Madalas Pinapakain ng Dalaga ang Pulubi Dala ng Awa, Nagulat Siya nang Malaman ang Relasyon Nito sa Kanya

Sa araw-araw na lumalabas si Cara mula sa kanilang bahay ay palagi niyang napapansin ang kaawa-awang lagay ng isang pulubing lalaki. Bihira lamang siyang makakita ng ganoon dahil sa pagkakaalam niya ay mahigpit na ipinagbabawal ang pamamalagi ng kahit sinong pulubi sa kanilang exclusive subdivision, kaya’t laking pagtataka niya na hindi sinasaway ang lalaki.

Dahil mahabagin ang dalaga, sa tuwing papasok na siya sa opisina ay hindi niya nakakalimutang dalhan ng pagkain ang pulubi. Masagana ang kaniyang pamumuhay kapiling ng kanyang mapagmahal na ama’t ina kaya naman madali para sa kanya na maipagtabi ito ng pagkain.

“Tatay? Heto ho oh, masarap ‘yan. Ang papa ko ang nagluto niyan,” nakangiting sabi ni Cara sa pulubi habang inaabot ang pagkain.

Matapos noon ay umalis na ang dalaga. Nakasanayan na rin niyang hindi nagsasalita ang lalaki, kaya’t kahit ang pangalan noon ay hindi niya alam. Sa tuwina’y “salamat, anak” lamang ang sinasabi nito.

Isang umaga, nagising si Cara gawa ng pamimilipit niya sa sakit ng kanyang dibdib. Hirap siyang huminga at hindi makabangon, mabuti na lamang at narinig ng kanyang ina ang malakas na kalampag ng kanyang laptop na bumagsak sa lapag.

“Anak! Anong nangyayari sa’yo?! Nestor! Tumawag ka ng ambulansya, bilisan mo,” nagmamadaling sabi ni Ester.

Naisugod naman agad ang dalaga sa ospital, maya-maya pa ay lumabas na ang doktor at kinausap ang mag-asawa.

“Misis, mister, ang anak ho ninyo ay may malaking butas sa kanyang puso. Kinakailangan natin siyang maoperahan sa lalong madaling panahon,” wika nito.

Advertisement

Kahit pa mayaman sila, alam nilang mahihirapan silang makahanap ng donor ng puso dahil napakahaba ng pila ng mga taong nangangailangan ng pamalit ng puso. Nagkatinginan ang dalawa na tila may naisip na paraan, para sa kanila ay iyon na lamang ang natitira nilang baraha upang madugtungan pa ang buhay ng dalaga.

Agad naoperahan at nabigyan ng bagong puso ang dalaga, naging mabilis ang kanyang paggaling kaya naman hindi nagtagal ay nakauwi na silang mag-anak sa kanilang tahanan.

Matapos ang isang buwang pamamahinga ni Cara mula sa trabaho, kinailangan na niyang bumalik upang magreport sa kanyang boss. Maayos na rin naman ang kalagayan niya ayon sa doktor at kakayanin na niyang magtrabaho muli. Bago pumasok, bigla namang naalala ni Cara ang pulubi. Kaya naman kumuha muli ito ng pagkain upang ibigay kagaya ng dati.

Ngunit laking gulat niya nang wala na ang pulubi doon. Isang maliit na krus din ang nakalagay malapit sa pwesto na lagi niyang nilalagian dati. Sa labis niyang pagtataka sa nangyari, bumalik siya sa kanilang bahay upang makibalita.

“Mama? Papa? Kilala niyo ho ba ‘yong pulubi sa may tapat ng bahay natin? Bakit kaya wala na siya doon?” tanong ni Cara.

Bigla namang nag-iba ang reaksyon ng mag-asawa. Tila ba kinabahan sila sa itinanong ng dalaga.

“Ah… eh, anak, panahon na siguro upang malaman mo,” wika ni Nestor.

“Nestor! Hindi! ‘Wag!” sabat ni Ester.

Advertisement

“Ano po ‘yon?” tanong ni Cara.

“Wala, anak. O sige na, pumasok ka na sa trabaho at mahuhuli ka na,” sagot ni Ester.

Ngunit hindi magawa ni Cara na ipagsawalang-bahala iyon. Naramdaman niyang may malaking tinatago sa kanya ang dalawa, kaya naman pilit niyang kinulit ang mga ito upang magsabi.

“Ester! Sasabihin ko na!” sigaw ni Nestor.

“Anak, Cara? Ang pulubing iyon, ang pangalan niya ang Victor. Noon ko po siya inaalok na pumasok at tumira dito kasama natin… Pero ayaw niya. Ayaw daw niyang maguluhan ka sa tunay mong pagkatao,” paliwanag ni Nestor.

“Ha? Hindi ko maintindihan, papa. Bakit naman ako maguguluhan? Sino ba siya? At saka bakit niyo naman po siya inalok na tumira rito?”

“Kasi siya ang tunay mong ama, Cara,” sagot ng nakayukong si Ester.

“Tutal ayaw nang magpapigil ng papa mo, heto at ako na ang magsasabi…” patuloy nito.

Advertisement

Ikinuwento ni Ester mula sa simula. Sanggol pa lamang si Cara nang makita sila ng mag-asawang si Nestor at Ester kasama ng amang si Victor na pagala-gala sa lansangan. Nang isilang daw si Cara ay agad binawian ng buhay ang kanyang ina. Noon pa lamang daw ay pulubi na ang mag-ama, kaya naman dala ng labis na pagka-awa ay sinubukan ng mag-asawa na ampunin ang bata.

Noong una ay ayaw pumayag ni Victor. Mahal na mahal daw nito si Cara dahil ito na lamang ang natitirang alaala niya sa kanyang pinakamamahal na asawa. Ngunit dala ng labis na kahirapan, sa huli ay pumayag din ang lalaki. Ngunit isang kondisyon daw ang hiningi nito sa mag-asawa,

“Pumapayag na ho akong ampunin ninyo ang aking anak, pero ipangako niyo sa akin na hindi ninyo sasabihin sa kanya na siya ay ampon lamang. Iparamdam ninyo sa kanya ang masarap at masayang buhay. Ayaw kong malaman niya na ang tunay niyang ama’t ina ay mga pulubi lamang.”

Pumayag naman agad ang mag-asawa, dahil kahit anong gawin nila ay hindi sila magkaroon ng sariling anak gawa ng sakit ng babae sa kanyang matres.

Pumalagi raw si Victor doon upang mapagmasdan ang paglaki ng kanyang anak. Awang-awa ang mag-asawa kaya’t inalok nila ito na tumira sa loob ng kanilang bahay at magpakilala na kay Cara ngunit ayaw pumayag ng pulubi. Ayaw daw kasi niyang gumulo ang buhay ni Cara.

“E nasaan na po ang tunay kong ama?!” umiiyak na sagot ni Cara. Gulat na gulat siya sa mga narinig.

“Anak… Ang puso mo, sa kanya iyan nanggaling. Kahit anong pilit namin na makabili ng ibang puso na pupwedeng ilipat sa iyo, wala kaming mahanap. Kaya naman wala na kaming ibang maisip na paraan kung hindi sabihin ito kay Victor. Agad naman siyang nagsabi na gusto niyang ialay ang sarili niyang puso para sa iyo,” sagot nito.

Nanlambot si Cara. Kaya naman pala palagi siyang nakakaramdam ng kakaiba sa tuwing magtatagpo ang mata nila ng pulubi. Ito pala ang tunay niyang ama.

Advertisement

Binisita ng tatlo ang puntod ni Victor. Wala nang nagawa si Cara kung hindi ang umiyak at magpasalamat sa puntod ng namayapang tunay na ama. Hindi rin naman niya nagawang magtanim ng galit para sa umampon sa kanya dahil sumunod lang naman ito sa kasunduan nila ni Victor.

Magmula noon ay lalong minahal ni Cara ang kinikilalang magulang. Laking pasasalamat niya sa mga ito dahil binigyan siya nito ng maganda at maginhawang buhay. Linggo-linggo rin niyang dinadalaw ang puntod ng tunay niyang ama upang magbigay punyagi at pasasalamat sa buhay na inialay nito para sa kanya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!