandang babae.

Nang makabalik sa Maynila si Alex ay nakaramdam ito ng matinding pananakit ng tiyan. Sa sobrang sakit nito ay hindi na niya ito makayanan kaya’t nagpadala na siya sa ospital. Hindi magawang malaman ng mga doktor kung ano ang sanhi ng kaniyang nararamdaman. Ayon sa mga pagsusuri na ginawa sa kaniya walang makitang problema sa resulta ng mga eksaminasyon.

Makalipas ang isang linggo ay nasa ospital pa rin si Alex. Tanging iniisip niya ay ang mga trabaho sa opisina. Lalung-lalo na ang posisyon na pinakaaasamasam niya.

Tanging ang tiyuhin lamang ng lalaki ang dumadalaw sa ospital kaya hindi nito naiwasang magtanong kay Alex.

“Alex, bakit tila walang dumadalaw sa iyo na katrabaho mo dito sa ospital? Isang linggo na rin tayo dito,” pag-uusisa ng tiyuhin ni Alex.

Natahimik lamang si Alex. Mayamaya ay nakatanggap siya ng mensahe mula sa kanilang kompaniya na mayroon nang napiling bise presidente. Hindi siya ang napili. Nakita rin niya ang mga larawan ng mga empleyado na sobrang galak sa pagkakataon na iyon. Kailanman ay hindi niya nakita ang ganoong kagalakan sa mga empleyado.

Patuloy pa rin ang pagsakit ng tiyan ni Alex samantalang ganoon pa din ang sagot ng mga doktor. Hindi nila alam ang sanhi at patuloy pa din na oobserbahan si Alex.

Advertisement

“Alam mo sa probinsya, pamangkin, may paniniwala sila doon na kung hindi makita ng ospital ang sanhi ay baka nakulam ka,” wika ng tiyuhin ni Alex.

Iminungkahi ng tiyuhin ni Alex na manghingi sila ng opinyon sa mga albularyo ngunit hindi naniniwala rito si Alex. Isang umaga, lingid sa kaalaman ni Alex ay nagtungo sa isang albularyo ang kaniyang tiyuhin.

“May nakaaway ang iyong pamangkin. Kailangan niyang hanapin ang babaeng ito upang humingi ng paumanhin. Gawin ninyo ang lahat upang matagpuan ang babae habang may oras pa,” pagsasalaysay ng albularyo.

Ikinuwento ng tiyuhin kay Alex ang pahayag ng albularyo. Naalala ni Alex ang matandang babae na binastos niya sa harap ng sangay ng kompaniya nila sa Davao. Kahit na lubusang nanghihina ay pinilit ni Alex hanapin ang matandang babae sa Davao. Naisip ni Alex na wala namang mawawala kung susubukan niya ito. Higit sa lahat ay napagtanto na ni Alex ang mali sa kaniyang pag-uugali. Sising-sisi ang binata sa kaniyang mga inasal.

Nagawang matanaw agad ni Alex ang matandang babae sa harap ng sangay ng kanilang kompaniya sa Davao.

“Papaalisin mo na naman ba ako?” sambit ng matandang babae. “Hindi po,” mabilis na tugon ni Alex.

“Gusto ko po sana na humingi sa inyo ng kapatawaran. Patawarin ninyo ako sa mga inasal ko noon. Alam ninyo po ba na mayroon akong sakit na hindi malaman ng mga doktor kung ano ang sanhi? Ngunit dahil sa sakit ko na ito nakapagbigay ito sa akin ng matinding leksyon sa buhay. Napagtanto ko na ang lahat, na isa akong napakasamang tao at boss sa maraming empleyado na hindi ko binibigyan ng konsiderasyon,” pagsusumamo ni Alex.

“Sa mga araw na lumipas habang ako ay nasa ospital ay nakaramdam din ako ng lungkot. Lungkot na walang nangamusta sa akin. Marahil pa nga ay ikinatutuwa nila ang pagkakaroon ko ng karamdaman. Pero ganoon pa man ay itinuturing ko itong aral sa akin. Walang hihigit sa mabuting asal at magandang pakikisama sa kapwa. Kaya muli ay humihingi po ako ng kapatawaran sa inyo,” dagdag pa ni Alex.

Advertisement

Ngumiti ang matandang babae at nagwika, “Hindi lahat ay nakukuha sa galit at yamot. Nawa’y sa iyong paggaling ay baunin mo ang aral na itinuro sa iyo ng pangyayaring ito.”

At umalis na ang matandang babae.

Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay bigla na lamang naalis ang labis na pananakit ng tiyan ni Alex at muling bumalik ang kaniyang sigla.

Sa kaniyang pagbalik sa Maynila ay baon ni Alex ang mga aral sa kaniyang buhay. Hindi na mainitin ang kaniyang ulo at kinokonsidera na niya ang kapakanan ng ibang tao. Sa huli kahit hindi man niya nakuha ang inaasam na posisyon ay nagawa pa rin na umunlad ni Alex dahil binago niya ang kaniyang pagkatao.