Naiinis na ang Dalaga sa Nanay Niya Dahil Palagi Siya Nitong Kinukulit na Sumali sa Beauty Contest, May Pinaghuhugutan Naman Pala Ito

Natatandaan pa ni Rain nang ihatid ang banyagang ama sa airport. Siya’y apat na taong gulang pa lamang ng panahong iyon. Iyak siya ng iyak ngunit wala namang magawa sapagkat kailangang maghanapbuhay ng ama upang mabigyan sila ng magandang buhay.

Lumaking palaban si Rain, sa tingin niya’y namana niya ito sa kaniyang ina. Bungangera, taklesa, segurista. Sa pinapatakbo nilang canteen ay walang nangangahas hindi magbayad ng utang sapagkat tiyak na masisira ang kredibilidad nito sa buong barangay. Ipo-post pa nito ang mukha ng mga iyon sa Facebook.

Marami rin itong kaibigang pulis na pinapakain niya ng libre tuwing tanghalian sa kanilang canteen. Ganoon katinik si Belen, ang ina ni Rain. Kaya’t kahit dalawa lamang silang magkasama ay walang nang-aapi sa kanila.

Araw-araw naman nilang kausap ang kaniyang Papa sa videocall kahit ito’y malayo. Papa’s girl si Rain, mas kasundo niya ang ama kaysa sa ina.

“Nak, bakit naman kasi ayaw mong magsuot ng ganitong dress. Ikaw ang pinakamaganda sa eskuwelahan niyo pero kung pumorma’t lumakad ka e mas maskulado’t mas maangas pa sa mga pulis na kaibigan ni mama.” Pabirong wika ni Belen sa anak.

“Ma, parang awa na ninyo. Masakit katawan ko sa pagtulong sa canteen. Tapos nag volleyball pa ako kahapon. Saka ka na magsermon, ma. Please.” Naiiritang tugon ni Rain.

“Huwag kang mag worry anak, babalik na si Aling Carmen bukas at may kasama pang dalawang kasambahay. Hindi na tayo mahihirapan.” ani Belen.

Hindi na umimik si Rain. Alam niyang pasakalye lamang ito ng ina at kukulitin na naman siya nitong sumali sa nalalapit na beauty pageant. Upang makatakas ay umakyat na ito sa kaniyang silid at natulog.

Advertisement

Kinabukasan ay hindi naman siya nakaligtas sa ina. “Nak, marami tayong sponsors. Yung mga tito mong pulis, mga tita mong beautician sa parlor. Aba, sure win na ito. Kinikilabutan ako!”

“Ma, ilang ulit kong sasabihin. ISANG BESES KO LANG KAYONG PAGBIBIGYAN. Nagawa ko na yon at nanalo ako. Tapos na, ma. Ayoko na!” Sabay lumabas ng pinto si Rain at hindi na nagawang kumain ng agahan.

Pagdating sa pinapasukang university ay ganoon pa rin ang problema ni Rain. Ang mga guro, kaklase, ultimo janitor ay kinukulit siyang sumali sa beauty pageant. Ipinatawag pa siya ng kanilang college dean.

“Rain, please take the opportunity. Hindi lang ang university natin ang mabibigyan mo ng karangalan kung hindi pati na rin ang parents mo.” Giit nito.

“Ma’am, with all due respect… Sasali ho ako sa ganyang contest kung yan talaga ang gusto ng puso ko pero hindi. Iba ang gusto ko. May sarili akong plano sa buhay, Ma’am.” Pagmamatigas ng dalaga.

“Rain, ibang-iba ka talaga sa Mama mo ano?” Wika ng dean.

Nagtaka naman ang dalaga sa sinabi nito at nahalata iyon ng dean.

“Hay naku, kung naipagpatuloy lang ng Mama mo ang pangarap niya baka umabot iyon hanggang Miss Universe. Sa ganda at talino ng mama mo, naku taob lahat sila.”

Advertisement

Lalong naguluhan si Rain sa nalaman.

“Teka, huwag mong sabihing hindi mo alam?”

“Na ano ho??? Sumasali ho ba si Mama sa beauty pageant noon?” Tila nauunawaan na ni Rain ang ibig ipahiwatig ng punong guro.

“Rain, hindi niya naituloy ang pangarap niyang maging beauty queen dahil nabuntis siya ni Papa mo.” Pagsiwalat nito.

Gulat na gulat si Rain sa narinig kaya pala pursigidong pursigido ang ina na siya ay sumali sa patimpalak.

Umuwi ang dalaga ng maaga dahil sa naramdamang awa sa ina. Siya pala ang nakasira sa pangarap nito.

Hindi naman nagustuhan ni Belen ang pagiging taklesa ng kanilang college dean. Palibhasa’y fan na fan niya iyon kaya’t hindi niya ito maaway. Pinigilan naman siya ng anak na paandarin na naman ang pagiging war freak upang hindi mapahiya sa university.

Inilahad ng ina na nagkakilala sila ng kaniyang papa nang nagbakasyon ito sa Pilipinas upang suportahan ang pinsan nitong kapwa kandidata rin sa isang beauty contest na sinalihan niya. Nagkamabutihan sila at nagbunga ang kanilang pagmamahalan. Hindi nag-isip ang mag-asawa na huwag ituloy ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan kahit pa masira ang pangarap ng kaniyang ina na maging beauty queen sapagkat mahal na mahal nila ang batang dinadala.

Advertisement

Naluha ang dalaga sa narinig at niyakap ng mahigpit ang kaniyang ina. Panay ang hingi ng tawad nito sa kaniyang ina at nangakong sasali na ito sa beauty pageants.

Hindi naman pumayag ang ina sapagkat ang dahilan lamang ng anak upang sumali ay ang kaniyang lihim na nakaraan ngunit nagmatigas ang dalaga. Sinabi nitong nang malaman niya kung gaano siya kamahal ng mga magulang ay naging taos na sa kaniyang puso ang pagsali dito.

Bandang huli ay nagtawanan na lamang sila. “Ano ba yan, Mama. Para tayong mga siraulo. Iiyak, tatawa. Gusto mo akong sumali tapos noong sasali na ako, ayaw mo na!” Hindi na halos makahinga kakatawa ang dalawa.

Sumapit na ang pinakahihintay na araw ng lahat, nagpakitang gilas sa talent, swimwear, sportswear, formal wear ang dalaga. Ngunit ang pinaka nagpanalo rito ay ang kaniyang sagot sa question and answer portion.

“Do you think it is important to have both your parents by your side while growing up and why?” tanong ng isa sa mga judge.

“Magandang gabi po sa inyong lahat, lalong lalo na sa aking inang nasa audience at amang nanonood sa akin sa live video. Para po sa inyo ang gabing ito!”

Palakpakan naman agad ang lahat. Napakaraming fans ni Raine.

“Para po sa kagaya kong lumaki na wala ang ama sa aking tabi, masasabi kong hindi nasusukat ang pagiging mahusay na magulang sa kung gaano lamang kayo katagal magkakasama sa aspetong pisikal. Higit na mas mahalaga ang pananaig ng inyong pagmamahalan kahit saan mang lupalop ng mundo kayo mapadpad. Hindi man namin nakakasama ni Mama si Papa palagi ay alam at ramdam naman naming mahal niya kami. Opo, napakaimportante na kaagapay mo ang iyong mga magulang habang lumalaki. Kaya’t nagpapasalamat ako sa aking ama na nagsakripisyo ng pangsariling kaginhawaan para lamang mabigyan ako at ang aking ina ng magandang buhay. At salamat din po sa Mama ko na nagtiis mapalaki akong mag-isa kahit wala sa tabi namin sa Papa. Salamat sa inyong team work at ito na ako ngayon, gusto kong matupad ang aking pangarap na maging isang beauty queen. Para sa inyo po ito, Mama at Papa. Mahal na mahal ko kayo!”

Advertisement

Lalong lumakas ang palakpakan ng mga manonood.

Nagulat naman ang dalaga nang makita sa di kalayuan ang isang lalakeng kayakap ng ina. Tila pamilyar ito sa kaniya at hindi siya nagkamali. Ang kaniyang ama ay umuwi upang suportahan siya.

“Ladies and gentlemen, the Miss Mabuhay 2019 is no other than candidate number 5! Ms. Rain Franceska Cruz Ford!”

Napaiyak ang dalaga at agad namang umakyat ng entablado ang ama at ina nito upang yakapin ang dalaga. Miss na miss niya ang kaniyang Papa.

Napagalaman pa ni Rain na isang taon nila itong makakasama dahil may nakuha itong proyekto sa Pilipinas.

Kung ikaw ang nasa posisyon ni Rain, ano ang isasagot mo sa question and answer portion? Ano ang masasabi mo sa kuwento? Ibahagi sa amin ang inyong sagot sa comments section sa ibaba. Para sa mas maraming updates, i-like lamang ang aming Facebook page.