Tapusin Mo ang Asawa Ko!

Sa loob ng anim na taong pagsasama bilang mag-asawa ay hindi man lang nagawang mahalin ni Olive ang mister niyang si Timothy kahit nagkaroon na sila ng dalawang anak. Pinakasalan lang niya ang lalaki dahil mayaman ito at para maging Canadian citizen rin siya gaya ng asawa.

Kalahating Canadian at kalahating Pilipino si Timothy. Kahit sa dayuhang bansa naninirahan ay matatas itong magsalita ng Tagalog dahil iyon ang itinuro ng Pinay nitong ina. Pinilit namang mahalin ni Olive ang mister ngunit hindi talaga natuturuan ang puso.

Lingid sa kaalaman ni Timothy ay pinagtataksilan siya ng kanyang misis. Mayroon itong kalaguyo sa Pilipinas, ito ay walang iba kundi si Greg. Bukod sa linggo-linggong pagpapadala rito ng pera at mga mamahaling gamit ay palihim niya pang dinadalaw ang lalaki. Ang paalam ni Olive sa asawa ay dadalawin nito ang mga magulang kaya palagi itong umuuwi sa sariling bansa iyon naman pala ay makikipagkita lang sa kinahuhumalingan nitong lalaki.

Isang araw ay nagulat si Olive nang biglang tumunog ang kanyang cell phone. Kasalukuyan pa naman silang nagniniig ni Greg sa kama.

“H-hello, hello, darling? N-napatawag ka?” natatarantang sagot ng babae.

“Hello, darling, kumusta ka na diyan? Kahit dalawang araw pa lang kitang hindi kasama ay sobra na kitang nami-miss,” malambing na sabi ng lalaki sa kabilang linya.

“A-a, e…h-heto m-medyo masama ang timpla ng tiyan ko. Nakakain yata ako ng panis…” pagsisinungaling ni Olive habang pinipigilan ang sarili na lakasan ang boses dahil baka mahalata nito na may iba siyang kasama. Kasalukuyan pa namang kinakagat-kagat siya ni Greg sa kanyang leeg.

“Ano? Ayos ka lang ba darling? Uminom ka na ba ng gamot?” nag-aalalang tanong ni Timothy.

Advertisement

“O-oo, kakainom ko lang ng gamot. S-sandali lang ha, at papasok lang ako sa banyo…hindi ko na matiis, e,”palusot niya rito. Sobrang kulit kasi ni Greg, panay ang halik sa gilid ng kanyang tainga. Hindi naman niya mapigilang makiliti sa ginagawa nito, natatakot siyang mabisto sila ng asawa.

Nang bigla niyang ibinaba ang cell phone kahit magsisimula pa lang sumagot si Timothy ay hindi na niya ito hinayaan pang makapagsalita.

“Grabe ka naman, bakit mo naman ginawa iyon sa asawa mo?” tatawa-tawang tanong ng kalaguyo habang patuloy ang paghalik nito sa iba’t ibang pate ng kanyang katawan.

“Kailangan kong gawin iyon bago pa siya makahalata. Hindi ako papayag na paghinalaan niya ako na may ginagawa akong kalokohan,” aniya.

“Ikaw naman kasi, kailan mo ba hihiwalayan ang asawa mo? Para ma-solo na kita. Alam mo naman na handa rin akong maging ama sa mga anak mo,” sabi ni Greg.

“Atat na atat na nga akong makipaghiwalay sa kanya, e. Kaso sayang ang kayamanan ng g*go kung hindi ko mapapakinabangan ‘di ba, kaya tiis muna ako hanggang sa may mahuhuthot pa ako sa kanya,” wika ni Olive.

“Isa lang naman ang paraan para tuluyan na siyang mawala sa landas mo, sa landas natin… kailangan na niyang mawala sa mundong ito,” anito sa mala-demonyong tono.

“Greg, hindi ako mamam*tay tao,” tanggi niya sa masamang payo ng kalaguyo.

Advertisement

“Hindi ko naman sinabing ikaw ang gagawa, umupa ka ng taong puwedeng gumawa at tumapos sa asawa mo. Tiba-tiba tayo kapag nawala siya. Sa iyo mapupunta lahat ng kayamanan niya! Kapag nangyari iyon ay malaya na tayong dalawang magmahalan, bukod doon ay yayaman pa tayo,” nakangising sabi ng lalaki.

“Oo nga ‘no? Pero dapat pagplanuhan nating maigi iyan, kailangan na walang maghihinala na ako ang may kagagawan ng pagkawala niya. Dapat hindi mabunton sa akin ang sisi,” aniya.

Agad silang nagplano kung paano tatapusin ang buhay ng walang kamalay-malay niyang mister hanggang sa pulido at handa na ang lahat. Nang bumalik siya sa Canada ay naghanap siya ng serial k*ller na gagawa sa plano nila ni Greg. Hindi naman siya nahirapan at may nakuha siya, kapwa Pinoy rin ang nakuha niyang k*ller. Binayaran niya agad ang kalahati ng napag-usapan nilang presyo, ang natitirang kulang ay ibibigay niya kapag maayos nang natapos ang trabaho.

“Basta, iyong sinabi ko sa iyo ha, kailangan na hindi ako ang mapagbibintangan na ako ang nagpap*tay sa asawa ko, maliwanag?” paalala pa niya sa lalaki sabay abot rito ng envelope na naglalaman ng litrato ng asawa at iba pang detalye ng plano.

“Masusunod,” maikling sagot nito.

Dumating ang araw na isasagawa na ang maitim na plano. Sinadya ni Olive na umalis ng bahay para maisagawa ng maayos ng k*ller ang pagpaslang kay Timothy. Isinama rin niya ang dalawa nilang anak. Ang paalam pa niya ay ibibili lang ang mga anak ng mga gamit sa eskwela.

Makalipas ang ilang oras ay bumalik na silang mag-iina sa bahay. Buong akala niya ay natupad na ang mga plano niya ngunit nabigla siya, hindi pa man sila tuluyang nakakapasok ay inaresto na siya ng mga pulis na nasa labas ng kanilang bahay.

“What is the meaning of this?” kinakabahan niyang tanong sa pulis na agad siyang pinosasan.

Advertisement

Nang biglang lumabas sa loob ng bahay ang asawa niyang si Timothy at ang lalaking serial k*ller na inupahan niya.

“Hindi ko akalaing magagawa mo sa akin ito, Olive. Minahal kita ng sobra-sobra, lahat ay ibinigay ko sa iyo ngunit ito pa ang igaganti mo sa akin, ang pagtangkaan ang buhay ko?” sabi ni mister.

“Pasensya na ma’am, oo inaamin ko mamamat*y tao ako pero mga masasamang tao lang ang kaya kong kitlin ang buhay. Nang makita ko ang litrato ng taong gustong niyong ipatapos sa sa akin ay hindi ko magagawa ang inuutos niyo dahil si Sir Timothy ay isang napakabait na tao. Matagal ko na siyang kilala. Nagkasama kami sa trabaho noon sa isang pabrika. Nang magkasakit ang aking anak ay siya ang kaisa-isang tumulong sa akin para maipagamot ang anak ko. Kung hindi dahil sa kanya ay wala na sana ang kaisa-isa at pinakamamahal kong anak kung hindi agad nadala sa ospital. Hanggang ngayon ay tinatanaw ko pa rin iyong malaking utang na loob sa iyong asawa. Mula noon ay hindi na kami nagkita dahil nabalitaaan kong umalis siya sa pabrika at nagtayo ng negosyo na kanya namang ikinaunlad ngayon,” bunyag ng lalaki.

Isinumbong pala ng serial k*ller ang balak ni Olive sa kanyang asawa dahil magkakilala pala ang mga ito. Sumuko ang lalaki sa mga awtoridad at pinagsisihan ang mga nagawang kasalanan. Nagawa lang naman niya ang trabahong pamamaslang ay dahil matindi rin ang galit niya sa mga masasamang tao na pumaslang din noon sa kanyang asawa. Labis rin ang pag-iyak at pagsisisi ni Olive sa ginawa, isinuplong rin niya ang kalaguyong si Greg dahil kasabwat ito sa plano. Parehong nakulong ang dalawang taksil.

Masakit man kay Timothy ang nangyari sa kanilang mag-asawa, patuloy pa rin ang buhay niya kasama ang dalawa nilang anak na mag-isa na niyang inaalagaan at binubuhay.